Blaze's POV:
Saglit na natahimik si Kate. Ni hindi ko alam kung humihinga pa ba siya o baka nawalan na ng malay. Labis na ang pananamlay ng kaniyang katawan nguni't hindi man lang tinigilan ng mga megalon ang kanilang ginagawa. Ni wala naman silang nakuha kahit kaunting kapangyarihan ng xorki.
Nguni't ilang sandali pa ay nagulat na lamang ako nang tila nag-iba ang awra ni Kate. Nakaramdam ako ng malakas na kapangyarihan mula sa kaniya. Maigi ko siyang pinagmamasdan kaya't pansin kong tila bumabalik sa dating sigla at ayos ang kaniyang buong katawan. Maging ang mga megalon ay tila nahihirapan na ngayong kontrolin ang kanilang mga kapangyarihan dahil parang kinokontra ito ng hindi makitang enerhiya na mula sa katawan ni Kate.
Ilang segundo pa ay sabay-sabay kaming napayuko lahat nang sumabog ang liwanag sa kanilang pagitan. Ang mga megalon ay napatapon dahil sa taglay nitong lakas. At nang tingnan kong muli si Kate ay nawala na ang tali sa kaniyang mga kamay at paa. Hindi basta-basta ang mga taling iyon kaya't tiyak akong malakas ang taglay niya ngayong kapangyarihan upang sirain ito. Hindi kaya ito na ang kapangyarihang ninais nilang higupin mula sa kaniya? Nguni't paano niya itong nagamit?
Dahan-dahan kaming napaatras nang mapansin naming pinapalibutan na siya ng mga malagintong hibla ng liwanag hanggang sa lumutang na siya paitaas. Kasabay nito ay ang paghangin ng paligid kaya't medyo napapikit ako upang hindi mapuwing.
"Anong nangyayari?", rinig kong sigaw ng hari.
"Mahal na hari, ginamit na po namin ang lahat ng aming enerhiya nguni't sadyang hindi namin makuha-kuha ang mga xorki. At ngayon ay tila ginamit niya ito laban sa amin.", sagot ng isang megalon habang sapo ang kaniyang dibdib.
"Nguni't akala ko ba ay walang sinumang makakagamit ng kapangyarihan nito dahil kahit kayo ay hindi pa alam kung paano ito gamitin? Anong nangyayari ngayon?", sigaw na rin ni Nemi na ngayo'y nakahawak pa sa aking braso. Dahan-dahan ko naman itong tinanggal.
"Hindi rin kami sigurado kung ang xorki nga ba iyang gamit niya o may iba pa siyang itinatago.", muling sagot ng megalon na tumingala na rin sa kinalulutangan ni Kate.
Tila wala sa sariling pag-iisip ngayon si Kate dahil di man lang ito gumagalaw o nagsasalita. Nanatiling nakalahad ang kaniyang mga palad paibaba at tuwid na nakatayo sa ere. Ni hindi ko alam kung ano ang dapat kong gawin dahil di rin ako sigurado kung ano ang nangyayari ngayon sa kaniya.
Ilang minuto rin kaming hindi makatayo ng maayos dahil sa hangin at alikabok sa paligid. Nagulat na lamang ako nang marinig ko ang sigaw ni Lyn. Nang sundan ko ito ng tingin ay nasa ere na siyang kagaya ni Kate nguni't hawak-hawak niya ang kaniyang leeg na tila ba may tinatanggal mula dito. Nang tingnan ko itong mabuti ay saka ko pa lamang napansin ang kulay asul na enerhiyang nakagapos sa kaniyang leeg. Enerhiyang nagmumula sa mga palad ni Kate.
Hindi pa kami lubusang nakabawi sa gulat nang sumunod namang lumutang si Clau at kagaya ni Lyn ang kaniyang sinapit, kulay berde nga lang ang nasa kaniyang leeg. Naging maingay tuloy ang paligid. Pati ang mga megalon at ang mga heneral ay pawang nakatingala at hindi mawari kung ano ang dapat gawin. Ang iilang mga kawal na nandito ay nakatingala na rin habang pinapalibutan nila ang hari bilang proteksiyon.
Muli akong napalingon sa sumunod na sumigaw at nakita kong nasa ere na rin ngayon si Elle habang may kayumangging enerhiya sa kaniyang leeg. Panay ang kaniyang pagpupumiglas nguni't tila wala naman yata itong magawa upang siya ay makatakas.
"Kate! Ano ba'ng ginagawa mo? Kapatid ko 'yan. Kaibigan mo!", sigaw ni Xavier mula sa aking likuran.
"Xav, walang magagawa iyang pagsigaw mo dahil tila wala sa sariling pag-iisip ngayon si Kate.", pigil sa kaniya ni Jake.
BINABASA MO ANG
MAGEIA Unang Yugto: Ang Nakatagong Alamat
FantasíaDalawang magkaparehong pangalan. Magkaibang pagkatao. May nagpakatotoo at may nagkukunwari. Kabutihang sinuklian ng kalupitan. Kalupitang naging sanhi ng pagbabago. At pagbabagong kokontrol sa kapalaran. _______________________ Sa mundo ng Mageia, m...