Marso 1991.
Itago n'yo na lang ako sa pangalang Teloy. Walumpu't dalawang taong gulang na sa kasalukuyan. Dati akong hardinero. Bata pa lang kasi ay mahilig na ako sa mga halaman. Bukod kasi sa pagsasaka ang pangunahing hanapbuhay sa amin sa probinsya noon, mahilig din ang aking ina sa iba't ibang klase ng mga halaman. Katunayan nga e, nagtatrabaho si nanay sa isang malaking bahay malapit sa paanan ng bundok. Siya ang tagapangalaga ng mga halaman ng matandang may-ari ng bahay. Sabi ni nanay, dati raw na doktor ang matanda ngunit nagretiro na raw ito at piniling magmukmok na lang sa bahay kasama ang alaga nitong mga aso. Sabi sa bali-balita, may pasyente raw itong namatay sa panganganak. Sinisi raw nito ang sarili sa nangyari at 'yon ang nagtulak dito upang tuluyan nang magretiro.
Trenta anyos na ako nang pumalit ako kay nanay bilang hardinero sa malaking bahay na iyon. May kahinaan na rin kasi siya at minsa'y hindi na nagagawa nang maayos ang trabaho. Sa isa kasing katulad ko na hanggang elementarya lang ang natapos, mahirap talagang makahanap ng maayos na trabaho. Iyon bang, may malaking sweldo. Ngunit dahil pare-pareho kaming magkakapatid na biktima ng kahirapan, wala kaming mapagpipilian kundi ang maghanap ng trabahong babagay sa amin sa kabila ng kakulangan sa pag-aaral.
"Ayusin mo ang pagdidilig sa mga halamang 'yan, Teloy. Mahal ang bawat isa ng mga halamang nakatanim dito sa bakuran ko. Kapag may isang namatay, ikakaltas ko sa sweldo mo, maliwanag?" masungit na sabi ng matanda sa akin habang nakapamaywang sa may pintuan. Unang araw ko pa lang no'n bilang hardinero.
"Maliwanag ho, Doktora."
Doktora ang tawag sa kanya ni nanay kaya sa ganoong pangalan ko na rin siya nakilala. Bago ako magsimula sa trabahong iyon, mahigpit akong pinagbawalan ni nanay na pumasok sa loob ng bahay. Hindi raw kasi ro'n pinapapasok ni Doktora ang mga trabahante nito lalo na kung gabi. Sabi ko naman, hindi iyon magiging problema sa akin lalo na't tuwing umaga at hapon lang naman ang trabaho ko.
Sa lawak ng bakuran ng matanda, may isang bodega ro'n kung saan nakatabi ang mga gamit na kakailanganin ko sa mga halaman kaya hindi ko na kailangan pang pumasok sa bahay. Sa sungit din kasi ni Doktora, baka murahin pa ako.
Sa ilang linggong pananatili ko ro'n, isa lang ang napansin ko. Bukod sa hindi talaga umaalis ng bahay si Doktora, palaging nasa loob ng bahay ang mga asong alaga niya. Sabi ni nanay, hindi raw ordinaryong aso ang mga alaga nito kundi tatlong malalaking aso na mukhang manglalapa ng tao. Tiyak na kapag nag-away away ang mga 'yon ay magkakabasag-basag ang mga gamit sa loob ng bahay.
"Nay, nakita n'yo na ho bang lumabas ng bahay si Doktora kasama ang mga alaga niya?" usisa ko kay nanay isang umaga. Kauuwi ko lang no'n galing kina Doktora.
"Yung tatlong higanteng aso niya? Naku. Iisang beses ko pa lang nakita ang mga 'yon. Palagi kasing kabuntot ni Doktora sa loob ng bahay. Para bang, iisa lang ang isip nila. Kapag sumunod ang isa, susunod na rin ang lahat kay Doktora. Ewan ko ba, anak, pero parang kakaiba ang pakiramdam ko sa mga asong iyon."
Kunot-noo kong nilingon si nanay na abala na sa pagbabalat ng sibuyas at bawang para sa ilulutong ulam. "Paano hong iba?"
"Basta. Mahirap ipaliwanag, anak. Basta mag-ingat ka na lang do'n at wag na wag kang susuway sa mga ipinagbabawal ni Doktora. Tiyak na hindi yun magdadalawang isip na tanggalin ka sa trabaho."
Tumango-tango na lang ako sa sinabi ni nanay kahit ang totoo, hindi pa rin ako no'n mapakali habang iniisip kung anong mayroon sa mga asong iyon.
Kinabukasan, bandang hapon. Inagahan ko ang pagpunta sa bahay ni Doktora. Hindi para magdilig ng mga halaman kundi para makita ang mga asong sinasabi ni nanay.
Alam kong bawal pumasok sa bahay ng matanda pero saktong pag-ikot ko sa likuran, naabutan kong nakabukas ang pinto sa may kusina. Kaagad akong napatakip ng ilong nang umalingasaw ang malansang amoy mula roon.
BINABASA MO ANG
TAGALOG HORROR STORIES
HorrorCompilation ito ng mga maiikling kuwentong nasulat ko. Ang iba rito ay true stories, at ang iba naman ay fiction.