Kabanata 47: Ikaw, Ikaw Ba Ang May-Akda? (4)

212 20 0
                                    

   “Author...” salita rin ni Hermia.

   ‘Parang nabanggit na iyon ni Alejandro. Author... sobrang pamilyar.’

   “Mukhang nagkakagulo na sila Alejandro dahil bigla ka na lang nawala,” natatawang wika ng lalaki.

   Lumuhod ang lalaki para magpantay siya at si Hermia.

   “Nagbago na ang isip ko, Buburahin na sana kita kaso nakita kong masaya at may pakinabang ka. Isa na lang basura ang kuwentong The Hero's Sacrifice... pero... mas maganda ang bersyon na ito kaysa sa orihinal.”
  
   Pagkatapos niya iyong sabihin ay tumayo na siya at umalis.

   Dahil sa sinabi ng lalaki ay may napagtanto si Hermia.

   ‘Siya pala ang taong nag-utos kay Mago na burahin ako. Mukha ring may mas marami nga talaga siyang nalalaman. Alam niya rin ang kuwento. Tama rin siya, mas maganda ang bersyon na ito.’

   ‘Kasamahan niya ang mga misteryosong tao at ang misteryosong salamangkero. Halatang-halata naman. Pero... magkapatid ba sila ni Alejandro? Pareho sila ng kulay ng mata at buhok.’

   May napagtanto pa si Hermia. Nakalimutan niyang itanong iyon sa lalaki. Pero nararamdaman niyang sigurado siya sa lalaking iyon.

   “Ikaw, Ikaw ba ang may-akda?” tanong niya kung kailan wala na ang lalaki. 

   ‘Ha... ano naman ba ito? Tsk, tsk.’
  
   “Hermia! Saan ka ba nagpupunta?!”

   Umayos nang tayo si Hermia. Pinagpagan niya ang damit niya at nagtanong.

   “Tapos na ba?”

   Natawa nang naiinis si Amira.

   ‘Tignan mo ito, nagtanong na agad kung tapos na ba pero bigla-bigla na lang nawala. Alam niyang sobrang tanda ko na pero pinag-aalala niya pa rin ako!’

   “Oo,” sagot niya kahit naiinis.

   “Bumalik na tayo.”

   Nagtaka ang hitsura ng lahat.

   “Hindi natin papatayin si Mago?” nagtatakang tanong ni Alejandro.

   Umiling-iling si Hermia at sinagot ang tanong na iyon.

   “Nag-iisip pa ako.”

   ‘Sinabi ng lalaki na hindi na niya ako buburahin, kaya bakit ko pa sila pupuntahan? Hindi na nila guguluhin ang buhay ko kaya bakit mag-aabala pa?’

   “Ayaw mo bang malaman kung anong meron sa mga taong iyon? Kung bakit sila sumali sa digmaan at umatake sa Siyudad ng Czyrah?” tanong naman ni Hero na may kasamamg kumbinsi.

   “Ayokong malaman. Pero... kung ginalaw ulit nila ang Thelanisus, hindi ko sila palalagpasin.”

   Biglang napahinto si Hermia sa sariling sinabi.

   ‘Huh? Pero pangalawang beses na nilang ginulo ang Thelanisus, wala namang namatay kahit na umatake ang mga misteryosong tao sa Siyudad ng Czyrah at ang misteryosong salamangkero na si Mago na umepal sa digmaan.’

   ‘Kahit ganoon... ginalaw pa rin nila ng dalawang beses ang Thelanisus.’

   “Nagbago na ang isip ko.”

   Tumingin si Hermia kay Amari.

   “Lola, tumungo ulit tayo sa kinalulugaran ni Mago.”

   Tumango si Amari at nagsimula na naman silang maglakad.

   Biglang may pumasok na tanong sa isip ni Hermia.

   ‘Kakaiba, bakit parang walang nakaramdam sa presensya ng lalaking iyon? Hindi nila alam?’

   “Saan ba siya nagpunta?!”

   May narinig na reklamong tanong sa hindi kalayuan sila Hermia.

   “Ang ingay mo,” salita naman ng isang tao sa nagreklamo

   “Ang ingay niyong dalawa,” matamis na salita ni Hermia sa dalawang tao.

   Nagulat ang dalawa.

   Nagkasalubong ang grupo nila Hermia at ang dalawang tao.

   “Oh, Prinsipe Atlas, bakit hindi ka nagbigay ng sulat sa Thelanisus na tutungo ka rito? Napakawalang galang naman,” wika pa ni Hermia.

   ‘kahit nga ang mga mamamayan ng Alenua ay nakakapunta ng malaya sa Thelanisus, eh. Ginaya ko lang siya. Pero kung ang mga may matataas na posisyon ang pupunta sa kabilang kaharian ay dapat ipapaalam talaga nila iyon sa kaharian para ang kaharian na bibisitahin nila ay sasalubungin sila ng may ngiti sa labi.’

   Naging kalmado na ang ekspresyon ni Atlas at dahan-dahan itong ngumiti ng elegante at nagsalita.

   “Paumanhin, Binibining Hermia. Binabati ko ang Thelanisus sa pagkapanalo, oh nabalitaan ko rin na binato mo ang posisyon mo.”

   Binibini ang tinawag ni Atlas kay Hermia imbes na Prinsesa dahil nga hindi na Prinsesa si Hermia.

   Hind maiwasang mamangha at matawa si Hermia kay Atlas.

   ‘Ang daming mga namatay na sundalo, kabalyero, salamangkero at salamangkera ng Alenua. Pero ang Prinsipe ng Alenua na magiging Hari sa hinaharap ay binabati pa ang kaharian na napagdigmaan ng Alenua at pumatay sa mga iyon.’

   “Hahaha! Ang bilis naman ng balita.”

   Nagpabalik-balik ang mata ni Hermia kay Mago at Atlas.

   “Sabi ng Alenua na hindi galing sa kanila ang misteryosong salamangkero na sumulpot sa digmaan. Pero... bakit magkasama ang Prinsipe Atlas at ang misteryosong salamangkero? Haha! Mali ba ang nakikita ko sa harapan ko? Pfft!” Tumawa pa si Hermia.

   Nakitawa rin sa kaniya si Atlas.

   “Hmm? Bakit sumulpot din kaya sa digmaan ang Hearth? Ah, kung iisipin nating dalawa, Binibining Hermia. Patas lang ang digmaan. Isang mataas at magaling na salamangkero si Mago at ang Reyna naman ng Hearth ay ganoon din, hindi ba iyon matatawag na patas?” Tumawa naman si Atlas.

   Nakitawa rin sa kaniya si Hermia.

   Nagtatalo sila gamit ang kalmado, elegante, inosente at mala palakaibigan na dila. Ang dila talaga ang pinaka matalas na sandata ang meron sa katawan ng tao.

  

HermiaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon