PLAGIARISM IS A CRIME!
⚠️ SPGSIGBIN KONTRA BALBAL
(Exclusively written for Kwentong Enteng YouTube channel)May, 1998.
Ako si Rico. Labing-siyam na taong gulang. Bata pa lang ako ay kasa-kasama na ako ng aking lolo sa pangangahoy sa gubat at sa pag-uuling. Iyon kasi ang pinagkukunan namin ng pambili ng bigas at sa iba pang gastusin sa bahay. Ulila na ako sa mga magulang kaya tanging si Lolo na lang ang nakakasama ko.
Inabot na kami ni Lolo Delfin ng hapon sa pangangahoy sa gubat. Iniipon pa kasi namin ang mga nakuhang kahoy para hahakutin na lang pababa ng bundok saka patutuyuin kinabukasan. Unti-unti nang kumakalat ang dilim pero malayo pa kami sa paanan ng bundok. Kinapa ko ang flashlight na nakasuksok sa aking bulsa. Saka ko lang naalala na mahina na nga pala ang ilaw no'n. Luma na kasi ang baterya at hindi pa kami nakakabili ng bago.
"Rico, bilisan mo na! Hindi tayo pwedeng abutin ng dilim dito!" natatarantang sabi ni lolo. Sinalakay naman ng kaba ang dibdib ko nang maalala ang laging kinukuwento ni lolo mula no'ng unang beses niya akong isinama sa bundok.
Laganap kasi noon ang kwento tungkol sa gumagalang sigbin tuwing gabi. Sabi nga ng isa sa mga kababata ko, isa raw ang lola niya sa mga nabiktima nito.
Kapag daw mayroong taong may sakit at malapit nang mamatay, madalas daw na umaaligid na ito sa bahay ng magiging biktima. Mahirap daw makilala o hindi kaagad napapansin kung ang sigbin ay malapit na sa 'yo dahil sa pabago-bago nitong anyo. Ngunit isa sa mga palatandaang malapit na ito ay kapag nakaamoy ka ng tila nabubulok na hayop. Ang itsura nito ay parang kambing ngunit ang ulo nito ay nakayuko sa gitna ng mga paa. Mas mahaba ang kanilang mga hita at binti, kumpara sa ulo at balikat. Ang buntot nito ang ginagamit sa pag-atake ng biktima. Upang lansihin ang mga tao, nag-aanyo naman daw itong palaka o kaya'y puting tupa. Tulad ng balbal, mas nakatatakam para sa kanila ang amoy ng patay na tao na nagdudulot sa kanila ng nakasusulasok na amoy. Kapag nakahanap na ito ng biktima, hihintayin nitong mamatay ang taong pakay nito at pilit na kukunin ang bangkay saka nito dadalhin sa kanilang amo upang paghatian.
Nilakihan ko ang mga hakbang ko nang mapansin unti-unti na ngang dumidilim. Hinihingal na kami ni lolo pero malayo-layo pa rin kami sa paanan ng bundok. Kapwa kami natigilan ni lolo nang makarinig kami ng parang may tumatakbo na kung ano, 'di kalayuan sa puwesto namin.
Ibinagsak ko ang mga dala-dala kong kahoy nang hilahin ako ni lolo para magtago sa likod ng malaking puno.
"Huwag kang mag-iingay, Rico! Nandyan na siya," bulong ni Lolo. Sumiksik kami sa malaking ugat ng puno nang marinig ang papalapit nang papalapit na malalakas na yabag.
Mula sa pinagtataguan namin, kitang kita ko ang pagdaan ng isang mabangis na hayop. Namumula ang mga mata nito na para bang galit na galit at handa nang umatake. Napaatras kami ni Lolo nang huminto ito sa harap ng pinagtataguan naming puno. Abot-abot ang kabang kinapa ko ang itak na nakasukbit sa aking baywang.
Pigil ang hininga namin ni lolo habang inaamoy ng mabangis na hayop na iyon ang paligid. Napanatag lang kami ni Lolo nang lumampas na iyon sa amin at maliksing tumakbo papalayo.
"Siguradong may bibiktimahin na naman ang sigbin. Masyado nang lumalakas ang pang-amoy nila. Sa tingin ko, malapit lang dito ang kanilang kuta," sabi ni lolo nang magpatuloy kami sa paglalakad.
Ligtas naman kaming nakarating sa aming kubo-kubo sa paanan ng bundok. Kaagad na nagsindi ng apoy si Lolo at matamang nagmatyag sa paligid. Kinabahan ako nang marinig ang sunod-sunod na pag-alulong ng mga aso sa aming kapitbahay.
Sabi ni Lolo Delfin, tiyak daw na malapit lang sa amin ang bahay ng biktima.
Kinabukasan, mabilis na kumalat ang balita tungkol sa matandang babaeng kinuha ng sigbin kagabi. Wala raw nagawa ang pamilya nito nang pasukin ang kanilang bahay para kunin ang bangkay ng matandang kamamatay lang sa sakit.
BINABASA MO ANG
TAGALOG HORROR STORIES
HorrorCompilation ito ng mga maiikling kuwentong nasulat ko. Ang iba rito ay true stories, at ang iba naman ay fiction.