Mageia XLIV: Spanio Magiko Oplo (part III)

83 4 0
                                    

Blaze's POV:

Nang marating namin kanina ang lawang pinagbagsakan ng spanio magiko oplo, ay siya ring pagkatampisaw ni Kate sa may lawa.

Nakita rin namin sila Chris na nakikipaglaban makalusong lamang sa lawa para sagipin si Kate. Nung mapansin kong nadaganan ng dalawang sugatan si Kate na sanhi ng muli niyang pagkalubog sa tubig ay napagdesisyunan ko na ding lumusong.

Nguni 't naantala pa ang aking pagsisid nang may makalaban akong isang asasin. Umabot din ng mga sampung minuto bago ko ito napatumba. Dinaluhan naman siya agad ng kaniyang mga kasama at napag-alaman kong ito pala ang kanilang pinuno na Alexus ang pangalan.

Agad na akong sumisid nang magkaroon ng pagkakataon. Kahit sobrang lamig ng tubig na ito ay kailangan kong tiisin masagip lamang ang babaeng iyon dahil kung hindi, malalagot kami sigurado yun.

Kung ang ibabaw ng tubig ay kulay asul, ang ilalim naman nito ay sobrang dilim na kung hindi ka magsusuot ng makulay na damit ay di ka makikita. Sa pagkakaalala ko naman ay kulay puti na may halong berde ang suot ni Kate kanina kaya't alam kong makikita ko naman siya.

Nguni't kahit saan ko ibaling ang aking paningin ay wala akong makitang Kate, puro mga sugatang taga tribo ang mga andito. Lumangoy pa ako ng pailalim dahil baka tuluyan nang nalunod ang babaeng iyon.

Nakaramdam na ako ng pamamanhid dahil sa lamig na dulot ng tubig kung kaya't sinubukan kong painitin ang aking dibdib gamit ang aking kapangyarihan upang kahit papano'y maibsan ang lamig na aking nararamdaman.

Sanay naman ako sa languyan at kaya kong magtagal sa ilalim ng tubig ng halos labinlimang minuto. Ipinagpatuloy ko pa ang paglangoy upang hanapin si Kate nguni't talagang di ko maaninag kahit damit niya.

Sa kakalangoy ko ay meron akong napansin na kulay asul na liwanag sa unahan. Sa pagbabakasakaling andun ang aking hinahanap ay madali kong nilangoy ang kinaroroonan ng liwanag.

Nang marating ko ito ay napansin kong may tatlong taga tribo ang andito, nguni't parehong naninigas na ang mga ito, siguro ay dahil sa lamig ng tubig. Nakapagtataka lang na hindi tuluyang lumubog o lumutang ang kanilang mga katawan.

Napabaling naman ang aking pansin sa nagliliwanag na bagay. Isa itong espada na kulay puti ang hawakan nguni't nagbibigay naman ng kulay asul na liwanag ang kaniyang talim.

Marahil ay ito na ang bumagsak mula sa kalawakan na naging sanhi ng kaguluhan ngayon sa disyertong ito. Nagtatalo pa ang aking isipan kung ito ba'y aking aabutin nguni't ganun na lamang ang aking pagkagulat nang tila ba'y hinihigop ako nito papalapit kung kaya't tuluyan ko na itong hinawakan.

Nang mahawakan ko ang espada ay ibayong init ang nanunuot sa aking kamay at nagliwanag ito ng sobra, saka ako tila itinulak ng tubig paitaas hanggang sa ako'y napalutang sa ere.



Nemi's POV:

Nang mapansin namin ang sobrang pagliwanag ng tubig at pagbulusok paitaas ng isang bagay mula sa ilalim nito ay napatigil ang lahat.

Gayun na lamang ang aming pagkagulat at pagkamangha nang aming makitang nakalutang sa ere si Blaze hawak-hawak ang isang espada. Mayamaya pa'y unti-unting naglaho ang kaniyang espadang hawak at ito'y naging isang asul na singsing na ngayo'y nakasuot na sa kaniyang daliri.

"Astig. Nakuha ni Blaze ang spanio magiko oplo.", rinig kong sambit nitong kaibigan niyang Xavier ang pangalan. Di ko napansin na siya pala ang katabi ko ngayon. Pareho kaming andito lamang sa gilid ng lawa.

Napabaling naman ang aming paningin sa may lawa nang nag-uunahan sa pag-ahon ang mga andun.

"Ang init ng tubig."

MAGEIA Unang Yugto: Ang Nakatagong AlamatTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon