THE CARPENTER 8

9 0 0
                                    

THE CARPENTER
Written by Jiara Dy

SPG | PART 8

AUTHOR’S NOTE:
This story or any portion thereof may not be reproduced in any written, electronic, recording, or photocopying or used in any manner without Jiara Dy’s expressed written permission. SA MADALING SALITA, BAWAL KOPYAHIN SA KAHIT NA ANONG PARAAN.

NAPAPITLAG si Lumi nang makarinig siya ng umalingawngaw ang lagabog ng isang bagay na sinundan ng nakakangilong ingay. Para itong metal na hinihila sa sahig… patungo sa direksyon nila ni Manong Azi.

“Nandyan na siya. Kailangan mo nang umalis, Lumi!” nag-aalalang sabi ni Manong Azi.

Mariin siyang umiling. Tinitigan niya sa mga mata ang kaharap. “Hindi ako aalis dito nang hindi ka kasama. Papatayin ka niya!”

“Alam ko pero kaya kong makipagsabayan sa kaniya… ikaw hindi, kaya ‘wag nang matigas ‘yang ulo mo! Umalis ka na!” Kinuha nito ang bungkos ng susi mula sa bulsa ng pantalon saka iniabot sa kaniya. “Heto, nandyan lahat ng susi. Lahat ng ‘yan, susi sa farmhouse at dito sa bunker. ‘Wag kang dadaan sa harap, sigurado akong maaabutan ka ro’n ni Hiro.”

“Pero sa’n ako dadaan? Wala na nang ibang daraanan palabas kun’di ‘yon lang!”

Ngumisi si Manong Azi. “Mas kabisado ko ang bunker kaysa sa ‘yo, Lumi. At may ginalaw ako rito nang hindi nalalaman ni Hiro.”

Napaawang ang mga labi niya. “A-Anong ibig niyong sabihin?”

“Yang pader na nasa likuran mo, may sekretong lagusan dyan palabas ng bunker. ‘Yong pinakamalaking susing ibinigay ko sa ‘yo, ‘yon ang gagamitin mo para tuluyang makalabas dito.”

Sapilitang inilapag ni Manong Azi ang susi sa kamay niya. Kahit anong tanggi niya ay hindi ito pumayag na hindi niya iyon makukuha. “Umalis ka na!”

Akmang hahakbang na siya nang muling magsalita ang matanda.

“Hindi kayo makakaalis kaagad kung kubota ang gagamitin niyo. Kung kailangan niyo ng pamalit na gulong, marami akong stock sa bodega.”

“Pero nasaan po ‘yong bodega?”

“Sampung hakbang mula sa kaliwang bahagi ng balon, makikita mo ang itinambak kong mga balat ng mais. Alisin mo ‘yon at makikita mo ‘yong tambakan ng mga sirang gamit sa ilalim.”

Tumango-tango siya. “Salamat po.”

“Ingatan mo ang sarili mo. Mangako ka sa ‘kin na makakaalis ka rito nang buhay.”

Nang mas lumakas pa ang nakakangilong ingay na naririnig ni Lumi ay patakbo na siyang nagtungo sa direksyong itinuro sa kaniya ni Manong Azi.

“I’m sorry... wala po akong magawa para iligtas kayo,” anas niya nang muling sulyapan si Manong Azi.

“Wala kang dapat ikahingi ng sorry. Ito ang pinakamagandang bagay na magagawa ko para sa ‘yo... ang iligtas ka, anak.” Ngunit hindi na narinig ni Lumi ang huling katagang sinabi ni Manong Azi.

Itinulak niya ang pader na kinulayan ng puting pintura kaya hindi agad mahahalata na may pinto roon. Pagbukas niya ng pinto, tumambad kaagad sa kaniya ang hagdan paakyat para makalabas ng bunker. Napahinga siya nang malalim. Sinulyapan niya ang nakasarado nang pinto at mariing napapikit nang marinig ang nasasaktang sigaw ni Manong Azi.

Tumutulo ang luha niya habang tinatahak ang hagdan palabas ng bunker. Mabigat ang bawat hakbang. Gusto niya ring iligtas si Manong Azi pero hindi na niya iyon magagawa pa.

Nasa likod ng farmhouse ang kabilang lagusan ng bunker kaya naging madali na lang para sa kaniya ang makabalik sa mga kasama niya. Naghuhurumentado ang dibdib niya habang naglalakad pabalik sa silid na tinutulugan nila.

TAGALOG HORROR STORIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon