Mageia XII: Ang mga Prinsipe

138 5 0
                                    

Xavier's POV:

"Balita ko may napagdiskitsahan na namang taga archarios si kyrios Cecilia kahapon sa unang araw mismo ng klase nila.", rinig kong sabi ng aming logios ( scholar ) na si Uno.

Siya ang natatanging estudyante dito sa akademya na pinili naming makasama sa aming grupo bilang kanang-kamay namin. Masipag naman kasi at mapagkakatiwalaan. Isa siyang gois na kayang magbigkas ng salamangka ngunit limitado lang din. Di ko na lang pinansin ang kaniyang sinabi, hindi na naman kasi bago yan para sa akin.

Kumpleto kami ngayon dito sa aming sariling tambayan, ang aming archigeío ( headquarters ) para sa mga importanteng pagpupulong sa mga misyong dapat gawin.

Oo nga pala, ako si Xavier Resti Afthonia, ang prinsipe ng kahariang Gi, ang tagapagmana sa buong kapangyarihan ng elemento ng lupa. Ang aming mga nasasakupan ay may kakayahan rin namang magmanipula sa elementong ito ngunit limitado lamang, di gaya ko na buo. Basta't konektado sa lupa ay kaya ko.

" Pero di tulad dati, dahil babae naman pala ang napagbuntunan niya ng sama ng loob ngayon.", rinig ko ring sagot ni Calyx habang abala sa pagnguya ng mansanas, Calyx Luke Ignosi, ang prinsipe ng kahariang Aeras, ang tagapagmana sa kapangyarihan ng elemento ng hangin at gaya lang din sa amin ang lebel ng kapangyarihan ng kanilang mga nasasakupan. Mahangin ang isang ito, di rin naman kasi nakakapagtaka.

" Babae? Maganda ba? ", agad namang singit ni Rain na kanina lamang ay pinaglalaruan lang ang kanyang espada. Pagdating sa babae, nangunguna palagi itong lalaking to. Rain Cloud Katharos, prinsipe ng kahariang Nero na tagapagmana sa elemento ng tubig.

" Basta't pagdating sa babae, talagang mabilis ang pang-amoy mo, noh?", inasar naman siya agad ni Calyx. Silang dalawa kasi ang madalas na nagkakasagutan sa amin, pero sila rin naman ang magkakasundo pagdating sa kalokohan.

" Pang-amoy agad? Di ba pwedeng nagtatanong lang muna?", sagot naman ni Rain.

"O, magsasagutan na naman kayo niyan? Lumabas na lang kayo para walang maingay.", iyan naman si Dark, ang taga-apula ng sagutan nila, at taga hiwalay na rin sa puntong umabot na sa manu-mano ang laban na kadalasa'y biruan lang naman.

Dark Galen Alitheia, ang prinsipe ng kahariang Skotadi na siyang nagmana sa kapangyarihan ng dilim. Magagawa niyang kontrolin lahat ng may anino at magpahinto ng oras hanggang sampung minuto lang naman. Seryoso iyang taong yan pero sumasabay din naman paminsan-minsan sa trip ng samahan.

"Hayaan mo na muna, Dark, para naman may maingay dito. Buwagin mo na lang mamaya pag nagkapikunan na.", singit naman ni Jake na abala sa pagbabasa ng libro.

Jake Nicholas Elpida, ang prinsipe ng kahariang Fos, tagapagmana ng elemento ng liwanag. Matino naman ang isang 'to, pero minsan ay nakikisabay at nakikidagdag din sa bangayan ng dalawa.

Sa amin lahat, siya lang ang nakakalipad gamit ang kaniyang pakpak, kulay puting pakpak na parang sa anghel.

Si Calyx nakakalipad sa tulong ng hangin, si Rain nakakalipad sa pagsakay sa bula, si Dark sa gabi lamang nakakalipad sa pagsakay sa kaniyang itim na ulap, at ako naman ay nakakalipad lamang sa pagtuntong sa mahiwagang sanida ( board ) na gawa sa salamangka ng aking ama.

"Tsk. Ang iingay niyo.", biglang bangon ni Blaze mula sa pagkakahiga sa kanapes ( sofa ). Ang lalim talaga ng boses nito, sobrang maawtoridad. Nagising ang dragon, ang iingay kasi ng mga kasama ko.

" Ah, sige lalabas lang ako, sasagap ng bagong balita.", dagling paalam ni Uno na agad ding lumabas.

"Ako din, pupunta muna sa silid-aklatan. May hihiramin pala akong libro.", si Jake na agad ding sumunod kay Uno sa paglabas.

MAGEIA Unang Yugto: Ang Nakatagong AlamatTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon