Halos tatlong oras rin kaming nagbabantay ni Azul sa lagusan ng kweba. Pasalamat na lang kami sa ibinigay na aspida ni Mars at hindi sila tuluyang nakalusot papasok. Wala naman kaming ibang ginawa kundi ang magbantay kung sakali mang masira o matanggal ang aspida hanggang sa isa-isa na ring nagsilaho ang mga nilalang at ang maiitim na usok.
Kasabay ng kanilang paglaho ay ang pagdating ng aking kyrios, si Thea Althea, kaya't agad akong napaluhod bilang pagbibigay-bugay na ginaya rin ni Azul.
Kaagad nawala ang harang ng kaniya itong lapitan. Napangiti siya sa amin saka kami sinenyasan na sumunod sa kaniya. Pagdating sa loob ay nabigla kami sa aming naabutan.
Silang lahat ay wala ng malay at ang mas nakakagulat ay ang babaeng nakahiga sa gitna ng kanilang bilog na katabi ng lampara.
Nilapitan ko ito at hinawi ang mga buhok na tumabing sa kaniyang mukha. Hindi ko siya kilala nguni't tila may kung ano sa akin ang nagsasabing malapit siya sa akin.
"Siya si Aurora. Ang bagong pag-asa ng mageia.", nakangiting wika ni kyrios Althea.
Isa-isa namang nagsigising ang mga diwata kaya't ipinaglipat-lipat ko sa kanila ag aking paningin. Pawang mga nakangiti ang kanilang mga mukha na tila ba nagsasabing tama ang aking hinala.
"Tama ka, Artemis. Siya nga iyan. Nguni't dahil sa mga pangyayari nitong nakaraan ay hindi na muna siya magbabalik sa dating siya. Ang kaniyang hitsura, alaala, at maging kapangyarihan ay ngayo'y nakabaon sa ilalim ng kaniyang puso't isipan. At sa kung kailan ito muling magigising ay walang nakakaalam.", wika ni Thea Althea.
Sa narinig kong ito ay walang pagsidlan ang aking nadaramang kasiyahan at alam kong ito rin ang nararamdaman ng lahat maging si Azul. Di bale ng nag-iba siya basta't ang mahalaga ay nagbalik siya.
Muli ko siyang nilapitan at dinungaw ang kaniyang maamong mukha na natutulog.
'Nagbalik ka. At sa pagbabalik mong ito sisiguraduhin kong wala ng sinumang makakapanakit sa'yo. At kung sakali mang darating na ang panahong makakaalala ka na sa mapait mong nakaraan, anu't ano man ang iyong magiging desisyon ay aking susuportahan.'
Maingat ko siyang kinarga upang dalhin na sa kaniyang silid at nang doon na magpatuloy sa pagpapahinga nang bigla ay humikab siya at dahan-dahang binuksan ang kaniyang mga mata.
"Sino ka?", tanong niya sa pamilyar na tinig habang mariing nakatitig sa akin ang bughaw niyang mga mata.
xxxxx
BINABASA MO ANG
MAGEIA Unang Yugto: Ang Nakatagong Alamat
FantasyDalawang magkaparehong pangalan. Magkaibang pagkatao. May nagpakatotoo at may nagkukunwari. Kabutihang sinuklian ng kalupitan. Kalupitang naging sanhi ng pagbabago. At pagbabagong kokontrol sa kapalaran. _______________________ Sa mundo ng Mageia, m...