Hindi na naging mahaba pa ang tulog ko dahil alas tres ay umuwi na rin muna si Errol at Lianna. Wala na sila talagang balak umalis ngunit pansin na pansin ko na rin ang pagod sa kanilang mga mukha kaya nagpumilit na ako. Nang sabihin sa akin ni Lianna na maaga na lang rin silang babalik ay um-oo ako para wala nang pilitan pa na mangyari.
Ngayon ay nag-aayos ako ng mga gamit sa loob ng silid ni Seya. Alas sais na ng umaga at tulog pa rin ang kapatid ko. Napangiti ako. Mainam ito dahil kaninang madaling araw ay gising pa siya at hinihintay ang paggising ko.
Ang sabi ay maaga daw darating ang doktor na titingin kay Seya. Si Thauce kaya 'yon?
P-Pero ang sabi ni Lianna kagabi ay hindi tama ang ginawa ni Thauce, hindi siya doktor dito sa ospital kaya siguro ay iba ang darating upang tingnan ang kalagayan ni Seya. Baka iyong si Dr. Alvaro o hindi kaya ay ang kapatid niyang is Dr. Ariq.
"Ate..."
Nang marinig ko ang boses ni Seya ay napalingon akong kaagad. Ibinaba ko ang damit na hawak ko at lumapit ako sa kaniya.
"Magandang umaga, Seya, maayos ba ang naging tulog mo?" hindi ko inalis ang ngiti sa aking mga labi. Sinabi na ito sa akin ni Lianna, dapat kapag kaharap ko si Seya ay palagi akong nakangiti para mahawa ko ito. Mas mapapabilis ang paggaling ni Seya sa ganitong paraan.
"Mas maganda ka pa sa umaga, ate ko! anong oras na, ate?" tanong niya sa akin.
"Alas sais na, Seya, mamaya siguro ay nandito na ang doktor mo. Maaga pa naman. Puwede ka pa ngang matulog."
"Naku, ayoko nang matulog, ate, baka naman kung anong oras na ako magising at maabutan ako ng doktor na tulog. Nakakahiya 'yon, ate!"
Habang nakatingin ako kay Seya ay nanikip ang aking dibdib. Inilayo ko sandali ang aking tingin at pinigilan ang pag-iyak. Nang masiguro ko na ayos na ang aking pakiramdam ay tumango ako kay Seya na patuloy lamang sa pagsasalita.
Kailan lang ang mga luha ko ay walang tigil sa pagtulo dahil sa takot na baka bawiin na siya sa akin ng Diyos. Baka makasama na niya ang aming mga magulang pero ito at at ang luha ko ay dahil na sa ligaya habang nakatingin kay Seya.
Masiglang-masigla siya. Nakakatuwa.
"Ate! uy! hindi ka na nagsalita! ikaw ate, inaantok ka pa, 'no? tulog ka muna ulit, ako naman ang magbabantay sa 'yo," sabi niya.
Napangiti ako at napailing, "Ikaw ang pasyente tapos ako ang babantayan mo? hay naku, Seya, nagiging makulit ka na, ha?"
Tumayo ako at kumuha ng tubig.
"Aba, wala naman rule dito sa ospital na bawal magbantay ang pasyente ng mga nagbabantay sa kanila, ate! okay na okay lang 'yon! gusto mo dito ka sa tabi ng higaan ko, eh?"
Nang bumalik ako sa kaniya ay inabutan ko siya ng tubig. Sumipsip si Seya sa straw at nagpatuloy pa rin sa pagsasalita. Kinamusta niya sa akin sila Lea, ang aming bahay, sinabi pa na nami-miss na raw niya kumain ng kwekwek, fishball, mga inihaw ni Aling Siona sa baryo namin.
Natutuwa ako na ganito siya kaaktibo at kadaldal ngayong umaga. May pawasiwas pa ng kaniyang kamay! ako naman ay kinabahan na bigla.
"Baka dumugo ang opera mo, Seya, huwag kang masyadong maggagalaw," suway ko sa kaniya.
Tuwang-tuwa naman siya! hindi ko na rin tuloy mapigilan ang pagtawa dahil sa mga kalokohan niya.
"Ate, hanggang kailan kaya ako dito, 'no? hindi naman sa nagmamadali ako, pero iniisip ko lang ate malapit na akong magtapos, isang pangarap na natin dapat ang maiche-check sa listahan."
Hindi rin naman namin inaasahan ito.
"Ga-graduate na ang mga kaklase ko sa susunod na mga buwan, ate. Nakakalungkot rin, pero alam ko naman na mas may plano ang Diyos. Mas dapat akong magpasalamat kasi naging maayos ang operasyon ko."
