Mageia V: Pagbabalik sa pinagmulan

163 7 0
                                    

Sa kaharian ng Kentro Vasileio....


"Kamahalan, naririto po ang kambal na prinsipe. Nais raw po kayong makausap.", anunsiyo ng kawal na tagabantay sa silid-aklatan ng hari't reyna.

"Sige, papasukin mo lang.", sagot ng hari habang abala ito sa pagpipirma at ang reyna naman ay nasa di-kalayuan nagbabasa.

Lumabas ang kawal, at ilang sandali pa'y masiglang pumasok ang dalawang prinsipe na sina Alexander at Christopher. 

"Ama, Ina, handa na po ang lahat para sa aming pagpasok sa akademya. Ngayong araw na po kami aalis para maihanda pa namin ang aming mga sarili sa bago naming titirhan sa loob mismo ng akademya.", nakangiting sambit ni Alexander na umupo sa harapan ng hari, habang ang tahimik na si Christopher ay pumaroon sa kinauupuan ng Ina at doon nakipagkwentuhan.

"Magandang balita iyan, Alexander. Nawa'y pagpalain kayo sa inyong misyon at kayo'y magtagumpay.", nakangiti ring tugon ng hari habang papatayo ito at inakay si Alexander palapit sa reyna at sa kambal nito at doon sila naupong muli.

"Tandaan niyo lamang, huwag niyong ipagbigay alam sa iba pa ang tunay niyong pakay doon, dahil mahirap na.", paalala ng reyna. Marahan namang tumango ang dalawa.

"Mauuna na po kami, Ina, Ama. Huwag po kayong mag-alala dahil gagawin namin ang lahat maibalik lang dito si Aurora.", paalam ni Christopher habang niyakap isa-isa ang hari't reyna na sinundan naman ni Alexander. Mayamaya pa'y sama-sama silang lumabas ng silid para ihatid sa may tarangkahan ng palasyo ang papaalis na kambal na prinsipe.



Sa kahariang Adistaktos....


"Handa ka na ba, anak?", tanong ni reyna Libitina sa kaharap na prinsesa.

"Kahapon pa, Ina.", masigla namang sagot nito.

"Kung gayun, inumin mo na ito hanggang sa huling patak.", ibinigay niya rito ang hawak-hawak na kopita na may lamang kulay gintong likido. Pagkakuha naman ng dalaga'y agad itong nilagok. Ilang sandali pa'y nagliwanag ang buong katawan ng dalaga na naging dahilan ng pagpikit ng mga kawal at dama, ngunit hindi ng reyna.

Pagkatapos ng labinlimang segundo, ay natunghayan na ng lahat ang bagong anyo ng kanilang prinsesa. Ang itim at tuwid nitong buhok ay naging kulot-kulot at  kakulay na ng ginto, at ang kulay kayumangging mata ay naging asul na. Lubos na nasiyahan ang reyna sa naging resulta nito.

"Siguraduhin mong sa'yo mapupunta ang mahiwagang singsing na iyon bago ang gabi ng bughaw na buwan, dahil sa gabi ding iyon ay magbabalik ka na sa iyong tunay na anyo. At siguraduhin mo ring  pati korona ng reyna ay maipapasa na sa'yo,.", paalala muli ng reyna.

Masaya namang pinagmamasdan ng dalaga ang bagong anyo sa harap ng salamin habang panay ang tango sa mga sinabi ng reyna.

"Sige na, umalis ka na at baka gabihin ka pa sa iyong paglalakbay.", untag nito sa anak.

"Paalam, Ina at ipinapangako ko na hindi kayo mabibigo sa akin. Magtatagumpay tayo. Sigurado yan.", paalam nito sa ina at matuling lumabas ng silid para simulan ang misyong nakaatang sa kanya. Naiwan naman sa silid ang itim na reyna habang nakatanaw sa labas ng bintana at sumilay ang ngisi sa kanyang mga labi.


**************************


Kate's POV:

"Kate, anak, papunta na ba dito ang kaibigan mo? O hindi na siya tutuloy sa pagsama sa atin?", tanong ni Mama habang may buklat-buklat na libro. Narito kami sa aming sala, ako nanunuod ng TV habang kumakain, si bessy nakaupo lang din at panay ang halungkat sa kaniyang bagahe, at si Mama habang sobrang busy sa pagbabasa.

MAGEIA Unang Yugto: Ang Nakatagong AlamatTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon