RESORT AT BARANG Part 2

83 0 0
                                    

BARANG
(This is exclusively written for Lady Pam YouTube channel. BAWAL KOPYAHIN SA ANUMANG PARAAN.)

MAAGANG naulila sa mga magulang si Sancho. Limang taon pa lang siya noon nang mapunta siya sa poder ng kaniyang mga tiyuhin na pawang mga albularyo sa kanilang probinsya. Kung saan-saang lugar nakakarating ang mga ito sa panggagamot. Sa murang edad ay nakakatulong na si Sancho sa paggawa ng mga herbal na siyang ipinapainom ng kaniyang mga tiyuhin sa ginagamot ng mga ito.

Binatilyo na si Sancho nang kaniyang mapagtanto na may mali sa ginagawa ng mga tiyuhing nagpalaki sa kaniya. Sina Julio, Poldo, at Victor ay mga pekeng albularyo lamang. Hindi lubos akalain ni Sancho na magagawa iyon ng mga taong itinuring na niyang mga magulang, ngunit nang komprontahin niya ang mga ito, nakatanggap lamang siya ng masasakit na salita.

“Sancho, bumangon ka na riyan at may pupuntahan tayo sa kabilang bayan,” wika ni Julio na maaga pa lamang ay naghahanda na ng mga gamit na dadalhin sa panggagamot.

Pupungas-pungas na bumangon si Sancho. Hindi na siya nag-abala pang maligo dahil tiyak na mamadaliin na naman siya ng kaniyang mga tiyuhin. Nagbihis na lamang at nagsepilyo si Sancho.

Paglabas niya sa sala, naroon na ang tatlong tiyuhin niyang naghihintay sa kaniya.

“Mamaya ka na kumain pag-uwi para natural ang pag-arte mo mamaya,” wika ni Poldo na nauna nang lumabas ng bahay.

Wala naman siyang nagawa kundi ang tumango. Ganoon naman palagi tuwing may pupuntahan sila upang manggamot. Gayunpaman ay hindi maiwasan ni Sancho na muling kabahan sa gagawin. Nanloloko kasi sila ng mga tao. At kahit anong gawin nila’y darating pa rin ang araw na mabubuko sila sa maling ginagawa.

Huminto ang traysikel na minamaneho ni Victor sa isang may kalumaan nang bahay. Lumabas doon ang isang lalaki at agad na sinalubong ang kaniyang mga tiyuhin. Nagpahuli naman siya sa paglalakad.

“Kayo po na ‘yung mga albularyong titingin kay Tatay?”

“Ah, oo. Kami nga. Nasaan ba siya?” wika naman ng kaniyang Tiyo Julio.

Nang makapasok sa loob ng bahay, agad na napapikit si Victor na nagsimula na sa pag-arte.

“Gaano katagal na itong bahay n’yo?”

“Ah, mahigit 30 years na po,” sagot naman ng lalaking sumalubong sa kanila.

Nagpatuloy sa pagsasalita si Victor.

“Mabigat. Mukhang hindi lang kayo ang naninirahan dito. Nasaan ang tatay mong may sakit?”

Nang pasukin ng mga ito ang silid, tumambad ang isang matandang lalaki       na nakaratay sa kama. Sa itsura ng matanda, mukhang masama na nga talaga ang lagay nito.

Nilapitan ni Victor ang matanda at sinalat ang leeg nito habang umuusal ng mga salitang banyaga. Sa kaloob-looban ni Sancho, alam niyang walang epekto ang ginagawang panggagamot ng tiyuhin kaya halos hindi niya ito matingnan sa ginagawang panloloko.

Nang makalabas ng silid, tumingin ito sa kaniya. At iyon na nga ang hudyat ng simula ng kaniyang pag-arte. Pinaupo siya ng kaniyang Tiyo Victor at doon na sinimulan ang orasyon.

Halos makabisa na rin ni Sancho ang mga salitang binibigkas ng tiyuhin tuwing isinasagawa ang orasyon na iyon. Kasunod nito ay tila sinasaniban na si Sancho ng elementong gumugulo o nagpapahirap sa may sakit. Nanginginig ang kaniyang katawan habang nauutal na nagsasalita habang kinakausap ni Victor ang elementong kunwari’y sumanib sa kaniya.

“Nagambala n’yo sila. Nararamdaman ko ang presensya nila sa bahay na ito,” wika ni Victor habang nakapikit pa ang mga mata. Kung ibang sitwasyon nga lamang iyon ay baka natawa na si Sancho sa itsura ng tiyuhin, ngunit sanay na siya roon.

TAGALOG HORROR STORIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon