⚠️ PLAGIARISM IS A CRIME!
ASWANG ISKWATER
(Exclusively written for Kwentong Enteng YouTube channel)Sa probinsya, uso sa mga magkakapitbahay ‘yong bigayan ng ulam o ‘di kaya nama’y laging pag-imbita tuwing may handaan. Maswerte kami nina Tiyo Dante dahil mababait ang mga kapitbahay namin. Madalas nakakakuwentuhan ni tiyo ang mag-asawang nakatira sa may tapat namin na kung tawagin ko’y sina Nanay Lusing at Tatay June. Hindi raw sila pinalad na biyayaan ng anak kaya naman tuwing nagagawi ako sa kanila, halos hindi na nila ako pauwiin. Parang anak na raw kasi ang turing nila sa akin. Naging malapit sa isa’t isa sina Tiyo Dante, Tatay June at Nanay Lusing mula nang magbigay sila ng ulam sa amin. Nasakto pa ‘yon na wala pang lutong ulam nang umuwi si tiyo kaya naman tuwang-tuwa siya sa kabutihan ng mag-asawa.
Ako nga pala si Banjo, disi-syete anyos at taga-Agusan Del Sur. Doon na ako lumaki kasama ang aking tiyuhin. Namatay sa panganganak ang nanay ko, at ang tatay ko naman na kapatid ni Tiyo Dante, natabunan ng gumuguhong lupa sa bundok habang nag-uuling na naging sanhi rin ng kaniyang pagkamatay. Kaya naman naging ulilang lubos na ako. Mabuti na lamang at hindi ako pinabayaan ni Tiyo Dante. Pagkokopra at pag-aalaga ng mga 45 days na manok ang ikinabubuhay namin. Nitong nakaraan lang, nakabili naman ng dalawang kambing si tiyo. Ako ang nagpapastol ng mga ‘yon tuwing umaga at binabalikan ko naman tuwing hapon pagkagaling sa eskwela.
Pauwi na ako no’n nang mapadaan ako sa mala-iskwater na kabahayan sa kabilang ilog. Kinakailangan ko pa kasing tumawid ng ilog para makauwi sa amin. Ilang buwan pa lang ang nakalilipas mula nang itayo ang mga bahay do’n. No’ng una kasi, iisa lang talaga ang bahay do’n pero sa mga sumunod na buwan, tila kabuteng nagsulputan ang halos diki-dikit nilang mga bahay. ‘Yong iba, gawa lang sa pinagtagpi-tagping yero o ‘di kaya naman ay mga lumang tarpaulin ng mga kandidato ang dingding. Ayon sa iba naming kapitbahay, isang angkan lang daw ang nakatira ro’n.
Hindi naman bago para sa akin ang ganoong ayos ng mga bahay, pero ang ipinagtataka ko lang, masyadong tahimik sa lugar na iyon tuwing umaga. ‘Yon bang, mapagkakamalan mong walang tao sa kanila. Pero sa gabi naman, talo pa nila ang mga manok ni Tiyo Danteng nagpuputakan sa ingay dahil sa madalas nilang kasiyahan. Ni isang beses, hindi sila nag-imbita sa ‘min o kahit sino sa mga kapitbahay namin. Para bang may sarili silang mundo at walang pakialam sa mga kapitbahay nila. Taliwas sa nakagawian na namin tuwing may handaan. Kung tutuusin, ilog lang naman ang namamagitan sa amin.
“Oh, Banjo, nandyan ka na pala. Magpahinga ka muna’t magmeryenda. May dinalang banana cue dyan ang Nanay Lusing mo,” sabi ni Tiyo habang abala sa paglilinis ng isda sa may poso.
“Pagbalik ko na lang po, Tiyo Dante. Kukunin ko muna ang mga kambing sa pinagtalian ko kanina.”
“Saan mo ba itinali ang mga kambing? Hindi kaya nainitan kanina ang mga ‘yon?”
Napakamot ako sa batok nang maalalang hindi nga pala gaanong malilim sa pinagpastulan ko kanina. Mas marami at mas makakapal kasi ang mga damo sa kabilang ilog kaya doon ko dinala ang mga kambing.
“Sa kabilang ilog po. Magbibihis lang po ako at sasaglitin ko na ‘yon doon,” sabi ko naman at dali-daling pumasok sa bahay para magpalit ng damit.
Binagtas ko ang makitid na tulay patungo sa kabilang ilog. Malapit na ako sa pinagtalian ko ng kambing nang mayroon akong mapansin. Kataka-taka ang pagiging tahimik ng paligid. Dati nama’y naririnig ko na agad ang mga alaga naming kambing kahit malayo pa ako sa kanila. Pero ngayon, parang may kakaiba. Binilisan ko ang aking mga hakbang. Bigla akong kinabahan nang hindi ko makita ang dalawang kambing sa pinagtalian ko kaninang umaga. Tali na lang ang naiwan do’n. Nataranta ako sa paghahanap dahil tiyak na mapapagalitan ako ni Tiyo Dante.
BINABASA MO ANG
TAGALOG HORROR STORIES
HorrorCompilation ito ng mga maiikling kuwentong nasulat ko. Ang iba rito ay true stories, at ang iba naman ay fiction.