"Ate, papasok na po ako."
Nilingon ko si Seya. Tumayo ako at iniwan sandali ang pagtatali ng mga gulay. Kumuha ako ng singkwenta sa bag ko na pang-tinda at nilapitan siya.
"Baon mo," sabi ko.
Masaya ako dahil isang taon na lang at makakatapos na si Seya ng kolehiyo. Hindi ko inakala na sa dami ng problema na kinaharap namin sa buhay ay ito ako ngayon, isang pangarap ang matutupad para sa kapatid ko.
"Naku, si ate! eh, baka wala na naman sa 'yong matira niyan?" tanong niya.
Umiling ako, ako na mismo ang naglagay ng singkwenta sa kaniyang palad.
"Mayroon pa, saka, maglalako ako ng gulay sa palengke. Sa ganda kong 'to tingin mo hindi ako makakabenta?" biro ko.
Tumawa siya at tinapik ako sa balikat.
"Iyon nga ata ang dahilan ate kaya ka nauubusan madalas ng paninda. Oh, siya ate! pasok na ako, ayokong mahuli, may recitation kami sa unang subject."
Humalik siya sa pisngi ko at pagkatapos ay lumabas na ng apartment na inuupahan namin.
Kahit papaano ay nakaakyat kami ng ilang palapag sa hamon ng buhay. Hindi na kami nakatira sa ilalim ng tulay at nakaipon ako para kahit papaano ay makaya ang pag-renta ng apartment para sa aming dalawa ni Seya.
Hindi kasi maaari na sa ilalim lang kami ng tulay manirahan. Maraming masasamang loob, parehas pa kaming babae ni Seya. Kailangan ko na masigurado ang kaligtasan ng kapatid ko. Sa awa ng may kapal ay talagang nakagawa ako ng paraan.
Nabigyan ako ng trabaho. Naging street sweeper ako, nagbenta ng uling, nangalakal pa rin. Nag-ipon kahit paunti-unti hanggang sa makaya ko na ang gastos namin ni Seya at makakuha ako ng maayos na tirahan para sa aming dalawa.
"Zehra! abay, hinihintay ni Dedang ang desisyon mo. Sasali ka daw ba sa pajent wala pang pambato ang lugar natin! lahat kami ay gusto na ikaw ang lumaban para syur wen! "
Naupo akong muli at nagtali ng mga gulay. Nilapitan naman ako ni Aling Sonya at tumalungko siya sa harapan ko. Kahapon pa nila ako pinipilit sa pageant na iyon. Mahiyain ako, saka, anong alam ko sa pagrampa? Isa pa, may question and answer portion iyon, may talent pa, ang alam ko lang maghanap ng trabaho. Saka ano ang isasagot ko sa tanong?
Baka mapahiya lang rin ako doon.
"Malapit na ang pista, Zehra, sa makalawa na at kailangan na ng listahan ng mga sasali mamaya. Naku, sayang ito Zehra! limang libo ang premyo!"
Napatigil ako sa pagtatali ng talong nang marinig ko ang sinabi ni Aling Sonya. Tumingin ako sa kaniya at nakita ko siyang ngingiti-ngiti sa akin.
"Hindi ba at nagti-thesis si Seya? malaki ang gastos non dahil iyong anak ko ay dumaan rin don bago nagtapos ng kolehiyo. Sige na, Zehra, malakas ang kutob namin ikaw ang mananalo don. Ang papangit kaya ng pambato ng ibang mga purok," sambit ni Aling Sonya.
Limang libo? kung mananalo man ako, sapat na nga ang limang libo. May pambayad kami ng dalawang buwan na upa, narinig ko na dalawang libo ang kailangan ni Seya sa thesis. May matitira pa akong dalawang libo...
"A-Ano ba ang kailangan, Aling Sonya?" tanong ko.
Tumayo siya at pumalakpak, "Ay, wala! ikaw lang ang kailangan! ang anak kong si Lea ang may sagot ng gown, swimsuit at saka ng mga heels. Tapos 'yong anak daw ni Theresa ang magme-make up sa iyo. Hindi ba at may bading na anak 'yon na magaling magmakeup?"
Kung ganoon ay desisyon ko na lang pala ang kulang.
"S-Sige, Aling Sonya. Sayang lang rin, baka nga palarin," sagot ko.
BINABASA MO ANG
Three Month Agreement (SELF-PUBLISHED)
Storie d'amoreDalawa ang mahalaga sa buhay ni Zehra. Ang kapatid niya at pera. Simula pagkabata ay namulat sya sa hirap ng buhay. Kinailangang kumayod para makakain. Masipag siya, matiyaga at lahat ay papasukin niya para lamang sa minamahal na kapatid. Kaya't na...