MAY SAYAD
(Exclusively written for Kwentong Enteng YouTube channel)BAWAL KOPYAHIN SA ANUMANG PARAAN. NO TO PLAGIARISM!
Ang kuwentong ito ay nangyari noong mga bata pa lang kami. Itago n’yo na lang ako sa pangalang Ivan.
Sa lugar namin, walang ibang mapaglilibangan ang mga batang kagaya namin dahil wala pa naman kaming T.V sa bahay. Wala pa rin kaming cellphone dahil masyado pang mahal iyon para mabili ng mga magulang namin. Kadalasan, pakikinig lang sa radyo ang pangtanggal namin ng inip bukod sa paglalaro.‘Yong bahay namin, nasa loob ng bukid na pagmamay-ari ng amo ni Tatay. Binata pa lang siya noon ay katiwala na siya ng may-ari kaya naman nang makapangasawa siya ay ibinigay na sa kaniya ang lupang kinatitirikan ng bahay namin. Si Nanay naman, katulong ni Tatay sa pagtatanim sa malawak na gulayan na katabi lang ng maisan at sa palayan. At kapag wala naman kaming pasok sa eskwela, tumutulong kami sa kanila sa pagtatanim, pag-aani, at sa pagsusuga ng mga kambing. Walong taon pa lang ako noon at ang kuya ko naman, kinse anyos na.
“Ivan! Bilisan mo naman dyan!” sigaw ni Kuya Aries na hila-hila ang tatlong barakong kambing. Hila ko naman ang isang inahin na kasunod ang dalawang batang kambing.
Pagdating namin doon sa pagtatalian ng mga kambing, nagtaka ako nang mapansin ‘yong lumang bahay sa kabilang bakuran.
“Kuya, may tao na, oh. Bagong lipat yata.”
Napalingon naman si Kuya Aries doon sa bahay. “Aba, oo nga, ‘no. Eh ‘di mas maganda. Hindi na tayo masyadong mapapanglaw kapag pinaglilibot ni Tatay dito kasi may tao na dyan.”
Ewan ko ba pero hindi ko magawang sumang-ayon sa sinasabi ni Kuya Aries nang mga oras na ‘yon. Iba kasi ang pakiramdam ko. Napakunot ang noo ko nang mapansin ‘yong matandang kuba sa labas ng bahay. May kalakihan ‘yong umbok sa likuran niya at medyo matulis pa kaya nakakatakot tingnan. Parang may kakaiba ro’n. Nakakita na kasi ako ng kuba pero sa pagkaalam ko, hindi naman ganoon ang itsura.
Naputol ang pag-iisip ko nang mapansin na nakatingin pala siya sa amin. Tinawag ko si Kuya Aries pero hindi niya ako pinansin dahil nakatuon ang atensyon niya sa pagtatali ng mga barakong kambing.
Hanggang sa matapos na kami sa pagtatali, nakatingin pa rin sa amin ‘yong matandang kuba habang nakangisi. Hindi ko alam kung guni-guni ko lang ba iyon pero parang nanlilisik ‘yong mga mata niya habang nakatingin sa amin ni Kuya Aries.
“May sayad yata ‘tong matandang ‘to,” bulong ko.
“Hoy, Ivan! Tara na! Ano pa bang hinihintay mo dyan?”
“Kuya, napansin mo ba ‘yong matandang kuba do’n sa bahay kanina?” Ngunit kagaya kanina ay hindi na niya ako pinansin.
Lumipas ang ilan pang araw. Nakakapagtaka na tuwing magtatali kami ni Kuya Aries ng mga kambing, palaging naroon sa labas ng bahay ‘yong matandang kuba. Palagi siyang nakatingin sa amin at minsan pa, nakita ko siyang naglalakad papalapit, pero tuwing tatawagin ko si Kuya Aries, humihinto siya at bumabalik sa puwesto niya.
“Ivan, tara! Manguha tayo ng bayabas bago umuwi!”
BINABASA MO ANG
TAGALOG HORROR STORIES
TerrorCompilation ito ng mga maiikling kuwentong nasulat ko. Ang iba rito ay true stories, at ang iba naman ay fiction.