Ako si Guillermo, mas kilala bilang 'Gimo' sa aming lugar. Bihira lang ang hindi nakakakilala sa akin dahil isa ako sa mga kinatatakutan pagdating sa sabungan. Karamihan pa naman sa lugar namin ay mga sabungero kaya iisa lang ang linya ng aming dugo.Nabibilang lang sa daliri ang bilang ng talo ko dahil sa husay ng mga manok na inilalaban ko, mapa-tupada man o bigating laban sa naglalakihang sabungan. Noon, masayang-masaya ako tuwing may sabong, lalo na kung dadayo pa kami sa ibang bayan. Ngunit nagbago ang lahat nang dahil sa huling beses na pagdayo namin na nagdulot ng kakaibang karanasan nang minsan kaming ginabi sa isang sabungan sa probinsya ng Quezon. Hindi ko na babanggitin kung saan do'n dahil balita ko, hanggang ngayon, naroon pa rin ang buo nilang angkan.
Disyembre, 2002.
Alas-singko pa lang ng umaga, nasa labas na ako ng bahay at abala sa paghimas ng mga alaga kong manok. Madilim at malamig pa sa labas nang ganitong oras pero nasanay na rin ako. Noong binata pa kasi ako ay nagtrabaho ako sa isang malaking farm na punong-puno ng mga sasabunging manok kaya natuto na rin ng tamang pagpapakain at pagkokondisyon lalo na kung ihahanda na ang mga ito para sa laban. Pero ngayon, isa na ako sa mga bigating sabungero dito sa aming lugar. May sarili na akong farm na unti-unti ko na ring pinupuno ng mga alagang manok para maibenta nang mahal sa mga sabungero. Minsan, pati ang mga nakakalaban ko ay dumarayo pa rito para bumili ng magandang klase ng manok.
"Ke aga aga, manok na kaagad ang hawak mo," puna ng asawa kong si Ara. Sa lahat ng taong nakakasama ko, siya ang numero unong kontrabida. Noon pa man ay tutol na siya sa ginagawa kong pagsasabong dahil malaki-laking pera rin nag nailalabas ko para ipusta. Syempre sugal 'yon. Kung hindi ka pupusta, wala ka ring mapapala.
"Eh, ano pa bang hahawakan ko? Do'n ka na nga sa loob at pinaiinit mo lang ang ulo ko. Alam mo namang malas 'yan tuwing may laban ang mga alaga ko," singhal ko sa aking asawa. Nakasimangot naman ang mukhang pumasok siya sa loob at pabadog na isinara ang pinto.
Naiiling na lang na ibinalik ko ang tingin sa hawak-hawak kong manok. Isa kasi ito sa mga nakondisyon nang maayos. Mukhang magiging maganda ang laban ng isang ito dahil nakita ko ang liksi at ang lakas nitong pumalo nang magbitaw kami kahapon.
Nangangamoy panalo na naman.
"Oh, Tonyo, ayusin mo ang pagpapakain sa mga manok at nang malaki-laki ang balato mo 'pag nanalo ako mamaya," sabi ko kay Tonyo nang maabutan ko siyang naglilinis ng mga pakainan ng mga manok. Si Tonyo ang pinakamatagal ko nang tauhan dito sa farm kaya may tiwala na ako sa kaniyang iwanan ang mga alaga ko tuwing umaalis ako. Pero ngayon, siya ang isasama ko para magdala at magbantay ng mga ilalaban naming manok.
Ngunit nang dumako ang mga mata ko sa may kubo ay kaagad na uminit ang ulo ko.
"Nak ng—hoy, Berting! Huwag kang magwalis d'yan! Pambihira naman 'tong taong 'to. Itinataboy mo ang grasya. Bukas na 'yan."
Napayuko naman si Berting at sunod-sunod ang paghingi ng pasensya. Bago lang kasi siya rito kaya hindi pa niya alam ang mga pamahiin ko tuwing may sabong.
Bago pa man mag-alas-syete ay nakahanda na kami ni Tonyo. Halos isang oras lang naman ang byahe patungo sa dadayuhin naming lugar para makapagsabong. Hindi naman ganoon ka-big time ang premyo pero tiwala ako na mananalo ang manok ko.
Malayo sa kabahayan ang lokasyon ng sabungang pinuntahan namin. Sinadya raw talaga iyon para hindi makaperwisyo sa komunidad ang ingay tuwing may nagaganap na sabong. Isa pa'y napupuno rin ng mga nakaparadang sasakyan sa harapan no'n kaya kailangan din ng malawak na parking area.
Nang makapasok na kami sa loob, may mangilan-ngilan ding bumati sa akin doon nang makilala nila ako. Nakipagkuwentuhan naman ako sandali at inimbitahan na rin silang pumasyal sa manukan ko kung sakaling mapadpad sila sa amin.
BINABASA MO ANG
TAGALOG HORROR STORIES
HorrorCompilation ito ng mga maiikling kuwentong nasulat ko. Ang iba rito ay true stories, at ang iba naman ay fiction.