Mageia XLVI: Ang Huling Pagsubok (part II)

87 5 0
                                    

Kate's POV:

Nagising ako sa sinag ng araw. Bumangon at kinusot-kusot ko ang aking mga mata saka inilibot ang aking paningin.

Nasa bahay ako. Nguni't tila may parte sa akin na nagsasabing di ako dapat na nandito. Nalilito man ako sa aking nararamdaman ay di ko na muna ito pinagtuunan ng pansin dahil ramdam ko na ang gutom.

Matapos ayusin ang aking sarili ay lumabas na ako ng silid at dumiretso sa may kusina. Naghahanap ako ng pwedeng ihanda para sa agahan nang marinig ko ang mga yapak na paparating.

Napatakbo naman ako nang makita ko ang aking mga magulang at sila'y niyakap na para bang na-miss ko sila ng sobra. Pareho naman silang napatawa dahil dito at hinagod ang aking likod.

"Gutom na ata ang aking prinsesa at ngayo'y naglalambing.", wika ni papa Aurelio. Natutuwa talaga ako pag tatawagin niya akong kaniyang prinsesa kahit wala naman kaming korona at palasyo.

"Sige na. Maupo na muna kayo at maghahanda ako ng ating makakain.", masayang sambit naman ni Mama Helena na agad naman naming sinunod.

Nagkukuwentuhan lamang kami habang inaantay na matapos ang niluluto ni Mama. Ang saya ng aking pakiramdam na tila ba matagal ko na itong pinapangarap. Weird nga eh kasi bakit ko naman papangarapin eh lagi naman kaming magkasama.

Nakahanda na kaming kumain nang biglang may dalawang nagtatakbuhang dumating at naupo agad sa bakanteng upuan saka nakangiting napatingin sa akin. Napatawa naman sila mama at papa nang makita ang dalawa.

"O siya, sumalo na rin kayo sa amin, Mia at Mat-Mat. Buti na lang pala at dinamihan ko ang mga niluto ko. Muntik ko na kayong makalimutan.", ani mama na tinawanan na lang naman namin.

Nagsimula na kaming kumain habang panay ang masayang kuwentuhan. Tumatawa ako nguni't tila di ako mapalagay. Oo nga't ang saya-saya ko sa tanawing ito nguni't nalilito talaga ako sa aking pakiramdam na tila ba di ako dapat naririto, na parang nasa maling panahon ako.

"Kate, anak, may problema ba?", pansin ni mama sa aking pananahimik.

Napatingin naman ako sa kanila na ngayo'y tila nag-aabang sa kung ano man ang aking sasabihin.

"Sabihin ninyo, panaginip ba to? O matagal ba akong nawala dito at ngayon lang nagbalik? Para kasing na-miss ko talaga kayo.", anas ko nagpatahimik sa kanila. Nguni't mayamaya pa'y sabay silang nagsitawanan. Kumunot tuloy ang aking noo. Pambihirang kapamilya to. Seryoso kaya ako dito.

"Baka nanaginip ka nga kagabi at naputol ito bigla paggising mo kung kaya't nalilito ka pa ngayon. Ano, nak, tulog tayo ulit?', natatawang sagot ni Papa.

Tsk. Sa kaniya ata ako nagmana. Ang galing sumagot eh.

"Kain na nga lang tayo.", sabi ko na lamang.


*****************


Nandito kami ngayon sa may park. Wala kasing pasok kaya't family time kami. Kasama na naman namin si Mia na aking pinsan na para na ring kapatid at si Mat-Mat na aming kababata at kapitbahay. Masayang naghahabulan ang dalawa na parang mga bata habang ako naman ay abala sa aking ice-cream. Sina mama at papa naman ay umalis saglit at bibili daw sila ng makakain.

Nakangiti ko namang inilibot ang aking paningin. Medyo maraming nandito ngayon sa park at lahat masaya. Patuloy lamang ako sa pagdila sa aking ice cream nang biglang tila may malamig na hangin na dumaan sa akin.

Agad ko namang napansin na tila isa-isang naglaho ang ibang mga namamasyal dito. Nang ibaling ko ang aking paningin kay Mia at Mat-Mat ay tila wala naman silang napansing kakaiba dahil masaya pa rin silang naghahabulan.

MAGEIA Unang Yugto: Ang Nakatagong AlamatTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon