Mageia XCI: Platforma Ouranou Kai Gis

62 7 2
                                    

Kate's POV:

Lumipas ang buong maghapon hanggang sa gumabi na lamang nguni't wala na akong naririnig na balita mula sa labas. Ni walang nag-abalang dumalaw sa akin dito sa kulungan mula nung ibalik ako ng mga kawal. Pati si Jude ay di na rin nakadalaw, ibang utusan na kasi ang naghatid sa akin ng pagkain. Siguro ay nahihirapan ring magtago ang isang iyon. Ano nga kayang ginagawa ng lalaking iyon dito? Hindi naman siguro siya sumunod sa akin, diba?

Pati sina Leah ay di man lang ako kinumusta. Siguro nga ay tama ang aking hinala na tuluyan na nila akong itinakwil bilang kanilang kaibigan. Sabagay, hindi ko rin naman sila masisisi kung ganun dahil totoo namang naglihim ako sa kanila. Pero kahit na siguro, pwede naman nila akong tanungin ng masinsinan diba? Wala na ba talaga silang tiwala sa akin?

Muli akong napabuntong-hininga. Di ako sigurado kung anong oras na ngayon nguni't tiyak kong malapit ng mag-umaga. Di man lang ako dinalaw ng antok. Pagod ang aking katawan nguni't kahit anong pilit ko ay di ko magawang makatulog. Di mawala sa aking isipan ang maaaring mangyari sa akin kinaumagahan. 

Ano kayang meron dun sa platformang sinasabi nila?

Di ko alam kung ano ang lugar na iyon subalit sa binanggit nilang kidlat, tiyak kong hindi magiging madali para sa akin ang kung anumang meron sa lugar na kanilang pagdadalhan sa akin sa darating na umaga.

Sumagi din sa aking isipan si Blaze. Di ko akalaing ipagtanggol niya pa rin ako kahit na nasa harapan kami ng hari. Ano kayang nakain ng lalaking iyon? Hindi ko talaga matantiya ang bawat kilos ni yelong apoy. Pero sana lang ay hindi mamasamain ng hari ang kaniyang iniasal. Ayokong mandamay ng iba sa kamalasang dinaranas ko ngayon. Hindi ko alam kung parte pa ba ito ng aking kapalaran o kung ano. Basta ang alam ko, kailangan kong malagpasan ang lahat ng ito. 

Sa tulong ng isang maliit na bintana sa silid na aking kinaroroonan ay unti-unti kong nasaksihan ang pagliwanag ng kalangitan hudyat na umaga na. Panibagong umaga nguni't alam kong masama ang dala nitong balita para sa akin. 

Muli akong napabuntong-hininga saka inamoy ang aking sarili. May maliit na banyo naman kasi dito sa silid ko kung saan ako pwedeng maligo. Buti nga at meron nito dahil baka mangangamoy ako kung wala. Alam kong kaparusahan ang naghihintay sa akin ngayon pero ayoko namang pabayaang madungis ang aking sarili. Binigyan din naman ako ng mga kawal ng iilang damit na angkop sa mga bihag. Kulay mapusyaw na abo na parang roba na may katerno ring kulay abong tila jogger. Ang kapares nitong sandalyas ay manipis na kailangang itali sa binti. Itinali ko na rin pati ang aking mataas ng buhok upang di sagabal sa aking pagkilos.

Muli akong napatingin sa maliit na bintana. Hindi pa ako handa sa kung anumang haharapin ko nguni't wala akong magagawa. Mangyari na ang maaaring mangyari. Sana lang ay gabayan ako ni bathala.

Speaking of, nasaan na kaya ang mga dyosa kong ate at kuya? Hindi man lang yata sila nagparamdam ngayong nasa kapahamakan ako. At sina Artemis at Azul, nasaan kaya ang dalawang iyon? Baka sumakit na ang ulo ng mga iyon kakahanap sa akin. 

Hayzt. Kung anu-ano at sinu-sino na lamang ang aking naiisip. Mas mabuti pa sigurong sarili ko na muna ang aking alalahanin sa ngayon. Kaso, di ko naman alam kung ano ba ang maaari kong gawin. Hindi naman pwedeng aminin ko sa harapan nilang lahat na nasa akin ang mga xorki at nasa aking katawan nakahimlay ang babaeng isinumpa. Dahil para ko na ring hinihingi ang sarili kong katapusan kapag ganun. 

Nalilito na ako. Wala na sa tamang huwesyo ang aking isipan. Dagdagan pang wala akong tulog. Hayzt.



Chris' POV:

Kanina pa akong nakaluhod sa harapan ng silid ng amang hari at inang reyna nguni't hanggang ngayon ay di man lang nila ako pinapasok. Kanina ay lumabas pa si ina upang harapin ako ngunit di na siya muling nakalabas pa matapos niyang puntahan si ama upang subukang kausapin.

MAGEIA Unang Yugto: Ang Nakatagong AlamatTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon