PANGAKONG SAMPUNG LIBO (Aswang Story)
Isinulat ni Jiara Dy(THIS STORY IS EXCLUSIVELY WRITTEN FOR PAGKAGAT NG DILIM YOUTUBE CHANNEL.)
Ako si Lando. Mas kilala ako sa palayaw kong Doy. Bente-otso anyos at namasukan bilang mekaniko sa isang talyer sa isang probinsya. Noong nabubuhay pa ang aking mga magulang, lagi akong isinasama ni Tatay sa pamamasada ng dyip. Dahil medyo may kalumaan na ‘yong ginagamit niya, palagi kaming nasisiraan sa daan. Marunong naman si Tatay mag-repair ng sasakyan at sa tagal na niyang namamasada, madali na lang sa kaniya ang lahat. Kaya kahit bata pa ako noon ay pinapanood ko siya hanggang sa natuto na rin ako.
Dahil sa pagsasauli ko ng naiwang brief case ng isang customer sa talyer, hindi ko inaasahan na kakausapin ako ng may-ari. Tinanong niya ako kung marunong daw ba akong magmaneho. At noong sinabi kong kaya ko naman, hindi siya nagdalawang isip na kunin ako bilang isa sa mga driver ng dump truck na nagkakarga ng mga graba at buhangin. Hindi ko naman tinanggihan ang alok niya dahil matagal ko na rin namang gustong umalis sa talyer.
Sa unang tatlong buwan na nagtatrabaho ako kay Mr. Mandani, ni minsan ay hindi ako pumalya. Nararanasan ko ring masiraaan sa kalagitnaan ng byahe pero dahil nga dati akong mekaniko, naaayos ko kaagad ang problema at hindi ako nade-delay sa nakatakdang oras kung kailan dapat makarating sa construction site ang mga graba at buhangin. Ngunit nang mangangalahating taon na ako kay Mr. Mandani, saka pa natigil ang operasyon ng mga truck dahil sa nalabag ng mismong kompanya. Napilitan akong maghanap ng bagong trabaho, hanggang sa mapunta akong muli sa isang masungit na amo. Tulad ng dati, driver pa rin ako ng malalaking truck. Pero sa pagkakataong iyon, mga bakal naman mula sa hardware ang sakay ng minamaneho ko. Mas mabigat, mas mabagal, at mas kinakailangan ang pag-iingat.
Sa ikaapat na linggo na nagtatrabaho ako sa bago kong pinasukan, nakabisado ko na ang rutang daraanan ng truck. Ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon, tinamaan ako ng matinding kamalasan. Nang araw na iyon, hindi lang bakal ang karga ng truck kundi pati ang ibang materyales na dadalhin sa ginagawang bahay at bagong warehouse ni Mr. Yulo. Siya ‘yong may-ari ng pinagtatrabahuhan ko.
“Lando, mag-iingat ka. Malayo ‘yang paghahatiran mo ng mga materyales. Nakapunta na ako riyan no’ng nakaraan. Ang pangit ng kalsada at saka liblib na liblib din. Mahirap na. Baka maharang ka ro’n ng masasamang loob. Magdala ka ng proteksyon, pare,” sabi ni Pareng Temyong na kapwa ko driver.
“Gano’n ba? Sige. Huwag kang mag-alala’t lagi ko namang dala ‘yong balisong ko.”
Tinapik-tapik ko ang balikat niya bago sumampa sa malaking truck na aking imamaneho. Nang tingnan ko ang suot kong relo, mag-a-alas-singko na pala ng hapon. Ang sabi ni Mr. Yulo, kailangan daw madala ang mga materyales na kailangan niya ngayong gabi para bukas ay tuloy-tuloy na ang paggawa roon. Kinulang na kasi sa materyales. Sayang naman daw kung walang matatapos ang mga trabahador na mag-o-overnight sa construction. Sakto rin naman na pang-isang buwan ko na sa kaniya kaya umaasa ako na makukuha ko na rin ang aking sahod. Sampung libo kada buwan ang sasahurin ko sa kaniya. At nangako naman siya na ibibigay iyon tuwing katapusan.
Sinunod ko ang instruction kung saan dadalhin ang mga materyales. Hindi naman ako nahirapang hanapin ‘yong kantong sinasabi ni Pareng Temyong. Diretsuhin ko lang daw iyon dahil nasa pinakadulo pa ang ginagawang bahay ni Mr. Yulo.
Saka ko lang napagtanto na tama nga si Pareng Temyong. Baku-bako ang kalsada at wala pang mga bahay sa daraanan. Hindi ko maintindihan kung bakit bigla na lang akong nakaramdam ng kaba. At ilang sandali pa, bigla kong natapakan ang preno nang may tumawid sa kalsada. Abot-abot ang kaba ko na sinilip ang harap at gilid ng truck. Hindi muna ako bumaba dahil masyadong delikado ang lugar na iyon.
“Nasaan na ‘yon?” Ngunit wala talaga akong nakitang kahit ano roon.
Naramdaman ko rin noon na parang humihina ‘yong hatak ng makina ng minamaneho kong truck.
BINABASA MO ANG
TAGALOG HORROR STORIES
HorrorCompilation ito ng mga maiikling kuwentong nasulat ko. Ang iba rito ay true stories, at ang iba naman ay fiction.