Inabala ko ang aking sarili sa utos ni Thauce na ipagluto ko siya. Hindi na rin naman siya bumaba pa para tingnan ako at ipinagpapasalamat ko iyon dahil ang presensiya niya kahit nasa malayo ay nakakagulo sa isipan ko.
Paano kaya ako makakatagal dito sa bahay niya? kahit na nagtatrabaho siya umaga hanggang hapon, sa gabi ay maaari pa rin kaming magkita.
Paano ko siya maiiwasan?
Pagkaluto ng sinigang ay kumatok ako sa pinto ni Thauce. Sinabi ko sa kaniya na okay na ang ipinaluluto niya. Hindi naman sumagot at naisip ko na baka tulog. Tinungo ko ang aking silid at nakita na naroon na nga ang mga gamit ko. Maayos na nasa gilid. Iyon naman ang sunod kong inasikaso.
Baka bukas na rin ako makatawag kay Seya upang makamusta sila. Sabi naman ni Dr. Ariq ay magmemensahe siya sa akin kapag naroon na sila, ganoon rin ang ipinaalala ni Hermi. Panatag naman ako dahil mapagkakatiwalaan na mga tao ang kasama ng kapatid ko sa ibang bansa at ito ay para rin sa tuluyang paggaling niya.
Iniangat ko ang mga damit na sinabi ni Thauce na binili niya.
"Mukhang ang mamahal pa ng mga damit na ito. Kilalang brand ang mga ito at iba-iba pa."
Maayos ko ang mga iyon na itinupi, may mga hanger rin akong ginamit para sa mga dress. Nang magandahan ko ang isa na kulay baby blue ay isinukat ko. Puff dress iyon, cute sa tingin ko, siya rin kaya ang namili? Hmmm.
Ito iyong mga kasuotan na nakikita ko lamang sa internet. Hindi ako bumibili dahil wala naman akong lakas ng loob magsuot ng ganito at hindi ko alam kung para saan ko susuotin dahil isa akong tindera noon sa palengke.
Pagkahubad ko ng mga isinukat na damit ay natuon ang pansin ko sa ibaba ng closet. Nang buksan ko ay mga sapatos. May flats, heels, may sneakers rin. Wala ang mga ito sa maleta at wala rin sa mga paper bags. Si Thauce rin ba ang bumili ng mga ito?
Kinuha ko at isa-isang isinukat. Nakakagulat na ang lahat ay kasyang-kasya sa akin.
Pati size ng paa ko ay alam niya. Hindi naman niya nahawakan ang paa ko.
Alas otso na ng gabi nang makatapos ako sa pag-aayos ng aking mga gamit. Nag-inat ako at nagpahinga. Nang makaramdam ako ng gutom ay bumaba ako at tinungo ang kusina. Pagtingin ko sa iniluto ko na sinigang ay napangiti ako dahil may bawas na iyon. May bawas na rin ang kanin at halos mapangalahati.
Kumuha ako ng aking pagkain. Nang makayari ay hinugasan ko ang aking mga pinaggamitan. Isinalin ko sa tupperware ang sinigang at inilagay iyon sa loob ng ref. Mukhang nakakain naman na si Thauce. Kung gusto niya ulit ay pwede ko naman itong iinit.
Pagkabalik ko sa aking silid ay naligo ako sandali. Kahit sa loob ng banyo ay maraming mga panligo. May bodywash pa nga. Hindi naman ako gumagamit non dati kasi mahal. Okay na ako sa sabon na puti. Hindi naman uso sa aming mahihirap ang body wash body wash pero ginamit ko na rin.
Kung susuriin ang aking silid ay parang hindi biglaan ang desisyon ng pagtira ko dito dahil maayos at kumpleto sa mga gamit pangbabae. May vanity mirror pa at mga skincare na hindi naman ako gumagamit.
Napainat ako ng aking mga kamay. Kinuha ko ang lotion at naupo sa kama. Nagsimula akong maglagay sa aking binti at mga braso. Ang aking sandong puti ang isinuot ko at cotton short. Ayos na ako sa mga damit na ito kaysa doon sa mga binili ni Thauce.
Isa pa mas komportable ako dito.
Habang nagpapahid ako ng lotion ay napabaling ako sa aking kaliwa. Crema ang kulay ng makapal na kurtina sa gilid. Tumayo ako at lumapit doon. Nang igilid ko ang kurtina ay saka ko lang nalaman na may balcony pala ang kwarto na ito.
BINABASA MO ANG
Three Month Agreement (SELF-PUBLISHED)
RomanceDalawa ang mahalaga sa buhay ni Zehra. Ang kapatid niya at pera. Simula pagkabata ay namulat sya sa hirap ng buhay. Kinailangang kumayod para makakain. Masipag siya, matiyaga at lahat ay papasukin niya para lamang sa minamahal na kapatid. Kaya't na...