Sa kaharian ng Kentro Vasileio ng Mageia .....
"Pero, Ina, ayon sa ating kautusan, ang prinsesa ang siyang susunod na mamumuno sa ating kaharian. At napag-usapan na natin ito dati pa, ayaw namin ni kambal na humawak ng anumang posisyon, maraming paraan para kami ay makatulong sa pamamalakad, hindi lamang ang pagiging hari.", hayag ni Prinsipe Alexander, isa sa kambal na prinsipe ng kahariang Kentro Vasileio.
Nakikinig lang sa isang tabi si Prinsipe Christopher, ang kanyang kambal at kinakalikot ang espadang hawak. Galing pa kasi sila sa kanilang ensayo nang ipatawag sila ng kanilang ina at ama, ang Haring Jupiter at Reyna Juno sa silid aklatan ng mga ito.
"Mga mahal kong prinsipe, hindi ko nakakalimutan ang ating kautusan at lalo na ang inyong mga katwiran noon pa man. Ngunit tila kayo ang nakakalimot sa ating dating usapan, aking mga anak." Isinara ng reyna ang librong binabasa at tumayo palapit sa asawang hari na abala sa pagbubuklat ng mga rolyong papel. Maya-maya ay humarap itong muli sa dalawang prinsipe na may dalang isang scroll.
"Ang ating kautusan na mula pa sa ating mga ninuno, na kung sino ang unang babaeng anak sa pamilya ay siyang susunod na mamumuno sa kaharian. Tayo lamang ang naiiba sa pitong kaharian dito sa ating mundo. Ngunit paano tayo pamumunuan ng ating prinsesa kung hanggang ngayon ay hindi pa siya nakakabalik sa atin?", mahinahon ngunit makikitaan mo ng lungkot ang anyo ng reyna habang inaalala ang matagal ng nawawalang si Prinsesa Aurora. Napatigil tuloy sa ginagawa ang hari at lumapit sa asawa, pati na rin ang tahimik na si Prince Christopher ay lumapit sa kanila.
"Mga anak, kung talagang gusto niyong ang prinsesa ang hahalili sa amin, nararapat na sigurong kayo naman ang kumilos.", sabi ng hari.
"Anong ibig mong sabihin, Ama?", tanong ng tahimik na si Prince Christopher. Maging ang kanyang kambal ay naguguluhan din sa tinuran ng ama.
"Panahon na para kayo naman ang kumilos. Hanapin niyo ang inyong kapatid, si Prinsesa Aurora."patuloy ng hari.
"Talagang gagawin namin 'yan Ama, Ina. Ngunit, saan naman kami magsisimula, lalo pa't papalapit na ang bughaw na buwan?", tanong ni Prinsipe Alexander.
"Hindi ko nasasabi sa inyo, ngunit may napanaginipan ako nitong mga nakaraang araw. Tila ba ito ay isang pahiwatig na ibinigay ng dakilang si Bellona, ang tagahawak at tagabigay ng mga propesiya.", bigla ay saad ng reyna habang nagpupunas ng kanyang mga luha.
"At anong panaginip ito mahal ko? Bakit ngayon mo lang ito nasabi sa amin?", tanong ng hari at inalalayan ang asawa para paupuin. Sumunod na rin sa pag-upo ang kambal, kaharap sa mesa ng mga magulang.
"Patawad, ngunit hindi ko naman ito nabigyan ng pansin dahil inakala ko ay wala lamang. Ngunit ngayon ay napaisip ako na tila ba may ibinigay na tulong sa atin si dakilang Bellona."
Nanatiling tahimik ang lahat at naghihintay sa sasabihin ng reyna.
"Nanaginip ako ng magandang dalaga, may kulay gintong buhok at asul na mga mata. Katulad ng ating Prinsesa Aurora, ngunit di ko masyadong maaninag ang kabuuan ng kanyang mukha at di ko rin makilala kung siya nga si Aurora dahil sobrang laki na niya. Sinundan ko siya sa kanyang pagtakbo at dinala ako sa isang akademya. Lumingon siya sa akin at ngumiti. Nagising na din ako pagkatapos.", salaysay ng reyna.
"Ina, nalaman mo ba kung saan ang akademyang ito?', usisa ni Prinsipe Christopher.
"Hindi ako sigurado sa aking nakita. Ngunit hindi ako maaaring magkamali sa tatlong letra na aking natanaw bago ako tuluyang nagising."
Pigil hininga na hinintay ng tatlo ang sasabihin ng reyna. Na tila ba sa katagang lalabas sa bibig nito ngayon ay ang matagal ng sosolusyon sa kanilang problema at pangungulila.
BINABASA MO ANG
MAGEIA Unang Yugto: Ang Nakatagong Alamat
FantasíaDalawang magkaparehong pangalan. Magkaibang pagkatao. May nagpakatotoo at may nagkukunwari. Kabutihang sinuklian ng kalupitan. Kalupitang naging sanhi ng pagbabago. At pagbabagong kokontrol sa kapalaran. _______________________ Sa mundo ng Mageia, m...