MUTYA NG MATANDANG TIKBALANG

106 2 0
                                    

MUTYA NG MATANDANG TIKBALANG

This is exclusively written for PINOY KILABOT AT MISTERYO YouTube channel. DO NOT PLAGIARIZE.

LUMAKI sa bundok si Lauro dahil ang hanapbuhay ng mga magulang nito ang pangunguha ng uway at mga kahoy na ginagawang haligi. Tuwing may nagpapatayo ng bahay sa lugar ng mga ito, madalas ay sa ama raw nitong si Mang Celso nagpapakuha ng kahoy sa bundok. Dahil wala namang ibang kapatid itong si Lauro ay ito rin ang madalas na isinasama ni Mang Celso sa bundok. Naiiwan naman sa bahay ang ina nitong si Aling Melba.

Madalas ay sa bundok na raw nagpapalipas ng gabi ang mag-ama. Nagdadala na lamang sila ng lutong pagkain o ‘di kaya’y bigas at kaldero dahil pwede naman silang doon na lamang magluto. Hindi madali ang pangunguha nila ng uway at mga kahoy na panghaligi. At ang pinakamahirap pang parte ng trabahong ‘yon ay tuwing ibababa na nila ng bundok ang mga nakuhang kahoy. Minsan ay pinagugulong na lamang nila ang mga ito pababa. Minsan naman ay pinipili na lamang nilang sa ilog dumaan at doon hihilahin ang mga kinuhang kahoy habang inaanod ng tubig upang hindi na nila ito kailangang buhatin pa. Ngunit sa kabila ng murang edad ni Lauro, kinakaya nitong buhatin ang tatlong haligi na ‘di hamak na mas mabigat pa rito. Malaking bulas din daw kasi itong si Lauro at batak na rin sa ganoong klase ng trabaho. Sapat na tulog sa gabi lamang daw ay sapat na upang manumbalik ang lakas ng binatilyo.

Bukod sa pagiging sanay sa trabaho, naging kapansin-pansin na raw noon ang kakaiba nitong interes sa mga halamang gamot na natatagpuan sa gubat, gayundin sa mga buhay na batong nakukuha sa ilog tuwing dumadaan doon. Iyon bang tila may espesyal nang koneksyon sa kagubatan itong si Lauro. Hindi raw lumilipas ang isang linggo na walang nagagawang bagong herbal ang binatilyo. Hindi kasi noon naiiwasan na masugatan sila sa gubat kaya naghahanap si Lauro ng mga halaman na maaaring gamitin bilang paunang lunas. Hanggang sa halos makabisado na nito ang bisa ng iba’t ibang halamang gamot na nakukuha roon. Tuwing may sumasakit ang tiyan, may lagnat, o kahit nakagat ng mabangis na hayop—madalas ay kina Lauro nagtutungo ang ilan sa kanilang mga kapitbahay na nakakaalam ng kakayahan nito. May ilan kasi sa mga taga-roon na naniniwalang kaya ring makagamot ni Lauro sa pamamagitan ng mga dasal, ngunit mariin naman itong tinutulan ng mga magulang ni Lauro. Oras daw kasi na pasukin ng anak ang panggagamot ay araw-araw na silang dudumugin ng mga tao roon. Mas gusto raw kasing mapanatili ng mga magulang ni Lauro ang tahimik na pamumuhay sa kanilang lugar. Sapat na raw na may ilang natutulungan itong si Lauro.

Ibinibigay naman ni Lauro ang mga gamot nang libre dahil para sa kaniya ay libangan lamang ang paggawa ng mga iyon.

Biyernes noon. Maagang tumulak patungong bundok ang mag-ama upang manguha muli ng kahoy na panghaligi. Dahil madami-dami rin ang kailangan, nagpasya si Mang Celso na mag-iba sila ng pagkukunan. Hindi rin naman nila gustong makalbo ang kagubatan sa parteng iyon ng bundok dahil sa pamumutol nila ng punongkahoy. Kumukuha lamang sila ng sapat, at hindi rin kinalilimutan ni Lauro na magpasalamat sa mga bantay ng gubat kahit hindi nila ito nakikita.

Naniniwala raw kasi si Lauro na hindi mawawalan ng bantay ang gubat lalo na’t sagana ito sa naglalakihang mga puno. Mapagbigay raw ang mga ito, ngunit kapag inabuso’y may masama ring balik sa mga taong gumawa nito. Kaya hangga’t maaari, iyong sapat lamang ang kinukuha ng mag-ama. Kapag may oras ay kumukuha rin sila ng mga pananim at pinapalitan ang mga pinutol na puno.

“Lauro, mabuti pa e maghiwalay muna tayo nang makarami tayo ng makukuhang panghaligi,” sabi raw noon ni Mang Celso.

“Sige ho, ‘tay. Magkita na lang po tayo sa tabing ilog.”

Ang usapan daw ng mag-ama, doon sila magkikita sa tabing ilog bago dumilim. Natagalan si Lauro sa pagputol ng puno dahil masyadong matigas ang kahoy nito. Nagmamadali nitong itinali ang mga nakuhang haligi at binuhat upang bumaba na sa may tabing ilog. Ngunit sa ilang minutong paglalakad ni Lauro ay bigla na lamang itong napahinto nang may mapansin sa nilalakaran.

TAGALOG HORROR STORIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon