DALAGA
(This is exclusively written for Pamela Clamille YouTube channel. BAWAL KOPYAHIN SA ANUMANG PARAAN.)BATA pa lamang ay likas na ang pagiging mabait ni Angelo. Ni minsan ay hindi siya sumagot sa kaniyang lolo na siyang nagpalaki at nag-aruga sa kaniya. Dati kasing pastor si Serio, kaya sa murang edad ay laman na rin ng simbahan si Angelo.
Ngunit sa kabila ng kabutihan niya sa mga tao, mayroon pa ring sadyang mapanlait sa kaniyang itsura. Nang magbinata si Angelo, hindi na siya nawalan ng mga tigyawat, kaya naman halos buong mukha na niya ay mayroon nito. Bukod pa roon ang pagiging mataba niya na madalas nagiging tampulan ng tukso. Kesyo napabayaan daw sa kusina. Wala namang magawa roon si Angelo dahil mula pagkabata ay obese na siya. At marahil nga ay iyon din ang dahilan kung bakit sa edad na bente-tres anyos ay hindi pa rin siya nakararanas magkaroon ng nobya.
Nang makapagtapos ng kolehiyo, nagpasya munang umuwi sa probinsya ang mag-lolo. May malubhang sakit kasi noon ang kapatid ng kaniyang Lolo Serio, at anumang araw ay maaaring pumanaw na ang matanda. Kaya naman sumama na lamang doon si Angelo bago sumabak sa paghahanap ng mapapasukang trabaho.
Habang nasa byahe, nagtaka si Angelo nang iabot sa kaniya ng abuelo ang isang pulseras.
“Para sa’n po ’to, Lolo?” tanong niya rito habang pinagmamasdan ang pulseras na gawa na maliliit at kulay itim na perlas.
Ngunit ang tanging sagot lamang nito ay palaging isuot ang pulseras na iyon sakaling makarating na sila sa baryo, kung saan nakatira ang kapatid nitong may sakit.
Tumango na lamang si Angelo kahit ang isipan niya’y nakatuon sa kung anong mapaglilibangan niya sa baryo. Ayon kasi sa kaniyang Lolo Serio, walang internet doon at hindi pa rin naaabot ng linya ng kuryente. Batid niyang nakakainip iyon ngunit hindi naman sila magtatagal sa probinsya.
Makalipas ang ilang oras, huminto ang bus sa isang kanto papasok sa baryong sinasabi ng kaniyang Lolo Serio.
“Dito na po ba ’yun, ’Lo?” tanong niya habang inililibot ang tingin sa magubat na paligid. Maging ang daraanan nila ay lubak-lubak pa at mukhang hindi kayang daanan ng may kalakihang sasakyan.
Tumango lamang ang kaniyang abuela.
Iyon pa lamang ang unang beses na nakarating si Angelo sa baryo. At sa unang tingin pa lamang ay mukhang hindi siya makakatagal sa lugar.
Sa unang linggo ni Angelo sa baryo, ipinagtataka niya kung bakit hanggang doon lamang siya sa hardin pinalalabas ni Serio.
“Ano ka ba naman, Serio? Malaki na ’yang apo mo. Kaya na niya ang sarili niya. Hindi siya mapapahamak rito lalo na kung makikilala siya bilang apo ninyo ni Irina,” wika ni Mang Gabino na pinsan ng kaniyang Lolo Serio.
Ngunit dinig ni Angelo ang sinabi ng abuelo na hindi pa rin daw dapat na makapante dahil hindi niya kabisado ang lugar.
“Ano po bang ibig sabihin ni Lolo Serio? Bakit parang ayaw niya ho na makihalubilo ako sa mga taga-rito?”
Inakbayan siya ni Mang Gabino habang naglalakad sa malawak na bakuran. Hindi rin nakaligtas sa mga mata ni Angelo ang matutulis na kawayan na nagsisilbing bakod sa bahay ng kaniyang Lola Irina. Sariwa pa ang mga kawayan at mukhang kalalagay lamang doon.
“Naku, sundin mo na lang ang sinasabi ng lolo mo. O’ siya, ako’y uuwi na.”
Nang makaalis si Mang Gabino, naiwan na lamang doon nang mag-isa si Angelo.
“Para saan ba ang mga ’to? Ang weird naman nina Lola,” wika ni Angelo habang pinagmamasdan ang mga iyon.
Ilang sandali pa, napansin niya iyong tatlong batang lalaki na naglalaro sa ’di kalayuan. Ngunit mayamaya lang, bigla na lang nag-away-away ang mga bata na nauwi pa sa batuhan. Hindi nagdalawang isip na lumabas ng bakuran si Angelo.
BINABASA MO ANG
TAGALOG HORROR STORIES
HorrorCompilation ito ng mga maiikling kuwentong nasulat ko. Ang iba rito ay true stories, at ang iba naman ay fiction.