KARNE NG KAPITBAHAY

188 4 0
                                    

(Exclusively written for Kwentong Enteng YouTube channel)

Ako si Poldo. 42 anyos na sa kasalukuyan. Nangyari ang kuwentong ito noong umuwi ako sa Agusan. Nag-resign ako noon sa pinapasukan kong pabrika dahil walang magbabantay kay Nanay sa bahay tuwing sinusumpong ng hika. Wala pa namang malay sa pag-aalaga kay Nanay ang bunso kong kapatid dahil pitong taong gulang pa lang iyon. Wala rin naman akong tatay dahil limang taon na kaming ulila sa ama.

Nakaipon naman ako no’n kahit papaano kaya ginamit ko ang pera para magtayo ng maliit na sari-sari store sa bahay nang sa gayon ay may kikitain pa rin kami kahit nasa bahay lang. Malakas kasi roon ang bigas at mga de lata dahil malayo kami sa bayan.

Sa lugar namin, kahit mahihirap ay malalawak ang pag-aaring lupa kaya naman ‘yong mga bahay sa amin, malalayo ang agwat sa isa’t isa. Tipong kahit magsisigaw ka ay hindi ka gaanong maririnig. ‘Yong gilid kasi ng bahay namin ay may mga nakatanim na gulay. Bago ako umalis noon ay kami ni Nanay ang nag-aasikaso ng gulayan dahil doon din naman kami madalas kumukuha ng pang-ulam. Isa pa, sa pamilya namin, ako lang ang vegetarian. Di bale nang mag-ulam ako kahit talbos lang ng kamoteng kahoy na pinakuluan o ‘di kaya’y isinapaw sa sinaing, huwag lang ang kahit anong klase ng karne.

Bago makapunta sa bayan, dadaan muna kami sa niyugan na napaliligiran ng nagtataasang mga damo. Kapag nakalabas na sa niyugan, saka pa lang makakarating sa maputik na kalsada palabas ng aming sitio. Kung susumahin, aabutin ng apat na oras bago makauwi. Bukod kasi sa malayo ay mahirap ding makasakay. Bihira kasi ang bumabiyaheng habal sa amin.

Kaya naman, maaaga pa lang noon ay nagpasya na akong pumunta sa bayan para mamalengke, bitbit ang dalawang may kalakihang bayong.

“Siya na ba ‘yong anak ni Gloria? Aba, e, binatang-binata na,” narinig kong sabi ni Manang Ester. Sila ‘yong pinakamalapit ang bahay namin.

“Hijo! Pa-bayan ka?” tanong niya.

Ngumiti naman ako at magalang na tumango. “Oho, Manang Ester.”

Nakipagkuwentuhan siya sandali sa akin. Bakas sa mukha niya ang labis na pagkaaliw sa akin. Parang ayaw na nga niya akong paalisin kung hindi lang ako nagpaalam sa kaniya.

Makalipas ang dalawang linggo mula nang bumalik ako, lumakas ang benta sa tindahan namin kaya napilitan na kaming umutang sa bumbay ng pambili ng motor na gagamitin sa pamamalengke sa bayan. Nang medyo bumuti na ang pakiramdam ni Nanay, siya naman ang nagbabantay sa tindahan habang ako naman ay naghahabal.

Minaneho ko ang aking motor patungo sa bahay at binaybay ang makitid na daanan sa gitna ng niyugan. Pagtapat ko sa bahay nina Manang Ester, nagulat na lang ako nang makita siyang nag-aabang sa labas ng kanilang bakuran. Wari’y may hinihintay.

Gabi na, ah. Bakit nasa labas pa siya?

“Manang Ester!” bati ko sa kaniya.

Malapad siyang ngumiti nang makita ako.

“Nandyan ka na pala, Poldo! Heto, oh. Nagkatay kami kanina. Iuwi mo itong karne para may pang-ulam kayo mamaya,” tuwang-tuwa niyang sabi sa akin.

Bagama’t hindi ako kumakain ng karne, tinanggap ko na lang iyon at malugod na nagpasalamat. Nakakahiya namang tumanggi at sabihing hindi ako kumakain ng karne. Nakakapagtaka man pero, sinundan pa niya ako ng tingin hanggang sa makauwi na sa bahay. Nang maipasok ko kasi ang motor sa bakuran namin, natanaw ko pa siya na nakatingin sa aking direksyon.

“Oh, anak, nandyan ka na pala. Ano ba ‘yang dala mo?” sabi ni Nanay na sinalubong ako sa may pinto pa lang ng bahay.

Ipinakita ko naman sa kaniya ang karne na nakalagay pa sa puting plastik.

TAGALOG HORROR STORIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon