Leah's POV:
Pagkarating namin sa aming destinasyon ay naging abala na ang mga kawal sa pagtulong sa mga nagsilikas. Dala-dala ng iba ay mga kasangkapan, yung iba naman ay mga alagang hayop at halaman.
Hinanap ko agad ang aking kapatid at nakita ko itong nakatanaw sa bulkan sa di kalayuan. Medyo nahuli kasi kami ng kaunti dahil na nga karwahe iyong sinakyan namin.
"Wala naman bang napahamak?", tanong ko ng tuluyan akong makalapit sa kaniya.
"Mmm. Pero iilang bahay na rin doon sa malapit sa bulkan ang nawasak at may mga alagang hayop din ang nadamay."
Kaya pala kanina pa ako may naaamoy na parang balat na nasusunog.
"Buti na lang at huminto pa muna sa pagbuga ng nagbabagang bato ang bulkan. Kung nagtuloy-tuloy ito ay mahihirapan tayong magtungo rito at tiyak may mga mamamayan ding napahamak.", si Dark na tumabi na rin kay Blaze.
"Kung magpatuloy sa pag-aalburuto ang bulkang iyan, di ko alam kung ano ang maaaring mangyari sa bayang ito.", nanlulumong saad ni Jane na nasa aking likuran.
"Anong pwede nating gawin? Hindi pwedeng wala tayong gawin habang tila nagpapahinga pa sa pagbuga ang bulkang iyan.", wika ko naman.
Di naman sila agad nakaimik. Kahit naman kasi ako ay nalilito rin kung ano ba ang pwedeng gawin namin.
"Magtatatlumpong minuto na po mula nung unang pagbuga nito kanina. Ilang kabahayan na rin sa malapit nito ang nasira at natabunan ng mga nagbabagang bato. Mainit na rin po ang paligid ng bulkan dahil sa singaw at lava na dumaloy mula sa bunganga nito.", wika ng isang kawal na lumapit sa amin.
Napatingin akong muli sa bulkan. Napapalibutan na rin ito ng makapal na usok na ngayo'y humalo na rin sa hangin at naaamoy na namin.
"Gumamit kayo ng pantakip sa inyong ilong. Nagsisimulang na umepekto sa paligid ang usok na dulot ng bulkan. At siguraduhin ninyong nailikas na nga lahat ng mga mamamayan."
Agad namang tumango iyong kawal at tumalikod na matapos marinig ang sinabi ng aking kapatid.
"Kung isa nga ito sa mga epekto nung kristal, baka hindi ito titigil sa pagsabog hangga't hindi natin makukuha iyong bato na kagaya nung sa mga dinaanan nating kaharian.", si Cha.
May punto siya. At kung pagbabasehan ang mga pinagdaanan namin, sa tingin ko ay sa akin nakasalalay ngayon ang kaligtasan namin. Dahil gaya nila Elle, responsibilidad ko rin ngayon ang hanapin at kuhanin iyong bato. Napalakas tuloy ang aking buntong-hininga na naging dahilan upang mapalingon silang lahat sa akin. Alam kong alam na rin nila kung ano ang iniisip ko ngayon kaya't wala na ring nangahas na magtanong pa.
Nakatuon ang paningin naming lahat sa bulkang Methana na nasisinagan ng bilog na buwan nang maramdaman naming muli ang pagyanig ng lupa. Medyo malakas ito kaysa kanina. Kasabay nito ay ang muli ring pagsabog ng bulkan. Sa lakas nito ay napaupo kaming lahat.
Kitang-kita ko ngayon ang pagliparan ng mga malalaking bato na nagbabaga mula sa bunganga ng bulkan. Medyo malayo naman ang aming kinaroroonan mula dito kaya't kampante kaming hindi ito aabot sa amin. Pansin ko rin ang umaapoy na likido na ngayo'y dumadaloy mula sa bulkan. May mga puno na rin sa paligid nito na ngayo'y tinutupok na ng apoy.
Patuloy ang pagsabog nito, palakas ng palakas. Naagaw naman ni Calyx ang aking paningin nang bigla siyang tumayo. Isang may kalakihang bato na nagbabaga ang kaniyang sinangga gamit ang kaniyang kapangyarihan. Pinigilan niya ang pwersa nitong pabagsak at buong lakas na tinulak pabalik sa direksiyon ng bulkan.
Nang magawa niya ito ay siya ring pagtigil ng pagsabog at pagyanig ng lupa.
"Kung umabot hanggang dito ang kaniyang pagbuga kumpara kanina, sa tingin ko ay mas lalakas pa ito sa susunod niyang pagsabog.", wika ni Xavier.
BINABASA MO ANG
MAGEIA Unang Yugto: Ang Nakatagong Alamat
FantasyDalawang magkaparehong pangalan. Magkaibang pagkatao. May nagpakatotoo at may nagkukunwari. Kabutihang sinuklian ng kalupitan. Kalupitang naging sanhi ng pagbabago. At pagbabagong kokontrol sa kapalaran. _______________________ Sa mundo ng Mageia, m...