Kate's POV:
May isang oras na rin kaming naglalakad dito sa gitna ng tahimik na lambak. Tanging liwanag ng buwan at ilaw ng mga alitaptap ang nagsisilbi naming gabay sa pagtahak sa tamang daan. Sobrang tahimik rin ng paligid, tanging ihip ng hangin at yapak ng aming mga kabayo lamang ang maririnig. Wala rin kasing gaanong kabahayan dito at medyo palalim na rin ang gabi.
Matagumpay naming nalagpasan iyong ilog na may lason kanina sa tulong na rin ni Chris. Kanina ko pa nga lang nalaman na ang kapangyarihan pala niya ay nagmula sa buwan. At dahil bilog na bilog ang buwan ngayong gabing ito ay nakaya niya kaming palutangin lahat, maliban kay Calyx na pinalutang ang sarili niya, kasama ng mga kabayo patawid sa kabilang bahagi ng ilog. At namangha ako sa pagliwanag ng puti ng kaniyang mga mata nang ginamit niya ang kaniyang kapangyarihan kanina.
Naputol bigla ang paglalakbay ng aking isipan nang biglang humikab ng malakas itong si Calyx na nasa aking gawing kanan. Inaantok na yata ang isang ito. Napalingon naman ako sa iba ko pang kasamahan at kita kong medyo inaantok na nga yata ang karamihan.
"Huwag kang matulog basta at baka mahulog ka.", tinig ni Chris.
Napalingon naman ako sa aking kaliwa. Nasa likuran ni Chris si Nemi at inaantok na din, kaya siguro pinagsabihan. Buti na lang at di na si Blaze ang sinabayan ng babaeng ito.
"Ikaw, Kate? Ayos ka lang ba? Hindi ka pa ba inaantok?", tinig ni Calyx.
Muli akong napalingon sa kaniya saka bahagyang ngumiti.
"Kaya pa naman.", tanging sagot ko. Wala rin naman kasing magbabago kung sasabihin kong antok na din ako. Di naman ako pwedeng matulog dito.
"Isang oras mahigit na lamang at darating na tayo. Ano nga kayang nangyayari doon ano?"
Di ko din naman alam ang isasagot ko kaya't tanging pagkibit ng balikat ang aking itinugon. Hindi naman na siya muling nagsalita pa kaya't itinunon ko na lang din ang aking paningin sa daan. Katamtaman lamang ang aming takbo ngayon para na rin di gaanong makakabulabog sa paligid. Baka kasi may kung ano pang magising dito, mahirap na.
Bigla na lamang huminto si Elle kaya't napatigil na rin kami. Nasa unahan kasi siya kasabay ni Alex at nung dalawang kaibigang kawal nina Calyx.
"Anong meron, Elle?", tanong ni Calyx. Inilibot ko naman agad ang aking paningin para magmatyag.
"Ang bahaging ito ay nasasakupan na ng kahariang Gi. Nguni't ang mga naninirahan dito ay matagal ng nagsilipatan dahil pinamumugaran na rin ito ng mga kleftis."
(Translation: Kawatan)
"Hindi ba tayo delikado dito?", nag-aalalang tanong ni Cha na nasa aking likuran.
"Maging normal lang tayo sa ating kilos. Ang alam ko ay hindi naman sila gaanong nangingialam sa mga manlalakbay na dumadaan dito lalo na kung wala silang makitang kapaki-pakinabang. At kapag gabi din kasi ay iilan lang ang maiiwan sa kanilang kuta. Gumagala sa kung saan-saan ang karamihan sa kanila."
Natahimik naman ang lahat matapos itong marinig kay Elle. Maging ako ay nakikiramdam na lamang sa paligid. Wala naman kasi akong masabi. Si Chris naman ay daling pinaglaho ang mga alitaptap na nakagabay sa amin.
"Mga dalawang kilometro na lamang at papasok na rin tayo sa silangang tarangkahan ng kahariang Gi. At mula doon ay isang oras papuntang palasyo."
Matapos ito ay muli na silang lumakad kaya't sumunod na rin kami. Muli ay katamtaman lamang ang aming takbo at sinikap naming huwag maging maingay upang di kami gaanong makatawag ng pansin.
Pigil hininga kaming lahat habang panay ang bantay sa paligid.
Sa awa ni bathala ay naging maayos naman ang lahat hanggang sa marating namin ang dulong bahagi ng kanilang pinagkukutaan. Lahat tuloy kami ay nakahinga ng maluwag. Aaminin ko na medyo kinabahan din ako doon. Gabing-gabi na din kasi at halos lahat kami ay ramdam na ang lamig at pagod kaya't kung may nangyari mang labanan kanina ay tiyak agrabyado kami.
BINABASA MO ANG
MAGEIA Unang Yugto: Ang Nakatagong Alamat
FantasyDalawang magkaparehong pangalan. Magkaibang pagkatao. May nagpakatotoo at may nagkukunwari. Kabutihang sinuklian ng kalupitan. Kalupitang naging sanhi ng pagbabago. At pagbabagong kokontrol sa kapalaran. _______________________ Sa mundo ng Mageia, m...