Zehra Clarabelle Mineses"Zehra..."
Unti-unti kong naidilat ang aking mga mata nang marinig ang boses ni Lianna. Naramdaman ko rin ang mahigpit na kapit sa aking kamay.
Ano ang nangyari?
Nakita ko si Lianna sa aking gilid, pati na si Errol na siyang may hawak sa akin. Nang dahan-dahan akong bumangon ay inalalayan niya ako at pumunta siya sa likuran ko. Kanina lang ay binabantayan ko si Seya. Hinihintay ko na makatulog siya. Iyon ang mga huling ala-ala ko.
"Si Seya..." sabi ko habang hawak ang aking ulo.
"Ayos lang siya, Zehra, nag-aalala siya sa 'yo. Siya ang tumawag sa amin dahil nga nawalan ka raw ng malay," lumingon si Lianna sa kinahihigaan ng kapatid ko. Napatingin ako doon at nakita ko ang malungkot na mukha ni Seya.
Kaagad akong napatayo.
"Ate..."
"Dahan-dahan lang, Zehra! ang baba ng dugo mo, matinding pagod na ang nararamdaman mo sa katawan mo kaya bumigay ka na naman kanina," sabi sa akin ni Lianna.
Inalalayan niya ako at lumapit kaming dalawa sa kama ng kapatid ko. Si Errol naman ay hinila ang upuan at pinaupo ako doon. Hindi ko alam... nawalan ako ng malay? maayos ang pakiramdam ko kanina at wala naman akong nararamdaman na kakaiba.
"Ate, magpahinga ka na muna. Ligtas na ako, ayos na ako, ate. B-Baka ikaw naman ang magkaroon ng malubhang sakit nito."
Nakita ko ang pag-aalala sa kaniyang mukha. Hinawakan ko ang kaniyang kamay ng mahigpit at umiling ako. Ngumiti ako sa kaniya para mawala na ang pag-aalala pero mas lalo ko lang nakita ang kalungkutan sa mukha ni Seya.
"Alam kong sobra ka nang napapagod, ate, mapahinga ka na muna. Okay na ako saka narito naman sila Ate Lianna para tulungan tayo. Hindi mo na rin ako dapat pang bantayan palagi dahil may private nurse na rin ako saka sabi ni Ate Lea ay dadalaw siya sa atin, 'di ba? ate..."
Nang abutin niya ang aking pisngi ay lumapit ako. Naupo ako sa gilid ng kaniyang kama.
"Ate, sobra-sobra na ang sakripisyo mo. H-Hindi na ako takot na may mangyari sa akin dahil sa sakit ko dahil matagumpay naman ang operasyon pero ang kinakatakutan ko naman ngayon ay baka i-ikaw naman ang magkasakit. Paano ako makakabawi sa 'yo? kaya pakiusap, ate, magpahinga ka na muna, ha? may mga magbabantay naman sa akin dito sa ospital."
"U-Umuwi ka muna sa bahay, magpahinga ka. Tatawag ako palagi pangako. Puwede mo rin akong dalawin dito sa ospital. Pero ang mahalaga sa akin ngayon ay makuha mo ang pahinga at makabawi ka ng lakas, ate."
Sa tingin ko ay hindi ko kayang malayo sa kaniya. Mas pipiliin ko pa rin na narito ako sa ospital at nakikita ko siya. Kahit naman ligtas na siya at naging matagumpay ang operasyon hindi pa rin ako mapapanatag hangga't hindi ko siya nakikita.
"H-Hindi, ayos lang ako dito, dito na lang ako magpapahinga."
Sumimangot sa akin si Seya at tumingin siya kay Lianna.
"Ate Lianna, makulit po talaga si ate, eh... sabi ko po sa inyo."
Nabasa ko ang aking mga labi at napayuko. Mukhang nag-usap na sila kanina nang wala akong malay. Napahinga ako ng malalim at mahigpit akong napakapit sa kumot ni Seya. Hindi ko kayang humiwalay sa kaniya. Pakiramdam ko ay aatakihin ako ng panaginip sa mga nangyari sa kaaniya. Natatakot ako, baka kapag iniwan ko siya dito ay may hindi na naman magandang mangyari.
"Zehra..."
Napalingon ako kay Lianna nang hawakan niya ako sa aking balikat. Ngumiti siya ng tipid at nakita ko ang awa sa kaniyang mga mata habang nakatingin sa akin.
BINABASA MO ANG
Three Month Agreement (SELF-PUBLISHED)
RomanceDalawa ang mahalaga sa buhay ni Zehra. Ang kapatid niya at pera. Simula pagkabata ay namulat sya sa hirap ng buhay. Kinailangang kumayod para makakain. Masipag siya, matiyaga at lahat ay papasukin niya para lamang sa minamahal na kapatid. Kaya't na...