Kate's POV:
"Cris? Anong ginagawa mo dito?", may halong gulat na tanong ko sa lalaking nasa aking harapan ngayon. Nung kausap ko kasi kanina iyong mga kasamang kawal nina Blaze ay bigla na lamang may liwanag na pumalibot sa akin at sa isang kurap ko lamang ay nandito na ako sa may likod ng isang malaking puno.
"Kilala mo ako? Sino ka? At ba't ganiyan ang ayos mo?", agarang tanong niya sa malalim na tinig at ang mga mata niya'y wari tinutuklas ang aking katauhan.
Saglit akong nakalimot na ako nga pala si Heraluna ngayon.
"Kasamahan mo iyong ilang beses ko na ring nakasalubong kaya't alam ko na ang mga pangalan ninyo.", bawi ko. "Ano nga palang ginagawa mo dito sa labas?"
Muli pa niyang sinuyod ng tingin ang aking kabuuan saka nagsalita.
"Sumunod ako sa kanila. Andun pa sila sa may bungad papasok sa bayang ito kanina ng maabutan ko. Nguni't hindi na muna ako nagpakita agad lalo na nung naisipan nilang sumama dun sa babae."
Napatango naman ako sa sinabi niya. Tama ang kaniyang naging desisyon.
"Ikaw, anong ginagawa mo dun sa labas nung bahay? Magkasama ba kayo kanina?", balik-tanong niya sakin.
"Dun pa lang sa gubat ay nakita ko na yung dalawang babaeng nauna sa kanila at di sadyang natulungan ko habang daan. May iba akong lakad. Sadyang nagkatagpo lang ulit ang mga landas namin dito. Nais ko sana silang balaan kanina kaya ako sumunod dun sa bahay na kanilang pinasukan, kaya lang hindi naman ako pinapasok nung mga kasama nilang kawal.", salaysay ko.
Naputol bigla ang aming usapan nang makarinig kami ng mga alulong ng hayop. Sabay kaming napalingon sa bahay sa di kalayuan at kitang-kita namin ang marami-rami ring bilang ng mga nilalang na ngayo'y kaharap ng mga nakahandang kawal.
"Dalhin mo kaya dito iyang mga kasama nila gaya ng pagkuha mo sakin?", pabulong kong suhestiyon. Magkatabi kami ngayong nakamasid sa may gilid ng puno. Maingat upang hindi mahalata nung mga nilalang.
"Mahirap kontrolin kapag lagpas sa dalawa. At kung iisa-isahin ko pa sila sa pagkuha, tiyak mahahalata na tayo niyang mga nilalang na iyan.", bulong niya pabalik sa akin. Hindi na lamang ako umimik pa at ipinagpatuloy ko na ang aking pagmamasid.
Kita kong may isang nilalang ang lumakad mula sa hulihan hanggang sa makaharap nito iyong mga kawal. Pinagmamasdan ko siyang maiigi, buti na lamang at maliwanag ang paligid dahil sa bilog na buwan.
"Parang pamilyar sa akin ang tindig niyang nasa pinakaharap.", wika ko.
"Siya ba ang pinuno nila?"
"Hindi ko alam basta't pamilyar siya sakin."
"Bakit? Nagkita na ba kayo? Saan?"
Saglit akong napalingon kay Cris. Ano naman kayang nakain ng isang 'to ngayon at biglang naging matanong? Akala ko ba ay tahimik ang lalaking ito?
"Bakit?", tanong niyang nakatingin na rin sakin.
"Wala.", sagot ko na lamang sabay baling muli ng aking paningin sa bahay.
Sakto namang nakita ko kung paanong naging estatwa iyong mga kawal na tila napapalibutan ngayon ng bloke ng yelo nang ikumpas nung nilalang ang kaniyang kanang palad sa kanilang harapan.
"Hindi ba natin sila tutulungan?", muling bulong ko.
"Kaya pa namang solusyunan iyang pagiging estatwa nila. Magmasid na muna tayo kung anong balak ng mga iyan."
Nang magsimulang maglakad papalapit sa bahay iyong mga nilalang ay agad na rin akong naalarma. Baka kasi bigla na lamang nilang gibain ang bahay na iyan, paano na lamang iyong mga nasa loob. Tsk. Kahit na pinag-isipan na nila ako ng masama, nag-aalala pa rin ako para sa kanila.
BINABASA MO ANG
MAGEIA Unang Yugto: Ang Nakatagong Alamat
FantasyDalawang magkaparehong pangalan. Magkaibang pagkatao. May nagpakatotoo at may nagkukunwari. Kabutihang sinuklian ng kalupitan. Kalupitang naging sanhi ng pagbabago. At pagbabagong kokontrol sa kapalaran. _______________________ Sa mundo ng Mageia, m...