Mageia LXVIII: Ang Xorki at ang Plawta

75 4 0
                                    

Kate's POV:

Iminulat ko ang aking mga mata at agad inilibot ang aking paningin. Nakaupo ako sa lupa nguni't parang wala akong lakas na tumayo. Napagtanto ko naman agad na nasa ilalim pa rin ako ng tore nitong palasyo at nasa harapan ko ang nakasarang kabaong.

Teka. Nakasarang kabaong? Diba bumukas na yan kanina pa? At diba maraming mga salagubang kanina na nakakatakot ang hitsura? Nasaan na yun? 

At, hala! Nasaan na nga pala ang mga kasamahan ko? Ba't iniwan nila ako ditong mag-isa? 

Panay tuloy ang naging paglingon ko baka sakaling nagtatago lamang ang mga iyon. Di ko na sinubukan pang sumigaw at baka magsilabasan ulit ang mga nakakatakot na nilalang.

Dahan-dahan na rin akong tumayo at saka ko pa lang din namalayan na hawak-hawak ko pa din pala itong plawtang napulot ko kanina sa isang sulok. Di ko nga rin alam kung bakit ko to kinuha agad. Ang alam ko lang ay parang tinatawag ako nito  na parang ako'y hinahalina.

Isa rin kasi ito sa mga instrumentong kaya kung tugtugin. Gitara, piano at itong plawta ang hilig ko noon pa man kaya't di na rin ako nagdadalawang-isip kanina na ito'y pulutin.

Ang hindi ko lang maintindihan ay kung bakit parang nagamit ko ang aking kapangyarihan kanina nung tugtugin ko ito. Akala ko ba ay kapag aawit lamang ako saka ko magagawa ang kung anumang nais ng aking isipan? Di ko alam na pati pala sa plawta ay gagana ang kapangyarihan ng aking tinig. Ganun pa man ay nagpapasalamat na rin ako kung ganun nga ang nangyari.

Muli kong inilibot ang aking paningin at nagtatakang nakatitig sa saradong kabaong.

'Teka, totoo ba to o panaginip ko lamang?' Imposible naman kasing iwanan nila ako dito at parang kakaiba kasi ang senaryo kaysa huli kong nagisnan kanina.

Sinubukan kong kurutin ang aking braso at tama nga ako. Nasa isang panaginip na naman ako. Ni wala akong maramdamang sakit kahit na sinobrahan ko na sa pagkurot ang aking braso.

'Ano na naman kayang meron dito at nanaginip na naman ako. Medyo matagal na rin kasi mula nung huling panaginip ko. 

Naudlot ang aking pagmumuni-muni  nang biglang lumiwanag ang hawak kong plawta. Sa gulat ko ay nabitawan ko tuloy ito nguni't hindi man lamang ito nahulog dahil lumutang ito papunta sa aking harapan.

Sa sobrang lapit nito sa akin ay napaatras pa ako ng konti habang nakatakip ang aking kaliwang braso sa aking mga mata. Nang unti-unting humupa ang liwanag ay saka ko na siya pinagmamasdan ng buo. 

Tumingkad ang kulay nitong kayumanggi na tila kumikislap pa at ang katawan nito ay napuno ng mga nakaukit na kataga. Maliban dito ay wala na akong napansing kakaiba.

'Maligayang pagdating dito sa kaharian ng Gi, binibini. Ikinagagalak kitang makilala.'

Rinig kong tinig ng isang babae. Isang mahinhing tinig na bagama't di ko alam kung saan nanggaling ay di naman nagdulot ng takot sa akin. 

'Sino ka?', tanong ko sa hangin. Isang mabining tawa naman ang aking narinig.

'Hindi na importante yun, binibini. Pakinggan mo na lamang ang aking nais sabihin.'

Sa pagkakataong ito ay nakatingin na ako sa plawtang lumulutang. Pansin ko kasi ang tila pagsayaw nito sa hangin sa tuwing maririnig ko ang boses nung babae.

'Tama. Ako nga itong nagsasalita. Binabati kita sa pagkakahanap mo sa pangatlong xorki, binibini. Ang xorking ito ay nasa plawtang kaharap mo ngayon. Nais ko ngayong ipagkaloob sa iyo ang mga katagang makakatulong upang  mas mapapalapit ka na sa pagkilala mo sa iyong katauhan. Handa ka na ba?'

MAGEIA Unang Yugto: Ang Nakatagong AlamatTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon