Chapter 12

9.8K 166 0
                                    



Mataas ang pangarap ko noon para sa aking pamilya. Ako iyong bata na kahit maliit pa lang, ang nasa isip ay kaginhawahan na ng buhay. Nakita ko kasi ang hirap at sakripisyo ng aking mga magulang. Wala sa akin noon ang saya ng paglalaro kasama ang mga kaedaran ko, ang kaligayahan ko ay makapag-uwi ng pagkain para sa aking pamilya at matulungan si nanay at tatay. Galing naman ang pera sa pagtitinda ko ng puto sa bayan. Madalas kasi noon na paglakuin ako ng mga tindera sa palengke sa mga lugar para makaubos sila ng mga tindang pagkain.

Iyon ang pinagkakaabalahan ko noon pagkatapos sa skwela. Kilalang-kilala rin ako ng mga guro ko dahil bukod sa palagi akong nangunguna sa klase ay buong paaralan namin ang iniikot ko at binebentahan ng mga ni-repack na mani, butong pakwan, at beans na inaalok sa kanila.

Madalas kong marinig noon na yayaman daw ako. Maswerte ang aking mga magulang dahil giginhawa ang buhay namin kasi masipag daw ako, matiyaga at pagkatapos ay matalino pa. Nakapagtapos nga ako ng valedictorian noong elementarya. Tuwang-tuwa ang aking mga magulang, naiyak ako at mas lalo na sila dahil ang tagumpay ko sa bawat buhay ay kanila rin na tagumpay.

Sa murang edad ay namulat ang mga mata ko sa hirap ng katayuan namin sa buhay pero kahit kailan ay hindi sumagi sa isip ko na sumuko. Malaki ang pangarap ko sa aking pamilya at kailangan kong magsumikap.

Gusto ko na magkaroon ng maayos na bahay at gusto kong malagyan ng masasarap na pagkain ang aming lamesa. Sabi ko sa tatay magsisikap ako sa pag-aaral lalo, bibigyan ko siya ng pera pampagawa ng bahay. Sa tuwing umuulan kasi ng malakas ay nababasa kami at ang ibang mga gamit. Isa rin kasi siyang karpintero bukod sa pagiging magsasaka. Ang nais ng tatay noon ay siya ang gumawa ng bahay namin.

Ngunit dahil hindi sapat ang kaniyang kinikita at dahil ang nanay ay labandera sa bayan at maliit na halaga lang rin ang naiuuwi ay sabi ko maayos na kami sa pinagdikit-dikit na plywood galing sa pinagtatrabahuhan niya. Darating din naman ang panahon na magkakaroon kami ng maayos na bahay.

Masaya naman kami, simpleng nakatira sa tabi ng ilog. Ang aming pagkain ay hinuhuli ng tatay; mga isdang tilapia, tulya, hipon, tapos may tanim rin kaming mga gulay. Sa bigas nga lang talaga kinukulang dahil sa mahal ng presyo noon.

Nabuo ang pangarap ko dahil sa katayuan namin sa buhay. Hindi mayaman, hindi rin sakto lang, kung hindi talagang naghihirap. Naranasan namin kumain ng parang pagkain ng baboy noong walang-wala. Kitang-kita ko ang namumuong luha sa mga mata ng aking ama. Sobrang sakit. Kahit na bata pa lang ako noon ay naiintindihan ko na ang hirap ng sitwasyon namin.

Sabi ko sa sarili ko, lahat ng ito ay may hangganan. Ang paghihirap namin ay matutuldukan. Ang kailangan ko ay mag-aral ng mabuti, magsikap at tulungan ang aking mga magulang. Sila ang pinakarason kung bakit kailangan kong maging masipag sa pag-aaral dahil nais ko silang bigyan ng pagkakataon na maranasan ang masaganang buhay.

Pero ang lahat ng pangarap na binuo ko kasama ng aking mga magulang at ni Seya ay naglaho nang mamatay sila dahil sa bagyo. Nagkaroon ng landslide sa ilog kung saan naroon ang aming mga magulang upang bantayan ang aming bahay. Kami ni Seya ay nasa bayan at inihabilin sa isang kaibigan ng tatay.

Para akong nabingi nang marinig ko ang nangyari sa kanila. Hindi ko nagawang umiyak agad sa gulat, lumakad ako noon at naghukay dahil nagbabakasakali ako na buhay pa sila.

Bakit naman ganoon? bakit... ang salita na lumabas sa akin noon ay puro lang bakit.

Sa harapan ng puntod ng aming mga magulang ay ipinangako ko na hinding-hindi ko pababayaan si Seya. Sinabi ko na ang buhay ko ay ilalaan ko sa kaniya, kung ano ang hindi ko naibigay na pangarap sa mga magulang ko ay ibibigay ko kay Seya.

Three Month Agreement (SELF-PUBLISHED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon