\Ang masiglang kapatid ko na palagi akong sinasalubong ng ngiti... nasaan na?
"A-Ate..." ngumiti siya ngunit hindi iyon umabot sa kaniyang mga mata.
Ang payat na niya, nalalagas ang kaniyang maganda at mahabang buhok tapos ang putla na ng mukha niya na halos mawalan na ng kulay ang mga labi.
"A-Ate... ko," naitaas ko ang aking mga kamay nang bigla niya akong yakapin.
"Ate... sobra-sobra a-akong nagpapasalamat sa Diyos dahil i-ikaw ang ibinigay niya sa akin. Tumayo k-ka na magulang ko nang mamatay ang nanay at tatay. Hindi mo ako p-pinabayaan at l-lagi ang kapakanan ko ang iniisip mo."
"S-Seya..."
Ramdam ko ang hirap niya sa pagsasalita. Nahigit niya ang hininga at humihinto sandali.
"Sa... b-buong buhay ko na nakasama kita kahit isang beses hindi mo ako pinagtaasan ng boses. H-hindi ka nagalit. Napakamaintindihin mo. Napaka m-maalaga, mapagmahal at ako palagi ang nasa isip mo. S-Sabi ko nga, paano naman ang Ate Zehra k-kung puro na lang si Seya? sino ang mag-aalaga sa ate kapag nawala si Seya?"
Umiling ako, "Hindi... h-hindi ka mawawala. I-Ikaw ang makakasama ni ate hanggang huli."
"Ate Z-Zehra, H-Hindi ko maisip ang tamang salita para sabihin kung gaano ako kapalad na ikaw ang ate ko... ang s-saya-saya ko na may Ate Zehra ako... ang ate na palagi kong ipinagmamalaki kasi napakabuti, napakasipag at sobrang... m-mapagmahal."
"A-Ang pagmamahal na ipinaparamdam m-mo sa akin ay higit pa sa pagmamahal n-ng isang kumpletong pamilya..."
Hindi ko na rin napigilan ang aking emosyon nang marinig ko ang pag-iyak ni Seya sa balikat ko. Pinalis ko ang aking mga luha sa bigat ng pinagdaraanan namin ngayon. Inihagod ko ang aking kamay sa kaniyang likod. Niyakap ko siya ng sobrang higpit. Yakap na hinding-hindi ko siya bibitawan kahit anong mangyari.
Kahit pa ang maging kapalit ng paggaling niya ay ang buhay ko.
"M-Mahal na mahal na mahal kita, Ate Zehra. Ikaw y-yung ate na... i-ikaw yung ate na kahit sa susunod na buhay ay gusto kong makasama."
Naramdaman ko na nabasa ang aking balikat. Ang akala ko ay dahil sa luha ngunit nang hawakan ko si Seya at ilayo sa akin ng kaunti ay natigilan ako at umahon ang matinding takot sa aking sarili.
"S-Seya!"
Dumudugo na naman ang kaniyang ilong. Napahablot ako ng tissue sa gilid dahil walang tigil iyon sa pagtulo. Napansin ko rin ang mga mata ni Seya na parang naging blangko.
"A...te..."
"S-Seya... Seya..." umiiyak ako habang hawak ko siya sa balikat at itinatapon sa sahig ang tissue na hawak ko sa tuwing mapupuno ng dugo iyon. Nawawalan na rin siya ng lakas kaya napapasandal sa akin. Nang walang tigil sa pagdurugo ang kaniyang ilong ay aabutin ko na sana ang emergency button sa gilid nang sumuka si Seya ng dugo.
"D-Diyos ko po..."
"S-Seya!" punong-puno ng dugo ang aking damit. Nanginginig ang mga kamay ko na nakahawak sa lupaypay na katawan ng kapatid ko. Hindi ko na malaman ang gagawin. Ang iyak ko sa buong silid ay dinig na dinig.
"Seya! Seya!"
Nang dumating ang mga nurse ay kaagad na pumunta ang isa sa ER. Ang isa naman ay naiwan at kinuhanan ng pulso ang aking kapatid. Hindi matigil ang pagdaloy ng luha sa mga mata ko dahil walang lakas na nakasandal sa akin ang aking kapatid habang walang tigil sa pag-agos ang dugo sa kaniyang ilong.
BINABASA MO ANG
Three Month Agreement (SELF-PUBLISHED)
RomanceDalawa ang mahalaga sa buhay ni Zehra. Ang kapatid niya at pera. Simula pagkabata ay namulat sya sa hirap ng buhay. Kinailangang kumayod para makakain. Masipag siya, matiyaga at lahat ay papasukin niya para lamang sa minamahal na kapatid. Kaya't na...