Ang pakiramdam ko ay parang masusuka. Ilang beses ko na rin ikinuyom ang aking nanlalamig na mga kamay. Ang aking paghinga rin ay hindi normal at alam ko na dahil iyon sa kaba. Tinawagan ko si Thauce para muli siyang kausapin pero hindi naman siya sumasagot, ilang mensahe na rin ang ipinadala ko at kahit isang reply ay wala. Ngayon ay narito pa rin ako sa ospital at binabantayan si Seya. Napakain ko na siya, nakatulog na rin. Pasado alas diyes na ng gabi at hinihintay ko pa rin ang sagot mula kay Thauce.Nais ko siyang makausap at hindi na ako makakapaghintay pa ng bukas. Alam ko na hindi magiging madali pero kailangan ko pa rin na subukan na mapapayag siya sa nais ko. Hinanda ko na ang sarili ko sa maaaring galit na matanggap ko sa kaniya.
Nakukunsensya ako sa usapan namin. Hindi ko pala kaya. Hindi ko kayang lokohin si Errol. Napakabuti niya sa akin--sa aming dalawa ni Seya. Nagpadalos-dalos ako sa desisyon ko dahil ang nasa isip ko ay ang kapakanan ng kapatid ko. Hindi ko na inisip ang mararamdaman ni Errol kung sakali na malaman niya ang tungkol sa tatlong buwan na usapan namin ni Thauce.
"Ate..."
Napatingin ako kay Seya nang tawagin niya ang pangalan ko. Tumayo ako at kaagad siyang nilapitan. Kalahati ng mga mata niya ang bukas, nakaangat ang isang kamay niya na parang nais niyang kumapit sa kung saan.
"Seya? bakit?" tanong ko.
"Ate... napaginipan ko sila nanay. Ang saya namin ate, kaso bakit wala ka?"
Natigilan ako sa sinabi niya. Nag-init kaagad ang sulok ng aking mga mata. Mahigpit kong hinawakan ang kamay ni Seya na nakaangat kanina. Napalunok ako at nilakasan ko ang aking loob bago magsalita.
"K-Kinamusta ka ba nila? baka naman kaya mo sila napanaginipan ay dahil na-mimiss ka na."
Tumingin siya sa akin at tipid na ngumiti. Humawak ang kamay niya sa akin at nang napansin ko na nais niyang bumangon ay kaagad ko siyang tinulungan.
Ang totoo, pagkatapos ko na marinig ang sinabi ni Seya ay gusto kong maiyak. Alam ko ang ibig sabihin non... ng panaginip niya at ayoko. Ayokong dumating sa punto na magkakasama na sila. Huwag naman po, hindi ko kaya.
Nay, tay, wala akong ibang kasama, pakiusap huwag ninyo munang kuhanin sa akin si Seya. Paano na ako dito kung wala si Seya? hindi ko po kakayanin. Tulungan ninyo po ako, gabayan ninyo kami.
"Pero bakit wala ka doon, ate? h-hindi ka ba nila na-miss? paborito ka ng nanay, eh, ikaw ang palaging bukambibig noong mga bata pa tayo. Sigurado ako na nami-miss ka rin nila. Nalungkot nga ako, bakit kako wala ka, hinanap kita, pumasok ako sa magandang bahay pero wala ka naman. Kahit saan ay hindi kita makita sa panaginip ko. Pero alam mo, ate?"
Ngumiti ako ng tipid at tumaas ng sabay ang mga kilay ko sa kaniya. Hinawakan ko ang kaniyang kanang kamay at dinala ko iyon sa pisngi ko. Pigil na pigil ko ang pag-iyak habang nakatingin kay Seya. Mahina ang boses niya habang nagsasalita, mabibigat ang paghinga, pero pinipilit niyang tapusin ang sinasabi niya.
"Maganda doon sa lugar kung nasaan kami nila nanay at tatay. Maraming mga bulaklak, malamig ang simoy ng hangin, maraming mga ibon ang lumilipad at iyong bahay ay hindi katulad ng bahay natin dati. Hindi dikit-dikit at gawa sa kahoy, maganda talaga ate... parang ang yaman-yaman natin doon. Masaya sana lalo kung nandoon ka, kaso kami lang, ate."
Nakagat ko ang loob ng aking pisngi nang manikip ang dibdib ko sa narinig kay Seya. Ngayon natatakot ako na mawala sa tabi niya habang natutulog siya. Natatakot ako na baka pagbalik ko... b-baka pagbalik ko wala na 'yong kapatid ko.
"Baka kasi may ginagawa lang ako non? huwag mo nang masyadong isipin, ha?"
Tumango si Seya at nang muli niyang ipikit ang mga mata niya ay saka nahulog ang mga luha na kanina ko pa pinipigilan.
BINABASA MO ANG
Three Month Agreement (SELF-PUBLISHED)
RomanceDalawa ang mahalaga sa buhay ni Zehra. Ang kapatid niya at pera. Simula pagkabata ay namulat sya sa hirap ng buhay. Kinailangang kumayod para makakain. Masipag siya, matiyaga at lahat ay papasukin niya para lamang sa minamahal na kapatid. Kaya't na...