Mageia XXXVIII: Unang sabak sa Laban

104 5 2
                                    

Alex's POV:


Hanggang ngayon ay di pa rin gising si Chris. Medyo nag-aalala na ako sa kalagayan niya. Alam ko ang mga pinagdadaanan ng kakambal ko at sigurado akong ang pinakatatakasan niyang nakaraan ang siyang nagdadala ng bangungot sa kaniyang diwa ngayon na siyang dahilan kung bakit di pa siya gising.

Napabaling naman ang aking tingin kay Blaze. Siguro ay may napakabigat din na pinagdadaanan ang isang to kung kaya't hanggang ngayo'y tulog. 

Di naman masyadong mahirap ang paggising sa mga bangungot na pinagdadaanan namin kanina, lalo na kung tanggap mo na ng buo ang pait ng nakaraan. Mas napabilis nga lang ang aming paggising dahil sa mga tumulong sa amin.

Di lang ako sigurado kung napansin pa nila ang biglaang pagkawala namin kanina. Ayos na rin yun nang di na sila madamay pa sa kung ano mang gulo ito. Sana lang din ay maayos nilang naibalik lahat ng kalahok sa loob ng akademya.

Napadako naman ang aking tingin kay Leah, sa kapatid ni Blaze nang bigla itong sampalin ng isang babaeng kalaban. Kahit nakatalukbong siya ay malalaman mo naman agad na babae dahil na rin sa hubog ng kaniyang katawan.

Wala naman akong narinig na pagdaing mula kay Leah pero pansin ko ang pagtagis ng kaniyang mga ngipin at ang nakakamatay nitong tingin. Mayamaya pa ay bigla itong tumawa ng nakakaasar.

"Isa ka palang duwag, e.", saad ni Leah na mas ikinagalit pa ng babaeng kaharap.

"Anong sabi mo?"

"Sabi ko, duwag ka. Nananakit ka ng walang laban. Di ba duwag ang tawag dun?", gatong pa ni Leah sa nagpupuyos sa galit na babae.

Aktong sasampalin na naman niya ulit si Leah nang biglang may babaeng nakakapa at naka-maskara ang ngayo'y nakatayo na sa kaniyang tabi at hawak-hawak ang kaniyang kamay.

Nangunot naman ang aking noo sa biglaang pagdating nito na parang hangin. Di naman ata ito ang kanilang tinatawag na kamahalan dahil pansin ko ang halong pagkagulat at pagtataka sa mga mukha ng mga kalaban. Pero sino nga kaya ito? Di kasi makikita ang kaniyang mukha dahil sa maskara at nakatalukbong nitong asul na kapa.

"Panu kaya kung ikaw naman ngayon ang sampalin ko?", malamig nitong saad. Ang boses niyang galit at maangas ay nagpapataas ng aking balahibo. 

Marahas niyang binitawan ang kamay ng kalaban at agad itong binigyan ng malutong na sampal na ikinatumba pa ng kaharap.

"Oh, masakit ba? Para yun lang natumba ka na agad?", nanunuya pa nitong tanong.

Agad naman siyang pinalibutan ng mga kalaban habang inalalayan ng ilan ang nasampal na kasamahan. Mga sampu ang lahat ng kalabang naririto at halos ay lalaki lahat. Kakayanin kaya ito ng babaeng nag-aala-tagapagligtas?

Sumugod agad ang dalawang kalaban at naglabas ng maliliit na kutsilyo. Di naman natinag ang babae at hinintay pa ang paglapit ng dalawa. Saka siya mabilis na tumalon at sabay na sinipa sa ere ang dalawa, sapul ang bawat mukha. Sa lakas ng kaniyang pagkakasipa ay parehong tumapon sa magkabilang bato ang dalawa at agad nawalan ng malay. Siya naman ay swabeng lumapag sa lupa at nameywang pa na humarap sa iba.

"Sinong susunod?", balewala pa nitong tanong habang nilibot ng tingin ang mga kalaban.

Agad namang sumugod ang apat na parehong may dalang kadena. Inilahad naman ng babae ang kaniyang palad at may lumitaw dito na xylino ravdi (wooden stick). Napatingin tuloy ako sa kaniya na ngayon ay nakangisi pa. Di basta-bastang salamangkera ang babaeng ito, dahil sa pagpapalabas niya ng sandata gamit ang isip lamang.

Sinalubong naman niya ang apat habang hawak ang kaniyang sandatang kahoy. Sabay na iwinasiwas ng apat ang kanilang dala-dalang kadena na ngayo'y nagbabaga na. Buong liksi naman itong sinasangga ng babae na parang nagsasayaw lang. Walang kahit na isa ang nakalagpas sa sandata niya. At nang makatiyempo siya ay isa-isa niya itong pinaghahampas sa batok gamit pa rin ang kahoy na hawak. Kaya't ang resulta, tulog ang apat na kalaban. Ang kanina'y nagbabaga ay naging normal na lang na kadena ngayon.

MAGEIA Unang Yugto: Ang Nakatagong AlamatTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon