USOG NG ASWANG

101 0 0
                                    

PLAGIARISM IS A CRIME!
⚠️ SPG

USOG NG ASWANG
(Exclusively written for Kwentong Enteng YouTube channel)

1997.

Labing-walong taong gulang pa lang ako noon nang kunin ako ni Lola Pipay para magbantay sa maliit niyang grocery store. Wala na kasi roon ang mga anak niya dahil may mga asawa na ang mga iyon. At dahil kapos kami palagi sa pera, pumayag si Nanay na doon ako tumira kay Lola. Siya na raw kasi ang magpapaaral sa akin sa kolehiyo.

“Elmo! Linisan mo muna ‘yong lagayan ng bigas bago mo salinan ng bago. Baka may mga ipot na ng butiki iyon. Tingnan mo nang mabuti nang ‘di tayo masira sa customer.”

“Opo, Lola,” magalang kong sagot sa kaniya pero nang tumalikod siya’y saka ako bumulong-bulong. Katatapos lang kasi ng isang utos niya ay meron na naman.

Dahil bakasyon pa, araw-araw ay ganoon ang sitwasyon namin ni Lola, pero gaya nga ng bilin ni Nanay, ‘wag na ‘wag daw akong sasagot kay Lola Pipay. Kung mapapalayas kasi ako ay wala nang ibang magpapaaral pa sa akin.

Nakasimangot akong kumuha ng malinis na pamunas para linisin ang pagsasalinan ng bigas.

Ilang sandali pa’y dagsa na ang mga mamimili roon. Pagpatak kasi ng alas-nuwebe, doon na nagsisimulang dumami ang mga bumibili.

Sa halos isang buwan ko nang nakatira sa bahay ni Lola Pipay, may isang bagay lang akong napansin sa kaniya. Kahit kasi marami pa ring bumibili sa gabi, alas-singko pa lang ng hapon ay ipinasasara na niya ang maliit niyang grocery. Hindi naman ako nangangahas na magtanong sa kaniya dahil baka masermunan lang ako.

Napapansin ko siya na palaging pumupunta sa maliit na kubo-kubo ‘di kalayuan sa bahay niya tuwing sasapit ang alas-sais ng gabi. Naiiwan ako sa bahay para magluto ng hapunan. Mahigpit niyang bilin sa akin na huwag raw akong lalabas kapag madilim na. Hintayin ko na lang daw na makabalik siya dahil hindi naman siya magtatagal sa kubo.

Paminsan-minsan din ay may mga bumibisita kay Lola Pipay. Sa pagkakarinig ko, magpapagamot sila.

Noon ko lang nalaman na may alam din pala si Lola sa panggagamot.  Hindi ko nga alam kung nag-aral ba siya ng medisina, pero malamang, doktor kwak-kwak lang ‘yon si Lola.

Pagbalik ni Lola Pipay sa bahay, palagi siyang pagod na pagod at gutom na gutom. Parang bang may mahirap siyang ginagawa sa kubong iyon bago umuwi sa bahay.

Nang gabing iyon, hinintay kong makatulog si Lola. Bandang alas-onse y medya na noon nang lumabas ako ng bahay para pumunta sa kubo ni Lola Pipay.

Abot-abot ang kaba sa dibdib ko habang naglalakad. Baka kasi bigla na lang may sumulpot na kung ano sa harapan ko at hindi ako kaagad makatakbo. Sabi kasi ni Lola, normal na roon ang mga multong nagpapakita tuwing sasapit ang dilim. Iyon bang mga kaluluwang hanggang ngayon ay hindi pa rin natatahimik.

Nagulat ako nang makapasok sa kubo. Unang tumambad sa akin ang mga nakasabit na buntot na sa tingin ko’y mula sa iba’t ibang hayop. Tuyo na ang mga iyon pero hindi kanais-nais ang amoy.

Sa mga estante naman, may mga garapon doon na puno ng mga insektong nakababad sa langis. Hindi ko alam kung para saan iyon pero marahil ay ginagamit iyon ni Lola Pipay sa panggagamot.

Muntik na akong mapasigaw nang biglang bumukas ang pinto at tumambad ang galit na galit na si Lola Pipay.

“Hindi ka talaga marunong makinig na bata ka! Balik sa bahay!” maawtoridad niyang utos.

Sa takot ko kay Lola ay kumaripas ako ng takbo pabalik sa bahay at hinihingal na pumasok sa kuwartong ibinigay niya sa akin. Kuwarto raw iyon noon ng panganay niyang anak.

TAGALOG HORROR STORIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon