Mabilisang naka-alis sila Hermia sa Kaharian ng Thelanisus.
Nagpapahinga sila ngayon sa ilalim ng mga puno.
“Gutom na ako...”
Dahil sa sinabi ni Hero ay biglang naalala ni Hermia na may dala pala siyang mga istak ng pagkain.
“Ah! Meron akong dalang mga pagkain-huh?”
Nang binuksan ni Hermia ang lalagyan ng naglalaman ng mga pagkain ay wala siyang nakitang ni-isang laman.
“Huh? Paanong nangyari...?”
Hindi makapaniwala si Hermia. Punong-puno ng pagkain ang lalagyanan pero ngayon ay wala na.
“May problema ba, Hermia?” tanong ni Alejandro.
Nagtaka ang mukha ni Hero.
‘Eh? Hindi ba alam ni Alejandro na Prinsesa at Prinsipe kami sa Thelanisus? Sobrang kaswal ng pagtawag niya kay Hermia.’
Lumagok si Hero ng alak. Kahit na naglalakbay sila ay yakap-yakap niya ang alak.
‘Hindi niya talaga alam siguro.’
Tumingin na lang si Hero kay Hermia na naguguluhan ang mukha.
“May nagnakaw ng pagkain natin...”
“Nagnakaw?” tanong ni Hero.
“Mhm, sobrang dami kong dinalang pagkain pero ngayong binuksan ko ang lalagyanan ay naglaho na lang nang parang bula ang mga pagkain,” malungkot at dismayang wika ni Hermia.
“Huh? Wala naman tayong nakasalamuhang tao, ah?” nagtatakang tanong ni Hero at napatango sina Hermia at Alejandro.
Biglang tumawa si Hero dahil may napagtanto siya. Nagtaka sina Hermia at Alejandro sa kaniya.
Inamoy niya ang hawak-hawak ni Hermia na lalagyanan ng pagkain na wala ng laman.
“Hahaha!”
Tumawa ulit siya pagtapos niyang amuyin ang lalagyanan ng pagkain.
“Amoy ahas at pusa!” masayang wika pa ni Hero.
‘Ah...’ May napagtanto na rin si Hermia at napangiti.
Si Alejandro na lamang ang walang alam.
“Hero, saan sa tingin mo nagtatago ang dalawa?” masayang tanong ni Hermia sa kakambal.
“Alam ko na!” Tumayo si Hero at pumunta sa likod ng puno na medyo malapit sa kanila.
Mabilisan niyang hinigit ang dalawang nilalang na may pagkain pa sa bibig.
“Sssss! Hisss!”
“Meowwww!”
Masaya niyang dinala ang isang ahas at pusa.
“Alam niyo bang masamang magnakaw nang bagay na may nagmamay-ari na? Hmm?” tanong ni Hermia sa ahas at pusa.
“Meow!”
“Hisss!”
Nilabas ng pusa ang matulis niyang pangil, habang ang ahas ay nilabas niya ang pangil na makamandag.
“Sumagot kayo sa lengguwahe ng tao,” utos ni Hermia.
“Gutom pa ako. Hindi pa sapat ang pagkain na kinuha namin sa inyo.”
“Ang sarap ng tinapay.”
Wika ng ahas at pusa.
Bata pa ang dalawa.
Kulay puti ang balat at pula ang mata ng ahas. Habang ang pusa ay kulay pilak ang balahibo at kulay ginto naman ang mata.
“Woah...”
Hindi maiwasang mamangha ni Alejandro dahil ngayon lang siya naka kita nang nagsasalita na hayop.
“Ngayon ka lang ba nakakita ng ganito?” tanong ni Hermia kay Alejandro pero ang tingin nilang lahat ay sa pusa at ahas na nasa gitna na nila.
Tumango si Alejandro.
Naintindihan ni Hermia si Alejandro dahil sa tingin niya ay baka nakulong nga talaga nang matagal si Alejandro sa Gubat ng Kamatayan.
‘Huh? Napapansin kong napaka-inosente ni Alejandro. Parang wala siyang alam sa mundo na ito,’ hindi makapaniwalang wika ni Hero sa isip niya.
“Gutom pa ako...” wika ng pusa.
“Gusto ko pang kumain ng tinapay,” wika naman ng ahas.
“Galing kayo sa Pangkat ng Ahas at Pusa, hindi ba?” masayang tanong ni Hermia sa dalawang bata.
Napasinghap si Alejandro dahil sa pagkamangha na naman.
‘Kakaiba talaga ang mundo na ito. May ganito rin pala? Ang galing...’ Kahit sa isip ni Alejandro ay namamangha siya.
Iba ang kinalakihan niyang mundo bago siya nagising na nasa Gubat ng Kamatayan na siya at ibang mundo.
BINABASA MO ANG
Hermia
FantasySi Hermia ay naniniwalang walang pakielam sa kaniya ang reyna, ang mama niya. Kaya tinuon na lamang ni Hermia ang atensyon niya sa nanay-nanayan niyang si Grace Villin. Pero noong nahulog siya sa hagdan, nakita niya ang nanay-nanayan niyang...