GALING SA LAMAY (Part 2/4)
THIS IS EXCLUSIVELY WRITTEN FOR LADY PAM YOUTUBE CHANNEL. DO NOT PLAGIARIZE.
Sa huling gabi ng lamay ni Aling Igna, mas lalong dumalang ang mga taong pumupunta roon upang makiramay dahil sa umaalingasaw na amoy ng matandang nakaburol. Maging ang ina nina Toto ay nagtatakip na rin ng ilong habang matiyaga pa ring nag-aasikaso sa mangilan-ngilang nakikiramay. Ang iba naman, nagpasya na lamang na mag-umpukan malayo sa kinaroroonan ng kabaong ni Aling Igna upang magsakla.
“Pambihira! Mabuti’t nasisikmura n’yo pa ang amoy ng bangkay ni Aling Igna, Mareng Tasing?” hindi napigilang komento ni Mang Jun na isa sa mga nakipaglamay nang gabing iyon. Kasama si Mang Jun sa mga rumorondang tanod sa baryo tuwing gabi.
Inalok ito ni Aling Tasing ng kape ngunit mariing tumanggi ang matandang tanod.
“Salamat na lang, mare. Hindi rin naman ako magtatagal dito at roronda pa kami.”
Nang bumalik na sa ginagawa ang ina ni Toto, nagulat ang binatilyo nang pasimpleng kinuha ni Mang Jun ng isang balot na biskwit na kasama sa mga ipinamimigay sa mga nakikipaglamay doon. Nakaawang ang bibig na sinundan niya ng tingin ang papalayong bulto ni Mang Jun. Napakamot na lang sa ulo si Toto. Gayunpaman ay nagpasya na lamang siyang hindi banggitin sa ina ang nakita niya.
Mag-a-alas dose na ng gabi ngunit naroon pa rin sina Toto. Hinihintay na lamang nila ang papalit sa kaniyang ina sa pagbabantay doon at uuwi na rin sila. Ngunit habang naghihintay, bigla na namang umihip ang may kalakasang hangin, dahilan upang muli na namang sumimoy ang masangsang na amoy ng bangkay ni Aling Igna. Halos maduwal si Toto sa amoy na iyon.
Nagpalinga-linga sa paligid si Toto. Tatlo na lamang ang nakikipaglamay doon. Nakauwi na rin ang mga nagsusugal dahil hindi na rin natiis ng mga ito ang nakasusulasok na amoy.
“Nay, ‘di pa ba tayo uuwi? Baka naman ho hindi na darating ‘yung papalit sa inyo,” aniya sa inang si Aling Tasing.
Sumagot naman ang ginang at sinabing sandali na lamang sila roon. Dismayadong bumalik sa inuupuan si Toto. Maya-maya lamang ay napasulyap sa kabaong ni Aling Igna ang binatilyo. Napatitig siya sa naiilawang kabaong nang may mapansin siyang tila gumagapang mula roon. Muli siyang nagpalinga-linga sa paligid para alamin ang reaksyon ng mga nakikipaglamay doon ngunit mukhang siya lamang ang nakapansin niyon. Tumayo si Toto at mabagal ang hakbang na nilapitan ang kabaong ni Aling Igna.
Nang tuluyang makalapit, nanlaki ang kaniyang mga mata nang makita ang maiitim na uod na gumagapang mula sa loob ng nakasaradong kabaong. Unang gabi pa lamang ng lamay ay nakasara na ang kabaong ni Aling Igna upang hindi makita ang kalunos-lunos na itsura ng bangkay nito. Ngunit kahit nakasarado iyon ay hindi pa rin nakaligtas ang maliliit na uod na naglalakbay doon. Napaatras si Toto nang pumatak ang mga ito sa lupa.
“Nay! Nay, tingnan n’yo ho!” tawag niya sa ina.
Agad naman itong lumapit sa kaniya. Natutop nito ang bibig nang ituro niya ang nakita kani-kanina lamang. Gayunpaman ay nanatili itong kalmado upang hindi matakot ang iilan na lamang na nakikipaglamay doon.
