Mageia XCVII: Ang Seremonya

54 5 0
                                    

Blaze's POV:

"Saan ka ba galing? Alam mo ba'ng kanina pa ako hanap ng hanap sa'yo?", kunot-noong salubong sa akin ni Chris.

Magulo ang aking isipan nitong mga nakaraang araw kaya't nagpasya akong mapag-isa muna kahit iilang oras lamang. Sa kakalakad ko ay may narating akong isang maliit na kweba na tila lagusan papunta sa isang maliit na batis na puno ng mga bulaklak at halaman. Nanatili ako roon ng mga halos tatlong oras upang makapag-isip nguni't mas lalo lamang gumulo ang aking pag-iisip kaya't lumabas na lamang ako.

"Bakit? May nangyari ba?", tanong ko kay Chris. Mukha kasing tuliro ang isang ito.

"Ngayon na gaganapin ang seremonya."

Hindi ko agad nakuha ang kung ano man ang ibig niyang sabihin sa seremonyang sinasabi niya. 

"Seremonya. Iyong paghigop nila sa kapangyarihan ng mga xorki mula sa katawan ni Kate.", dagdag niya nang mabasa niya mula sa aking mukha ang pagkalito.

Pagkarinig ko nito ay agad nabuhay ang aking tila nananamlay na dugo at agad kong naisip muli si Kate. Sa katunayan nga ay kanina ko pa siyang iniisip nung andun ako sa may batis.

"Ano?! Alam na ba ito ng hari?", nababahalang tanong ko.

Sa pagkakaalam ko kasi ay hindi pa lubusang bumabalik ang lakas ni Kate kaya't alam kong mahihirapan siya ng labis kung totoo mang ngayon nila ito gagawin.

"Oo. Si ama mismo ang nagdesisyon. At ngayon nga ay naroon na ang halos lahat sa may sagradong hardin upang doon simulan ang seremonya."

"Dalhin mo ako doon.", agarang wika ko na agad naman niyang sinagot ng pagtango. 

Nagmamadali ang aming mga hakbang papunta sa direksiyong kaniyang itinuro. Hindi ito maaari, nguni't ano naman ang pwede kong gawin? Ano ang aking magagawa? Kung totoo mang ngayon nila ito gagawin, makakayanan kaya ito ng katawan ni Kate? Mabuti sana kung oo at nang matapos na rin ang kaniyang paghihirap. Siguro naman ay sinabihan na ni Nemi ang kaniyang ama na iurong ang parusang kamatayan kay Kate. Nang sa ganun ay makalaya na siya ng tuluyan matapos ang seremonyang ito. 

Halos tatlumpong minuto rin naming nilakad ang patungo sa sagradong hardin na kaniyang sinasabi. Sa aming pagmamadali at pagkabahala ay tila nakalimutan na naming gamitin ang aming tilemetafora.

Naririto na nga ang lahat nang kami ay makarating. Maging ang hari at reyna ay nandito na rin katabi sina Nemi at Alex. Ang mga heneral ay narito rin kasama ang iilan lamang sa kanilang mga kawal na nakapwesto sa paligid.

Pumuwesto na rin kami ni Alex malapit sa aming mga kasamahan. Walang mauupuan dito maliban na lamang sa hari at reyna. 

"Ilabas ang bihag!", sigaw ng isa sa mga megalon na ngayon ay suot ang kakaibang kasuotan na tila yari sa mga tuyong halaman at sa kanilang ulo ay nakapatong ang manipis na telang itim na tumatabon sa kanilang mukha.

Mula sa isang tabi ay lumabas si Kate akay-akay ng dalawang kawal. Tila lumakas ang pintig ng aking dibdib nang makita ang kaniyang kalagayan. Nananamlay ang kaniyang katawan at kahit na may nakapiring na telang puti sa kaniyang mga matang wala ng laman ay nakikita ko pa rin ang taglay na kalungkutan ng kaniyang buong mukha.

Napabuntong-hininga na lamang ako sabay kuyom ng aking mga kamao.

Sa gitna ng pabilog na tila maliit na entablado sa harap ng rebulto ni Thea Althea ay may isang poste na alam kong isinadya nilang itirik para sa araw na ito. Itinali nila ang mga kamay ni Kate sa poste sa may itaas ng kaniyang ulo, gayun din ang kaniyang mga paa. At dahil nasa pinakaharap ako ngayon ay kitang-kita ko ang paghugot niya ng buntong-hininga. 

MAGEIA Unang Yugto: Ang Nakatagong AlamatTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon