Mia's POV:
Nasasaktan ako. Hindi para sa'kin, kundi para kay Kate. Naging parte ako ng paglilihim ukol sa kaniyang pagkatao, kung kaya't medyo nagi-guilty din ako ngayon.
Nanatili siyang walang imik simula pa kanina hanggang sa kami ay makabalik na dito sa kasalukuyan, mga ilang minuto na din ang nakalipas. Gayunpaman ay di na muna namin siya inabala. Hinayaan na muna namin siyang manahimik sa kakaupo upang mag-sink-in sa kaniya lahat ng mga nalaman niya ngayon.
Inalis ko na din ang aspidang nilagay ko kanina dito sa aming silid, baka kasi may makahalata pa kung magtagal ito.
"Kate, anak, ayos ka lang ba? Kung gusto mo ng kausap, andito lang si mama, ha, pati si Mia."
Napatingin naman si Kate kay tita, o mas tamang sabihin na sa aking ina, nang marinig niya itong magsalita. Nguni't di man lang siya sumagot. Tinitigan lamang niya kami ni mama saka malungkot na napangiti. Kitang-kita ko pa kung gaano niyang pinipigilan ang kaniyang sarili na huwag maiyak sa harapan namin.
Ganyan yan si Kate. Ayaw na ayaw niyang may makakita sa kaniyang umiiyak. Ayaw niyang ipakita sa kahit na sino na siya'y nasasaktan.
"May mga katanungan ka ba, anak?"
Ilang beses pa muna siyang napakurap at napalunok bago niya sinimulang magsalita.
"Bakit? Bakit niyo pa sinabi sakin? Bakit niyo pa ipinaalam? Para maihanda ako? Maihanda saan? Sa kadilimang taglay ko? Para ano? Para pangilagan at kamuhian ko lamang ang aking sarili, ganun ba?", walang emosyon niyang tanong.
"Anak, hindi naman sa ganun yun."
"Eh sa ganun po ang naiisip ko, anong magagawa niyo?"
"Anak, ipinaalam namin ito sayo ngayon upang maihanda ka sa kung anuman ang paparating."
Nanatiling malumanay ang boses ng aking ina kahit na kapansin-pansin ang tila maaanghang na tonada ni Kate na sabayan pa ng walang emosyon niyang mukha.
"Ano nga ba ang paparating? Anong kinalaman ko diyan?"
Medyo naiinis na ako sa tono ng pananalita niya pero kinalma ko na lang muna ang sarili ko. Kailangan ko siyang intindihin.
"Kate, anak, ang mga naging desisyon namin ay para na rin sa iyong kabutihan -"
"Alin naman ang ikakabuti ko doon?! Yung may tinatago akong malakas na kapangyarihan na di ko naman kilala? Wala akong pakialam sa lintik na kapangyarihan na yan. Kunin niyo na kung gusto niyo."
"Kate, ano ba?! Kanina ka pa, ah. Kinakausap ka ng maayos, kaya sana naman ayusin mo rin ang pagsagot mo sa aking ina.", may halong inis na sabi ko.
Di ko na kasi napigilan ang sarili ko. Nag-init na ang aking ulo dahil sa paraan ng pananalita niya. Napabaling naman sa akin ang walang emosyon niyang mga mata.
"Buti ka nga may ina. Eh, ako? Ni hindi ko man lang alam kung sino sila. Kung hinanap ba nila ako? O kung sila ba mismo ang nagpatapon sakin. Tapos malalaman ko na lang na may demonyong naninirahan sa kaloob-looban ko? Tsss. Pahinga na muna ako. Masama ang aking pakiramdam."
Nasundan na lamang namin siya ng tingin habang papunta siya sa kaniyang silid.
"Di mo na sana siya pinatulan. Alam mo naman kung anong nararamdaman niya ngayon. Intindihin mo na lang muna.", sabi naman ng aking ina habang hinahaplos niya ang aking buhok.
Napanguso na lamang ako. Sensya naman, nag-init din kasi ang aking ulo.
BINABASA MO ANG
MAGEIA Unang Yugto: Ang Nakatagong Alamat
FantasyDalawang magkaparehong pangalan. Magkaibang pagkatao. May nagpakatotoo at may nagkukunwari. Kabutihang sinuklian ng kalupitan. Kalupitang naging sanhi ng pagbabago. At pagbabagong kokontrol sa kapalaran. _______________________ Sa mundo ng Mageia, m...