MANGGAGAMOT NA GABUNAN AT ANG GABAY NG MUTYA

127 5 0
                                    

MANGGAGAMOT NA GABUNAN AT ANG GABAY NG MUTYA
(PART 1)

Isinulat ni Jiara Dy

This story is exclusively written for Pagkagat ng Dilim YouTube channel.

BATA pa lamang ay mayroon nang espesyal na koneksyon si Apollo sa malawak na kakahuyan na kaniyang kinamulatan. Mangangaso ang kaniyang ama at pagtatanim naman ng mga gulay at halamang gamot ang trabaho ng kaniyang ina. Ngunit tuwing may nahuhuling hayop ang amang si Lucio, agad din nitong ibinebenta ang sariwang karne sa bayan at hindi na iniuuwi pa. Ni minsan ay hindi pa nakakatikim ng kahit anong klase ng karne si Apollo. Sinanay kasi siya ng inang si Imelda na puro mga gulay at prutas lamang ang pagkain kaya ganoon na lamanng kalawak ang kanilang taniman.

Tahimik ang buhay nila sa gitna ng kakahuyan. Walang kapitbahay at walang gulo. Malayo sa maingay at magulong buhay sa bayan.

Hanggang sa maging ganap nang binata si Apollo ay hindi pa rin nawala ang interes niya sa mga bagay na nakikita niya sa gubat, lalo na sa mga puno at halamang napagkukunan ng mga gamot. Natutunan niya ang panggagamot gamit ang mga halamang nakukuha sa gubat mula nang makilala niya si Apo Mando, isang matandang ermitanyo na tulad nila’y sa kakahuyan na rin namulat. Nagkakilala sila ng matanda nang sagipin siya nito sa muntik nang pagkahulog sa matarik na bangin sa dulong bahagi ng gubat. Kung hindi napadaan doon si Apo Mando, tiyak na lasog-lasog na ang katawan niya sa babagsakan niyang naglalakihang mga bato sa ibaba ng bangin. Doon niya rin nalaman na ang matanda pala ang nagbabantay ng mga puno ng kapok sa gitnang bahagi ng gubat. Ang maliit nitong kubo ay napalilibutan ng naglalakihang ng mga puno ng kapok na pinaniniwalaaang tahanan din ng mga mantiw o ng mga higanteng nilalang na naninirahan sa puno.

Nang umagang iyon, muling tumulak si Apollo upang maghanap ng mga panibagong halaman sa gubat. Inutusan din kasi siya ng kaniyang ama na manguha ng mga tuyong siit na kanilang gagamiting panggatong. Kabilin-bilinan ng kaniyang ama na ‘wag na ‘wag siyang mamumutol ng punong-kahoy sa lugar na iyon dahil malakas ang paniniwala nitong may mga nakatirang nilalang na hindi nila nakikita sa kagubatan. Ang mga ito raw ang bantay ng mga puno’t halaman, at kapag nabulabog ay maaari ding makapanakit ng mga tao. Kaya naman tuwing kumukuha siya ng gagamitin sa panggagamot ay ugali na rin niyang magpaalam sa pinagkukunan at tinitiyak na sapat lang ang kinukuha niya.

“Makikiraan lamang ako, mga kaibigan,” sambit ni Apollo habang binabaybayan ang masukal na gubat. Maingat siya sa paghawi sa mga nadaraanan.

Dahil masyado pang maaga, sinadya muna niya ang bahay ng matandang ermitanyo. Ngunit bago siya sumapit doon, nakarinig siya ng mahinang tinig ng isang babaeng tila nasasaktan. Hinanap niya kung saan nagmumula ang narinig na ingay.

Makalipas ang ilang sandali, natagpuan niya ang isang babaeng sa tantiya niya’y hindi naman nalalayo ang kanilang edad. Nakaupo ito sa kumpol ng mga tuyong dahon habang namimilipit sa sakit. Saka niya napansin ang malaking sugat nito sa binti na wari’y tinamaan ng kung ano’ng matalas na bagay.

“Anong nangyari?” tanong ni Apollo na kaagad nilapitan ang babae.

Sinabi naman ng babae na mayroon daw mga dayong mangangaso sa gubat na aksidenteng tinamaan ng palaso ang binti nito habang tumatakbo.

“Maaari ko bang hawakan? Susuriin ko lang kung paano ko gagamutin ang sugat mo. Huwag kang mag-alala, isa rin akong manggagamot. Hindi nga lang halata pero nakapanggagamot din naman ako,” nangingiti niyang sabi rito.

Tila may kumalabit sa puso ni Apollo nang ngumiti sa kaniya ang babae at nagpasalamat.

Binuhat niya ang babae para dalhin sa kubo ni Apo Mando ngunit ilang metro pa lang ang layo nila sa kubo ay agad nang nagpumiglas ang babae mula sa pagkakabuhat niya rito.

TAGALOG HORROR STORIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon