(Ang kambal po yang nasa pic, just imagine na naka half-mask sila. Pictures are not mine. Credits to the owner.)
Blaze's POV:
Nakapasok kami sa gitna ng mga nagkukumpulan at dito namin nakita na mayroon palang entablado dito, di naman siya gaanong kalakihan, sakto lang rin kung may sampung katao na magsasayaw.
Sa nasabing entablado ay nakaupo ang isang lalaki na may mahabang tuwid na buhok sa may tabi kaharap ang kaniyang santouri (zither). Sa may gitna naman ay nakatayo ang isang babae na may hawak na flaouto (flute). Parehas na kulay kayumanggi ang kanilang mga instrumento at kung tingnan mo ito gamit ang normal na mga mata ay parang ordinaryo lamang, nguni't ramdam namin mula dito ang itim na enerhiyang ipinapalabas nito.
Tiyak kong galing sa kanilang mga instrumento ang enerhiyang ito.
Rinig kong sambit ni Dark sa aking isipan. Kaya kasi naming mga dugong-bughaw ang gumamit ng tilepatheia (telepathy) kung kaya't sa aming isipan lamang kami nag-uusap ngayon nang sa ganun ay walang ibang makakarinig.
Ganundin sakin. Hindi naman sila ganun talaga kalakas pero hindi rin dapat maliitin.
Sambit naman ni Jake na sinang-ayunan rin ng iba. Napatango na lang din ako habang nanunuod sa dalawang nagbubulungan ngayon sa may entablado.
Magmatyag tayong maigi. Wag kayong pakampante. May di magandang pakiramdam ako ukol dito. Saad ko naman sa kanila na agad din naman nilang sinunod. Kani-kaniya kami ngayon ng pwesto para magmasid sa paligid.
Nasa entablado pa rin ang aking paningin nang bigla ay may umakbay sa akin. Paglingon ko ay mukha ng aking kapatid na si Leah ang aking nabungaran. Oo, tama kayo ng rinig. Si Leah Abigail Gennaios ay aking kapatid, pero hindi ito alam ng karamihan. Tanging kaharian namin at piling mga kyrios lamang ng akademya ang nakakaalam na kami ay magkapatid.
Tumango na lang ako sa kaniya bilang pagbati na sinuklian naman niya ng ngiti. Nang ibaling ko naman ang aking paningin sa pwesto ng aking mga kasama ay naroon na rin ang kani-kanilang mga kapatid. Si Lyn Anastacia Ignosi na kapatid ni Calyx, si Arianna Claudette Katharos na kapatid ni Rain, si Elle Cassandra Afthonia na kapatid ni Xavier, si Celena Jane Elpida na kapatid ni Jake, at si Aya Charissa Alitheia na kapatid ni Dark.
Magkaka-edad lang din ang mga babaeng ito kaya nagkakaisa din ang takbo ng mga utak nila. Kita ko pa nga ang pakikipag-asaran nila sa isa't isa pero dagli naman itong napatigil nang mapadakong muli ang kanilang paningin sa entablado. Napatingin din tuloy ako dito.
Tapos na pala ang dalawa sa kung anumang kanilang pinag-uusapan. Ngayo'y nakatayo ng muli sa gitna ang babae. Halos kaedad lang naman namin sila o matanda lang siguro ng mga isa o dalawang taon. Parehas silang nakasuot ng maskara kung saan bibig lang nila ang kita. Naging alisto naman kami sa kung ano man ang kanilang gagawin ngayon.
"Kami ang tinaguriang kambal ng musika o mas kilala niyo bilang didymi mousiki ." pasiunang salita ng babae na naging sanhi ng kaliwa't kanang bulungan.
Narinig ko na ang kanilang pangalan noon pa. Isa sila sa mga pinangingilagang magos ng hilagang kabundukan.
Sambit ni Dark sa aming isipan na alam kong dinig din ng aming mga kapatid dahil sila ay napatango. Narinig ko na rin noon pa ang kanilang pangalan nguni't hindi ang kung ano ang kaya nilang gawin. Ito pa ang una kung sakali.
"Batid niyo naman siguro na kami ay mahilig maglakbay at magbigay aliw sa kung saan mang bayan na aming aabutin. At dahil narito kami ngayon sa inyong lugar ay bibigyan namin kayo ng munting kasiyahan."
BINABASA MO ANG
MAGEIA Unang Yugto: Ang Nakatagong Alamat
FantasyDalawang magkaparehong pangalan. Magkaibang pagkatao. May nagpakatotoo at may nagkukunwari. Kabutihang sinuklian ng kalupitan. Kalupitang naging sanhi ng pagbabago. At pagbabagong kokontrol sa kapalaran. _______________________ Sa mundo ng Mageia, m...