KARYONG TULI

100 0 0
                                    

PLAGIARISM IS A CRIME!
⚠️ SPG
KARYONG TULI
(Exclusively written for Kwentong Enteng YouTube channel)

April, 1998.

Mahal na araw na noon. Kung ang iba, inaalala kung paano sila magninilay-nilay o kaya'y kung saan magbabakasyon, iba naman ang plano ng aming grupo. Nakakahiya mang ikuwento pero sa edad namin, pare-pareho kaming hindi pa tuli.

Ako si Gino. Kabilang sa tropa ko sina Archie, Rence, at Mandy. Bata pa lang ay magkakaibigan na kami. Bukod kasi sa magkakalapit ang mga bahay namin, halos magkaka-edad din kami at iisang eskwelahan lang din ang pinapasukan. Ako ang pinakamatanda sa grupo sa edad na disi-otso, at ‘yong tatlo naman, pare-parehong edad disi-siyete.

“Oy, pot-su! Mahal na araw na!”

“Putcha! Baka makunat na ‘yan, ‘tol!”

Ilan lang ‘yan sa mga panunuksong naririnig ko sa mga taong nakakaalam ng sikreto ko. Sa daldal ba naman ng nanay ko, wala na akong maitatago. Pero syempre, hindi ko ‘yan inaamin sa kabila ng mga panunukso. Madalas, dinadaan ko na lang sa pananakot para tigilan nila ako.

Nagkumpulan kaming magbabarkada sa may tulay nang hapong iyon. Nakasanayan na kasi naming tumambay doon bandang alas-kuwatro ng hapon para magbisikleta o ‘di kaya’y mang-trip sa mga dumadaan.

Napansin ko ang pananamlay ni Archie habang nakasandal sa poste ng tulay. Pasimple ko siyang tinanong kung bakit.

“Nagkakalabuan na kasi kami ni Ella, 'tol. May nakapagsabi kasi sa kaniya ng tungkol sa... alam mo na. Eh, ayun, parang nahihiya na siya tuwing kasama ako. Naghahanap na nga ako ng pwedeng magtuli para matapos na ‘tong kalbaryo ko.”

“Sasama ‘ko, Chie!” biglang sabat ni Rence na kanina pa pala nakikinig.

“Dapat buong tropa na ‘yan, Archie! Ano, Gino? Sama ka rin?” untag ni Mandy sa akin.

Napangisi naman ako. Syempre, sino ba namang magpapaiwan sa grupo? Kung mayroon lang sigurong makakarinig sa amin, tiyak na pagtatawanan kaming lahat.

“Hindi mo na ako kailangang tanungin kung kasama na kayong lahat. Teka, may nahanap na ba kayong magtutuli? Wag sa doktor, ah. Mabubuking tayo, ‘tol,” sabi ko naman.

“Walang pupunta sa doktor. Sa de pukpok tayo. May kilala raw si Tatay na nagtutuli sa kabilang bayan. Walang makakakilala sa atin do'n. Ligtas sa kahihiyan,” singit naman ni Rence.

Pumayag naman ang lahat sa plano ni Rence kaya pinilit naming gumising kahit madaling araw pa lang para walang makakita sa pag-alis namin. Inarkila na namin ‘yong tricycle ng tiyuhin ni Mandy para makarating kaagad doon. Tatawagan na lang namin siya ulit kapag magpapasundo na kami. Kaso nga lang, kailangan pa naming lakarin papuntang looban kung saan nakatira ang matandang magtutuli sa amin. Kilala raw siya bilang Karyong Tuli. Isang albularyo at legit na magtutuli. Mura lang naman daw maningil kaya hindi na kami nagdalawang isip na pumunta.

“Sigurado ka bang dito nakatira ‘yon, Rence? Mukhang kuta yata ng mga aswang dito, ah,” biro ko.

“Siraulo! Gusto mo lang yata mag-back out, eh. May oras ka pa, Gino!” sagot ni Rence.

Ngunit bago pa ako makapagsalita, may narinig kaming kaluskos mula sa kakahuyan sa gilid ng kalsadang nilalakaran namin. Nagkatinginan kaming lahat.

“Putcha, ano ‘yon?” nanlalaki ang mga matang tanong ni Archie.

Nagtawanan kami nang lumabas mula sa damuhan ang kulay itim na kambing na mukhang nakawala sa pagkakatali.

Bahagya akong natigilan. Mabilis na nawala sa paningin namin ang kambing.

TAGALOG HORROR STORIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon