Katulad ng sinabi ni Thauce ay inilipat kaagad si Seya sa hospital ng kapatid niya dito sa Martini's Hospital. Namangha ako sa laki at ganda ng ospital. Hindi talaga basta mayaman ang pamilya nila Thauce.
Napakayaman ng mga ito.
"Are you the relative of Seya?" tanong sa akin ng doktor.
"O-Opo, ate niya po ako, doc."
Nakiusap ako kay Thauce na baka maaaring patapusin muna ang operasyon ni Seya at masiguro ko na ligtas ang kapatid ko bago ang bakasyon. Sa Palawan nila napagdesisyunang magkakaibigan na pumunta at magsaya. Nalaman ko naman kay Errol na ang pamilya ni Lianna ang may-ari ng resthouse na tutuluyan namin.
Nalulula ako sa kanila. Ang taas-taas nila.
Sinabi sa akin ng doktor kung kailan ang schedule ng opera ni Seya. Matinding kaba ang naramdaman ko pagkabanggit pa lang niya sa salitang 'operation' napakabata pa ng kapatid ko para pagdaanan ang ganitong pagsubok sa buhay.
Nakatingin lang ako sa doktor habang sinasabi sa akin ang mga dapat kong malaman bago ang operasyon.
"Maraming salamat po, dok," sagot ko at yumuko sa doktor nang masabi na niya sa akin ang mga dapat at hindi dapat gawin.
Pumasok ako sa silid ni Seya. Napakaluwang, ang loob ay may flatscreen tv pa, sa gilid ay may nakahiwalay na higaan, na sa tingin ko ay para sa magbabantay. Mayroon din mahabang sofa na para sa mga bisita. May drawer na lagayan ng mga damit, lamesa sa gilid at mayroong ref.
Napakaganda ng silid na ito.
"Ate! ang ganda naman dito sa bagong ospital! mayroon pang tv, oh! maaari kaya akong manood?" tanong ni Seya sa akin.
Nilapitan ko siya, hindi ko maiwasan na hindi mapangiti. Na-miss ko ang pagiging masigla niya. Nitong mga nakaraang araw kasi ay matamlay siya at hindi nakakain ng maayos.
"Sa tingin ko ay puwede naman, Seya, ang kaso lang ay hindi ko alam kung paano iyan buksan. Kapag may pumasok na nurse mamaya makikisuyo ako, ha?"
Tumango siya sa akin at nang makita ko na mahihiga siya ay kaagad akong umalalay.
"Ate, tingin mo, gagaling pa kaya ako?"
Natigilan ako sa tanong niya sa akin. Nakatingin ang inosente niyang mga mata, matalino ang kapatid ko, alam niya na ang sakit niya ay delikado at nakamamatay. Sa tingin ko ay kinakabahan siya.
Inilayo ni Seya ang tingin sa akin nang hindi ako nakasagot.
"Kasi, sayang naman iyong isang taon na lang makakatapos na ako. Pangarap natin iyong dalawa, hindi ba?" tanong niya at muli akong tiningnan.
Nanginig ang mga labi ko. Hindi ko gusto kung saan tutungo ang mga sinasabi niya. Ayokong mangyari iyon. Sa akin, sa isip ko, gagaling siya. Naniniwala ako doon.
"Seya..."
"Stage 3 cancer, ate, mabilis kumalat ang cancer cells at kapag hindi naagapan ay lumalala at maaaring mauwi sa kamatayan. Kahit papaano ate ay nakapag-research naman ako sa sakit ko. Kaya, ate..."
"H-Hmmm?" tanong ko, hindi ko inaalis ang tingin ko sa kaniya.
Napakabigat sa dibdib marinig na kay Seya mismo nanggagaling ang ganitong mga salita. Iniiwas ko ang tingin ko sa kaniya nang lumabo ang aking tingin dahil sa luha. Pinipigilan ko na hindi maiyak sa harapan niya kasi kailangan kong maging matatag para sa aming dalawa pero napakahirap.
Hindi ko alam kung ano ang dapat kong gawin para maalis ang takot sa isip ni Seya.
Kasi ako mismo... takot na takot.
BINABASA MO ANG
Three Month Agreement (SELF-PUBLISHED)
RomanceDalawa ang mahalaga sa buhay ni Zehra. Ang kapatid niya at pera. Simula pagkabata ay namulat sya sa hirap ng buhay. Kinailangang kumayod para makakain. Masipag siya, matiyaga at lahat ay papasukin niya para lamang sa minamahal na kapatid. Kaya't na...