Kate's POV:
Nagising ang aking diwa nang masamyo ko ang presko at malamig na hangin. Agad kong binuksan ang aking mga mata at kumurap-kurap saka bumangon. Wala sa sariling nilibot ko ng tingin ang silid na aking kinaroroonan at nang makilala ko kung nasaan ako ngayon ay dali akong pumanaog ng higaan at tinungo ang malaking pintuang nakasarado.
Paglabas ko ng silid ay tinahak ko ang pasilyo palabas at dinala ako ng aking mga paa sa isang hardin. Hindi gaanong mainit ang sikat ng araw kung kaya't di siya masakit sa balat. May naririnig akong nag-uusap sa gawing unahan kaya't tinungo ko agad ang direksiyon nito.
Kumunot ang aking noo nang makita ko ang mga diwatang nakapalibot sa isang mesang bato at tila may sinusuri.
"Anong meron?", tanong ko pagkalapit. Agad naman silang napatingin sa akin at binigyan ako ng daan upang makita ko kung ano ang kanilang tinitingnan.
"Ba't nandito 'to?", gulat kong tanong nang makita ko ang aking plawtang nakalutang sa ibabaw ng bato na tila di mapakali at pilit kumakawala sa nakapalibot ditong liwanag.
"Hawak mo iyan kanina nang makita ka naming nakahandusay diyan sa damuhan. Kinuha ni Aeolus upang subukang tugtugin matapos ka niyang maihatid sa iyong silid. Nguni't bigla na lamang itong tila nagwawala sa ere at kung anu-ano na ang nahagip kaya't ikinulong ko riyan.", wika ni ate Aether habang pinaglalaruan ang kaniyang buhok.
"Kate, handa ka na ba?", tanong naman ni ate Vesta sabay hawak sa aking balikat.
"Handa saan?", nalilito kong tanong.
"Nakuha mo na ang lahat ng xorki, maliban sa isang ito. Handa ka na bang maging kaisa ng kabuuang xorki?", si kuya Aeolus ang sumagot sa akin.
Saglit akong natahimik. Hindi ko alam ang aking isasagot, ni hindi ko alam kung ano ang aking nararamdaman sa pagkakataong ito. Handa na nga ba ako?
"Ano ba'ng maaaring mangyari sa akin pagkatapos nito?", tanong ko sa mahinang tinig.
"Sa tulong ng kumpletong xorki ay maaaring malaman mo ang katotohanan sa iyong pagkatao at kung ano ang responsibilidad na iyong gagampanan sa mga nangyayari ngayon dito sa mundo ng Mageia.", muling wika ni ate Vesta.
Tahimik akong napaupo sa upuang bato na malapit lang din sa mesa saka napabuntong-hininga.
"Ano ba kasing meron sa pagkatao ko? Ano pa bang kailangan kong malaman? Makilala ko na ba kung sino ang aking mga magulang?"
Hindi naman sila umimik agad. Tila ba hindi mahanap ang tamang mga katagang pampalubag-loob.
"Huwag ka nang mag-isip ng kung anu-ano. Sa gustuhin mo ma't sa hindi, kailangan mo itong harapin. At isa pa, nandito lang din naman kami nakahandang umalalay lagi sa'yo.", nakasimangot na saad ni Mars.
"Himala. Ang taas yata ng linya mo ngayon ah.", biro ni ate Aether kay ibon na di naman pinansin ng huli.
"Huwag mo ng asarin si Mars. Minsan lang nga yan magsalita ng may laman eh.", wika naman ni ate Neptuna.
Napatitig tuloy ako kay Mars at wala sa sariling napangiti. Tama nga naman siya. Kung ito man ang nakatakda sa akin ay wala akong ibang magagawa kundi ang harapin ang kung anumang darating. Kailangan ko lamang maging matatag at nandiyan naman sila lagi sa aking likuran.
"Handa na ako.", wika ko na nagpangiti sa kanila.
"Ano bang gagawin ko? Kakausapin ko ba iyong mahiwagang boses na meron sa plawtang iyan? Paano ko siyang tatawagin?"
BINABASA MO ANG
MAGEIA Unang Yugto: Ang Nakatagong Alamat
FantasyDalawang magkaparehong pangalan. Magkaibang pagkatao. May nagpakatotoo at may nagkukunwari. Kabutihang sinuklian ng kalupitan. Kalupitang naging sanhi ng pagbabago. At pagbabagong kokontrol sa kapalaran. _______________________ Sa mundo ng Mageia, m...