KINAIN NI MANG KANOR
(This is exclusively written for Pagkagat ng Dilim YT channel. Do not plagiarize.)
Lumaki ako sa tabing-dagat sa Sitio Pamana. ‘Yong buong barangay kasi namin, nasa baybayin ng dagat kaya halos lahat ng taga-roon e pangingisda ang hanapbuhay. Ang nanay ko naman, naglalako ng daing at sariwang isda sa mga kalapit baranggay namin. Minsan, kasa-kasama niya ako sa paglalako dahil ako ang tagabuhat ng mga isda. May kabigatan din kasi ‘yon lalo na kung puno pa ng yelo. Lunes hanggang sabado lang kami nagtitinda ng aking ina. Tuwing linggo, iyon ang aming pahinga upang magsimba at pagkatapos naman ay maglilinis ng isdang idadaing namin. Dahil sanay na ako sa buhay sa tabing-dagat, hindi ko na alintana ang aking balat na sunog sa araw. Madalas, tinatawag akong ulikba. Minsan pa nga’y pinandidirihan sa bayan. Hindi ko na lamang pinapansin ang mga taong ganoon ang pakikitungo sa mga kagaya naming babad sa araw ang trabaho. Ni minsan naman ay hindi ko ito ikinahiya dahil bukod sa marangal ay wala kaming tinatapakang tao sa klase ng trabaho namin. Maayos din ang samahan ng mga mangingisda doon sa amin.
Sa edad kong bente-otso, wala pa akong nagiging nobya. Hindi naman sa pihikan pero wala pa talaga sa plano ko ang pakikipagrelasyon. Ayos na sa akin na ang pamilya mismo ang nakakasama ko.
Paminsan-minsan din akong napapatagay pagkagaling sa pagtitinda namin ni Nanay ng isda. At tuwing may inuman kami, hindi talaga nawawala ‘yong paborito kong pulutan na ako mismo ang gumagawa. Ang tawag nito sa amin ay sasing o peanut worm na nakukuha sa ilalim ng buhangin tuwing low tide. Mas malalaki at matataba ang mga ito kaysa sa ordinaryong bulate na nakikita natin sa lupa. Nililinisan ko lang ito nang mabuti para matanggal ang kinain ng sasing at saka isasawsaw sa tinimplahang suka. Masarap at paboritong pulutan talaga ito dito sa lugar namin. Kahit kasi hilaw ay pwedeng kainin.
Nang hapong iyon, nagkayayaan naman kami sa bahay ni Mang Kulas. Siya ‘yong operator ng bangkang sinasamahan ko noon sa paglaot. Birthday kasi ng anak nitong si Romeo na kababata ko naman. Matalik na magkaibigan din kasi itong si Mang Kulas at ‘yong tatay ko kaya parang anak na rin ang turing sa akin ng matanda.
“Waldo, tawag ka na ni Tatay. Simulan na raw natin ‘yong lambanog na pasalubong sa kaniya!” bungad ni Romeo sa akin.
Nag-angat naman ako ng tingin mula sa paglilinis ng sasing.
“Pakisabi, susunod na lang ako. Tapusin ko lang ‘tong pulutan natin.”
Napakamot naman sa batok si Romeo. “Hindi na. Hihintayin na kita. Para namang hindi mo kilala si Tatay. Kapag kulang pa ang grupo, parang sirang plaka ‘yon sa kauutos sa ‘kin. Ako nga itong may kaarawan pero mas hinahanap ka pa kaysa sa akin.”
Bahagya akong natawa sa sinabi ni Romeo. Dumakot ako ng dalawang sasing na hindi pa nahuhugasan at saka ibinato sa aking kababata. “Hoy, Mio, tigilan mo ‘ko dyan sa kadramahan mo. Hinahanap lang ako ni Mang Kulas dahil ako ang magdadala ng paborito niyang pulutan.”
Ibinato naman ni Romeo ang hawak niya pabalik sa plangganitang nasa lababo at saka tumawa. “Di ka naman mabiro! Syempre, tanggap ko namang parang anak ka na rin ni Tatay. Basta, siguraduhin mo na lang na masarap ‘yan, ah.” Sumandal si Romeo doon sa hamba ng pintuan namin sa kusina. Inalok ko pa siya ng kape pero mariin naman siyang tumanggi.
Makalipas ang ilang sandali, natapos ko na rin ang paghahanda ng aming pulutan. Dahil mahilig kami sa maaanghang, halos mamula sa dami ng siling inilagay ko ‘yong dala kong sawsawan.
Habang naglalakad kami ni Romeo papunta sa inuman, napansin ko ‘yong matandang lalaki na nakasilip sa bintana ng aming kapitbahay. Napakunot ang noo ko. Ni minsan kasi’y hindi ko pa nakita roon ang matanda pero naisip ko rin na baka bisita ito ni Manang Selia. Ang alam kasi namin e si Mang Selia at ang anak nitong si Kuya Bogart lang ang nakatira sa bahay na ‘yon. Lahat ng nakatira sa Sitio Pamana, lalo na sa tabing-dagat ay kakilala na namin kaya hindi talaga namin maiwasang magtaka tuwing may nakikitang bagong mukha. Ang sitio kasi namin ang pinakamaliit at pinakadulo rin ng barangay. Ang hindi ko lang maunawaan, tila may kakaiba sa matandang ‘yon. Hindi rin nito inalis ang tingin sa amin. Hindi ko alam kung galit ba ito dahil halos magsalubong na ang mga kilay nito, at matalim talaga ‘yong tingin sa aming dalawa ni Romeo.
BINABASA MO ANG
TAGALOG HORROR STORIES
HorrorCompilation ito ng mga maiikling kuwentong nasulat ko. Ang iba rito ay true stories, at ang iba naman ay fiction.