Mageia XCIV: Blaze Phoenix

54 6 2
                                    

Nemi's POV:

"Ano ba kasing nakain mo at ginawa mo yun ha?", pangaral na naman ni Nebula. Kanina pa to talak ng talak sa aking harapan. 

Matapos akong magamot kanina at maibalik dito sa aking silid ay walang humpay na pangaral ang inabot ko sa kaniya. Mukha nga yatang nakalimutan ng isang ito kung sino itong kausap niya. Sabagay, itinalaga nga pala ito ni ina na tagasumbong niya.

"Paano na iyan ngayon? Ano ng gagawin mo ngayong isang mata na lamang iyang nasa iyo?", patuloy niya.

Lubhang napuruhan kasi ang kanan kong mata dahil sa pagtarak nung maliit na kutsilyo kanina. At oo, sinadya ko nga ang pangyayaring iyon. Ako mismo ang nanakit sa sarili ko upang maidiin ng tuluyan si Kate. Kaming dalawa lang naman ang naroon kanina kaya't sigurado akong hindi na siya makakawala ngayon. Salita niya laban sa salita ko. Tingnan lang natin kung sino ang papaniwalaan nila.

"Manahimik ka nga. Magagawan din naman ito ng paraan. Ginawa ko iyon para tuluyan ng mawala sa landas ko si Kate. Hindi ko maisasagawa ng maayos ang mga plano ni ina kung nariyan ang babaeng iyon. Sagabal siya para sa akin. At isa pa, ngayong may nangyari sa aking mga mata, tiyak akong kung anumang mga pagbabago ang makikita nila mula rito ay may maidadahilan na ako. Hindi na nila pagdududahan pa ang aking pagkatao."

Hindi naman siya agad umimik at tila tinimbang ang aking mga sinabi. Tama naman kasi ako.

"May punto ka pero sana naman ay sinabihan mo muna ako ng alam ko ang lahat ng mga plinano mo.", muling hirit niya.

Hindi ko na naituloy ang sana'y sasabihin ko nang may marinig akong kumatok sa pintuan. Agad namang lumapit si Nebula dito at ito ay binuksan.

"Kumusta ka na, aking kapatid? Ayos na ba ang iyong pakiramdam?", tanong ni Alex nang siya ay tuluyang makapasok at lumapit sa akin.

"Medyo maayos na. Makirot pa rin nguni't kaya ko naman.", may kahinaan kong wika.

"Mabuti naman. Kailangan ka nga palang makausap ngayon ni ama."

Kumunot naman ang aking noo. Sa ganito kong kalagayan ay kailangan ko pa ring humarap agad sa hari?

"Bakit daw?", tanong ko na lamang.

"Alam na niya ang nangyari sa'yo. Naroon na rin ang iba kasama si Kate. Ikaw na lamang ang hinihintay."

Palihim akong napatingin kay Nebula at tumango naman siya. Kahit naman hindi siya tumango ay pupunta ako. Kailangan kong malaman kung paano siya paparusahan ng hari. Kailangan kong makasiguro na hindi na siya makakaligtas pa.

"Sige. Kaya ko naman na.", nakangiti kong wika.

Inalalayan niya ako pababa ng kama at nang ako ay handa na ay kaagad niyang ginamit ang kaniyang tilemetafora nang sa ganun ay di na ako mahirapan pang maglakad papunta doon.



Kate's POV:

Kaharap ko na naman ngayon ang hari at tila hindi maganda ang timpla ng kaniyang mukha. Mukhang kakainin na ako ng buhay ng kaniyang mga tingin. Napabuntong-hininga na lamang ako. Alam ko namang ito ang mangyayari matapos nung palabas ni Nemi kanina. 

"Anong ginawa mo sa aking anak, sa nakakataas na prinsesa ng mageia? Bakit mo ginawa iyon? Talaga bang wala ka ng gagawing mabuti dito sa aking kaharian?", puno ng galit na wika ng hari.

Hindi agad ako nakaimik. Hindi ko alam kung bakit nguni't tila nasaktan ako sa pagtaas niya ng boses sa akin. Dagdagan pa ng pamumula ng kaniyang mukha dahil sa galit."

MAGEIA Unang Yugto: Ang Nakatagong AlamatTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon