Blaze's POV:
Buong gabi akong hindi pinatulog nung mga sinabi ni Nemi sa akin. Iilang oras nga lang ang naitulog ko kaninang madaling araw. Hindi ko talaga maatim na saktan si Kate nguni't kung di ko naman yun gagawin ay buhay niya ang malalagay sa panganib.
Napagpasiyahan ko na lamang na magpahangin muna kaya't lumabas ako ng silid. Pagliko ko naman sa isang pasilyo ay nakasalubong ko si Dark.
"Mabuti naman at lumabas ka na. Kanina pa kitang inaabangan.", wika niya habang sumasabay sa aking paglalakad.
"Bakit? May nangyari na naman ba?"
"Narinig ko mula sa pag-uusap ng mga heneral kanina na hindi pa rin daw ligtas ang mga kaharian sa ibaba. Pabugso-bugso pa rin daw ang mga pagyanig ng lupa na sadyang malakas at iilang parte na rin ng mga lupain ang nasira."
Isa pa yan sa mga inaalala ko ngayon. Paanong naging ganito bigla ang aming mundo? Talaga bang kagagawan ito ng isinumpang sinasabi sa propesiya?
"Nalaman mo ba kung ano ang pasya ng hari?", tanong ko na lamang.
"Hindi ako sigurado sa kabuuang detalye nguni't pagkakarinig ko ay minamadali na nila ang solusyong paghigop sa mga xorki na nasa katawan ni Kate."
Kaagad akong napahinto sa paglalakad. Kung magkataong magtagumpay ang gagawin nilang paghigop sa kapangyarihan ng xorki, baka isunod agad ng hari ang pagpataw ng parusang kamatayan kay Kate. Hindi maaari.
"Nakapagdesisyon ka na ba? Gagawin mo na ang kondisyong hiningi ni Nemi?", nag-aalalang tanong niya.
"Mahirap man pero kailangan kong gawin. Magagawan pa naman ng paraan ang maaaring pagkabulag niya kaysa mawalan siya ng buhay.", malungkot kong wika.
"Sasabihin mo ba sa kaniya ang rason kung bakit mo kukunin ang kaniyang mga mata? Sa pagkakakilala ko sa kaniya ay hindi iyon papayag."
"Hindi na. Mas mabuti kung tulog siya nang sa ganun ay di niya maramdaman ang sakit. Gamit ang kapangyarihan ko ay alam kong madali lamang ang gagawin kong ito."
"Pero, Blaze, kapag malaman niya na ikaw ang dahilan ng kaniyang magiging pagkabulag, tiyak akong kasusuklaman ka niya."
Hindi agad ako nakaimik sa sinabi niyang ito. Alam ko naman ang bagay na iyan nguni't iisipin ko pa lamang ang kaniyang kamatayan ay mas hindi ko matatanggap.
"Handa na ako kung sakaling kamuhian niya man ako. Mas mabuti na rin iyon nang sa ganun ay tuluyang maniwala si Nemi na lalayuan ko na si Kate at hindi na siya nito pag-iinitan pa.", desidido kong wika saka ipinagpatuloy ang aking paglalakad.
Chris' POV:
Pagkatapos ko kaninang mag-agahan ay dito na ako dumiretso sa silid ni Kate. Dinalhan ko na rin siya ng mga prutas at iba pang makakain kung sakali mang siya ay magising na. Nguni't magtatatlong oras na mula nung pagdating ko ay hindi pa rin siya nagigising. Sabi naman nitong Lena na iniwan ni ina upang magbantay sa kaniya ay hindi pa daw gumigising si Kate simula nung maihatid ko kahapon.
Dala ng aking pag-aalala ay dinama ko ang kaniyang pulso nguni't normal naman na. Siguro nga ay pagod pa din ang kaniyang katawan.
"Babalik na lang ako mamaya. Ikaw na muna ang bahala sa kaniya.", wika ko kay Lena saka ko tinungo ang pintuan palabas.
Mula nung pangyayari kahapon ay di ko pa nakuhang makausap ng masinsinan si Nemi. Kailangan kong alamin mula sa kaniya kung ano ba talaga ang nangyari. Dumagdag pa kasi ito sa alalahanin namin ngayon.
BINABASA MO ANG
MAGEIA Unang Yugto: Ang Nakatagong Alamat
FantasíaDalawang magkaparehong pangalan. Magkaibang pagkatao. May nagpakatotoo at may nagkukunwari. Kabutihang sinuklian ng kalupitan. Kalupitang naging sanhi ng pagbabago. At pagbabagong kokontrol sa kapalaran. _______________________ Sa mundo ng Mageia, m...