"Oo naman, Seya! saka, hindi naman porke nahinto ka ay hindi ka na makakapagtapos, hindi ba? may pagkakataon pa rin. Sa ngayon, kailangan mo munang magpagaling. Iyong puwedeng-puwede ka nang pumasok ulit. Huwag mo munang intindihin ang pag-aaral mo dahil makakapaghintay naman iyon. Sa ngayon ay ang kalusugan mo muna ang unahin natin, ha?"
"Hindi ba at sabi nga sa bible verse Isaiah 60:22, 'When the time is right, I the Lord, will make it happen.' iyan ang pinanghahawakan palagi ni ate. May tamang panahon para sa atin na guminhawa tayo sa buhay at may tamang panahon rin para sa pag-aaral mo na makatapos ka, Seya, sa ngayon hindi na muna kasi mas dapat natin pagtuunan ng pansin ang kalusugan mo."
Malapad ang kaniyang pagngiti at sunod-sunod siyang tumango. Ako naman ay tumayo at inayos ang kurtina na nasa gilid upang lumiwanag.
Sumilay ang ngiti sa aking mga labi nang marinig ko ang huni ng mga ibon sa labas at ang tunog ng mga dahon. Naramdaman ko rin ang malamig na hangin sa aking balat nang buksan ko ang isang bintana.
"Pero ate, hindi ba at pangarap mo rin na makapag-aral? ate, kapag okay na ako at nakagraduate na ay ikaw naman, ha? nakikita ko kasi na gusto mo rin mag-aral. Hindi ba noon binabasa mo iyong mga libro ko. Saka matalino ka, ate! ang talino mo kaya! valedictorian ka nung elementary, 'di ba?! naku, ate tiyak na kapag nagtake ka ng ALS pasado ka dun!"
"ALS?" tanong ko habang binubuksan ang ilan pang mga bintana. Mas mabuti ito. Sariwang hangin ang makakapasok sa loob ng silid.
"Oo, ate! Alternative learning system! kuha ka kaya nun, ate! hala, bakit ngayon ko lang naalala ang tungkol dito?"
Elementary nga lang ang natapos ko at totoong gusto kong makapag-aral pero mas inuuna ko siya.
"Sige kapag--"
Hindi ko naituloy ang aking sasabihin nang biglang bumukas ang pinto kaya napatingin ako doon.
"Good morning, Seya!"
Napatayo ako ng tuwid. Ang aga naman ng doktor?! alas sais trenta pa lang ng umaga! hindi ba mga alas nuwebe o alas diyes? Pero napasadahan ko ito ng tingin mula ulo hanggang paa. Matangkad, maputi, maayos ang buhok at may suot itong salamin sa mga mata.
May itsura rin! halos lahat ata ng mga batang doktor dito ay magagandang lalake! pati kasi iyong si Dr. Alvaro!
"H-Hello po, Dok," sagot ng kapatid ko na mukhang nagulat pa. Nakita ko rin ang pag-ipit niya ng buhok sa kaniyang tainga.
Nang bumaling sa akin ang doctor ay ngumiti ito sa akin at kumindat.
Hala?
"Ikaw si Zehra? ang kapatid ni Seya, hindi ba?"
Naglakad ito palapit sa akin at inilahad ang kaniyang kamay. Alanganin pa akong kuhanin iyon kasi iniisip ko na baka marumi ang akin kaya ipinunas ko muna sa likod ng aking damit at saka ko siya kinamayan.
"Opo, a-ako po. Ako po si Zehra."
Nang magdaop ang aming palad ay naramdaman ko ang mahigpit niyang paghawak doon. Ang lambot ng kamay! nahiya ako!
"I'm Dr. Waxen Ariq Cervelli ako ang doctor ni Seya. It's nice to finally meet the wonder sister."
Napaawang ang aking mga labi sa narinig kong sinabi niya. W-Wonder sister?
Nang bitawan niya ang aking kamay ay saka ko lang naalala ang binanggit niyang pangalan.
Dr. Waxen Ariq Cervelli...
Cervelli.
Cervelli! siya iyong kapatid ni Thauce! siya ang may-ari nitong ospital!
BINABASA MO ANG
Three Month Agreement (SELF-PUBLISHED)
RomantizmDalawa ang mahalaga sa buhay ni Zehra. Ang kapatid niya at pera. Simula pagkabata ay namulat sya sa hirap ng buhay. Kinailangang kumayod para makakain. Masipag siya, matiyaga at lahat ay papasukin niya para lamang sa minamahal na kapatid. Kaya't na...