Bilin ng kaniyang ina, huwag na lamang pansinin kung ano pa man ang makikita roon. Ngunit nang makaalis ang ina, hindi napigilan ni Toto ang kuryosidad na makita ang itsura ng matandang namatay. Nagpalinga-linga siya, at nang masigurong walang makakakita sa kaniya, dahan-dahan niyang inangat ang takip ng kabaong. Nanlamig ang buong katawan ni Toto nang tumambad sa kaniya ang nakakikilabot na itsura ng bangkay ni Aling Igna. Ang dalawang mata nito ay nakaluwa na at ginagapangan pa rin ng maliliit na uod. At ang mukha nito, napuno na ng mga sugat na may namumuong langib at mga nana na mas lalong nagbigay ng masangsang na amoy nito. Ilang sandali pa, muntik nang mapasigaw si Toto nang biglang bumuka ang bibig ni Aling Igna. Kasabay nito ang mahinang tinig na naririnig niya na wari’y bumubulong sa kaniya. Nabitawan niya ang takip ng kabaong, dahilan upang muli itong sumara.
Malalaki ang hakbang na nilisan ni Toto ang kinaroroonan ng kabaong. Nilapitan niya ang kaniyang ina.
“Nay, mauuna na po akong umuwi,” aniya na hindi mapigilan ang bahagyang panginginig sa takot.
Ngunit habang nasa daan, patuloy ba naglalaro sa isipan ni Toto ang bangkay ni Aling Igna. Binilisan niya ang paglalakad nang mapagtantong may kalaliman na rin ang gabi at mag-isa lamang niyang naglalakad sa tahimik na kalsadang iyon.
Ilang sandali pa, natanaw ni Toto ang tanod na si Mang Jun na may dala pang batuta. Mukhang pauwi na rin ang matanda. Tatawagin sana niya ito upang makisabay sa paglalakad nang bigla siyang matigilan.
Tila napatda sa kinatatayuan ang mga paa ni Toto nang makita ang isang matandang babaeng bigla na lamang sumulpot sa likuran ni Mang Jun. Nakasuot ito ng itim at mahabang bestida. Ngunit sunod-sunod na napalunok si Toto nang bumaba ang tingin niya sa mga paa ng matandang babae. Hindi iyon nakalapat sa kalsada. Hindi pa man nakakabawi sa nakita si Toto nang biglang lumingon ang matanda.
Napaatras si Toto na halos hindi na makahinga sa tindi ng nararamdamang takot nang makilala ito. Si Aling Igna. Nakangisi ang matanda habang nakatanaw sa kaniya na wari’y may nais itong ipahiwatig na hindi maganda. Ngunit sa muling pagkurap ni Toto, bigla na lamang itong naglaho na parang bula.
Kinabukasan, muling isinama ng ina si Toto. Iyon kasi ang araw ng libing ni Aling Igna. Gaya ng inaasahan, kaunti lamang ang sumama sa kanila. Mabibilang lamang sa daliri ang mga nakipaglibing, at karamihan pa ay nagmamadali nang makauwi.
Habang inilalagak ang kabaong sa libingan, nakatakip ang ilong at bibig ng mga taong naroon. Ang iba naman ay pinili na lamang na lumayo dahil sa mas tumindi pang masangsang na amoy ng bangkay. Nahulog ang maliliit na uod mula sa kabaong, dahilan upang mapasigaw ang ilan sa mga nakikipaglibing.
“Ibang klase ang bumarang kay Aling Igna. Hanggang sa kamatayan ay hindi pa rin siya nilubayan. Tiyak na hindi matatahimik ang kaluluwa ng matandang ‘yan,” wika ni Mang Isidro na matagal nang sepulturero sa sementeryong iyon.
Sumagot naman ang isa pang lalaki. “Kaya nga noong nakikipaglibing ako e hindi ko magawang kumain ng kahit anong iniaalok. Baka kahit ‘yon e maging dahilan pa para sundan ako ng kaluluwa ni Aling Igna.”
Biglang lumakas ang kabog ng dibdib ni Toto sa narinig. Doon muling pumasok sa isipan niya ang mga ninakaw na alahas mula sa baul ni Aling Igna. Kailangan niyang maisoli ang mga iyon, ngunit hindi niya alam kung paano pa iyon gagawin. Ipinagbabawal na ang pagpasok sa bahay ni Aling Igna. Isa pa, wala nang maglalakas-loob pang bumalik doon sa takot na magpakita ang kaluluwa ng matandang mambabarang.
Naging maramot ang antok para kay Toto nang mga sumunod na gabi. Madalas nagiging laman ng kaniyang panaginip ang matandang mambabarang kahit noong isang araw pa ito nailibing.
Tuwing napapadaan si Toto sa dating bahay ni Aling Igna, tila naririnig pa rin niya ang mahinang tinig ng matanda tuwing may ginagawa itong orasyon.
BINABASA MO ANG
TAGALOG HORROR STORIES
HorrorCompilation ito ng mga maiikling kuwentong nasulat ko. Ang iba rito ay true stories, at ang iba naman ay fiction.