Mageia LXXIX: Mira ng Misa Aimata

70 5 0
                                    

Kate's POV:

Tahimik kong tinatahak ngayon ang landas dito sa malabundok na daan ng lambak habang nakasubaybay sa grupo nila Blaze sa ibaba. Mag-iisang oras na rin mula nung umalis kami doon sa kagubatan kanina. Sakay pa rin sila ng kani-kanilang mga kabayo. Buti na lamang at pinaglalakad lang nila ang mga ito kaya't nakakasabay ako sa kanila dito sa itaas. Maingat naman ako sa aking paglalakad, mahirap na't baka mapansin pa nila ako. Itinago ko naman kasi ang aking presensiya kaya't di nila ramdam na malapit lang ako sa kanila.

Kung tama ang hinuha ko ay sa bundok na kinaroroonan ni tandang Bellona ang kanilang sadya upang ako raw ay hanapin. Napapailing na lamang ako nang maalala ko ang naging pag-uusap nila kanila. Paanong pinagdududahan na nila ako ngayon? Kailangan ko iyong malaman, pero sa ngayon ay kailangan ko na munang hanapin ang nilalang na siyang naging sanhi sa karamdaman ni mama. Dugo nito ang isa sa mga lunas kaya't kailangan ko iyong kunin bago pa sumikat ang araw. Dahil kung hindi, baka mahihirapan na kaming gamutin pa si mama. Gagawin ko ang lahat makuha lamang ang nais ko, kung kinakailangang patayin ko ang nilalang na iyon ay gagawin ko. Ang problema ko lamang ngayon ay hindi ko kilala kung sino ba ang nilalang na hinahanap ko. Ang tanging palatandaan na ibinigay nila tanda sa akin ay ang peklat nito sa braso na hugis puso at kulay pula, at ang tatoo na kulay asul na bungo sa ilalim. Ang weird lang. Paano pala kung lahat pala ng mga kasapi nito ay may ganoon? Tsk.

Muli akong napatingin sa ibaba nang marinig kong humahalinghing ang kanilang mga kabayo na tila ba natatakot nang magpatuloy sa unahan. Maingat akong tumalon pababa at umakyat sa isang punong nakadungaw sa kanilang kinaroroonan.

"Anong nangyayari? Ba't biglang nag-iingay ang mga ito?", tanong ni Rain na pilit pinapakalma ang kaniyang kabayo na ngayo'y nagtatalon na paatras.

"Ayaw na nilang magpatuloy sa unahan. Natatakot sila.", wika naman ni Elle habang nakalapat ang kaniyang palad sa noo ng kaniyang kabayo. Ginamit niya yata ang kaniyang kapangyarihan para basahin ang sinasaloob nito.

"Natatakot saan?", si Jake na ngayo'y panay na ang lingon.

"Sa tingin ko ay ayaw na nilang magpatuloy pa sa unahan. Kung ano man ang kinatatakutan nila, tiyak ay nasa lugar na iyan.", si Xavier na ngayo'y seryosong nakatingin sa unahan. 

Sinundan ko naman kung saan dumapo ang kaniyang paningin nguni't humantong ang aking mga mata sa mariing tingin ni Blaze dito sa aking gawi. Dahan-dahan ko tuloy na ibinaba ang mga dahong hinawi ko kanina pa. Pero napaisip ako saglit kung sa akin nga ba siya nakatingin. Imposible naman yatang nakita o naramdaman niya ako dito diba? Naging maingat naman kasi ako. Ganun na ba kalakas ang kaniyang pandama na dinaig pa ako? 

Muli akong sumilip sa mga dahon at tuluyang kumunot ang aking noo nang makita kong papalapit sa aking kinaroroonan si Blaze sakay ng kaniyang kabayo.

"Blaze, anong meron?", tawag ni Dark sa kaniya nguni't sinenyasan lamang niya ito na tumahimik saka nagpatuloy sa paglapit sa aking direksiyon.

"Lumabas ka na kung ayaw mong tostahin kita.", wika niya nang siya ay tumigil tatlong metro mula sa punong kinaroroonan ko. Pero hindi naman siya sa sangang aking pinagtataguan nakatingin kundi ay sa mismong katawan ng puno. 

Napatingin tuloy ako sa ibaba at saktong tumama ang aking paningin sa isang nilalang na nakatayo sa likod nitong puno. Hindi ko mawari ang kaniyang anyo. Babae ang kaniyang hugis nguni't hindi siya mukhang tao. Mahaba ang kaniyang asul na buhok at tila may munting mga sungay sa kaniyang noo. Sa sobrang pagmamasid ko kina Blaze ay hindi ko na naramdaman agad ang presensiya nito sa aking paligid. Tsk. Kailangan ko na talagang baguhin ang ugali kong ito kundi ay ito pa ang magpapahamak sa akin.

"Isa. Hindi ako nagbibiro.", wikang muli ni Blaze na ngayo'y nagpalabas na ng apoy sa kaniyang palad.

Sakto namang pagbalik ng aking paningin doon sa nilalang ay nagpalit ito ng anyo. Mula doon sa hitsurang nakakatakot ay naging isang tunay na babae na ito. Nakaputing damit, mahabang itim na buhok, at katawang may katamtamang payat. Hindi ko lang gaanong makita ang kaniyang mukha. Napanganga na lamang ako sa gulat habang nakatingin sa kaniyang pagpapalit-anyo.

MAGEIA Unang Yugto: Ang Nakatagong AlamatTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon