Kabanata 57: Ang Anak Ng Diyosa Ng Kalikasan (5)

148 13 0
                                    

   Umaga na, nasa labas ng bakod sina Hermia at Dayang.

   “Kaya ka hinabol ng mga tao dahil lagi mong pinapa-ulan?”

   Tumango si dayang.

   “Huwag mong paglaruan ang panahon, ayos lang kung mga halaman pero ang panahon ay hayaan mo lang. Naintindihan mo?”

   Tumango na naman si Dayang.

   ‘Masyado pa siyang bata kaya ang hilig niyang maglaro.’

   Napahawak sa baba si Hermia habang pinapanood na nakikipaglaro si Dayang sa mga halaman.

   ‘Ngayon naman... kailangan kong pigilan ang mga taong gustong patayin si Dayang.’

   “Ayon siya! Ang halimaw!”

   Nagtago si Dayang sa likod ni Hermia.

   Tumingin si Hermia sa mga taong dumating.

   ‘Oh, saktong-sakto. Nag-iisip pa lang ako.’

   “Binibini!” tawag sa kaniya ng matandang babaeng nagtanong sa kaniya noong nakaraan.

   “Oh?” Tinaasan ng kilay ni Hermia ang lahat.

   “Delikado ang bata na iyan!”

   Tinuro nilang lahat si Dayang na mas lalong nagtago sa likod ni Hermia.

   Natawa si Hermia.

   ‘Kung alam lang nila na anak ng Diyosa ng Kalikasan si Dayang, anong magiging reaksyon nila?’

   “kilala niyo ba ang mama ni Dayang? Hmm?” tanong ni Hermia sa mga tao.

   Naramdaman ng mga tao na pinagtatawanan at mababa ang tingin sa kanila ni Hermia.

  ‘Mama ni Dayang ang Diyosa ng Kalikasan, kung alam niyo lang.’

   “Dayang? May pangalan at magulang si Dayang???”

   Puno ng pagtataka ang mga mukha ng mga tao.

   “Oo, nakakatakot siya,” sagot ni Hermia na may kasamang pagyayabang.

   ‘Oh~ Diyosa ng Kalikasan, sana pagpapaltukan mo ang mga ulo nila kung pu-puwede lang.’

   Tinignan nang mabuti ng mga tao si Hermia at Dayang.

   May napagtanto sila.

   ‘Tinutukoy niya ang sarili niya?’

   ‘Siya ang magulang?’

   “Sino mama mo?” tanong ng matandang lalaki kay Dayang para makumpirma.

   “Malakas ang Mama ko. Sabi niya kapag pinatay niyo ako ay magkakaroon ng mga lindol, pagbaha, at bagyo kada isang araw sa isang linggo,” inosenteng sagot ni Dayang.

   Tumango-tango si Hermia. Sumasangayon siya.

   ‘Tama, ganiyan ang mangyayari sa Teritoryo ng Belmonte kapag namatay si Dayang. Magagalit ang Diyosa ng Kalikasan.’

   “Mukha nga siyang Diyosa...”

   “Kayang kontrolin ng bata na iyan ang kalikasan. Paano pa kaya ang mama niya...”

   “Maganda siya...”

   “Diyosa ng Kalikasan?”

   Nagbulungan ang mga tao kaya napakunot ng noo si Hermia dahil sobrang labo ng bulungan kahit na naririnig niya, pero malabo at hindi maintindihan.

   Umubo ng peke ang matandang lalaki.

   “Paumanhin, hindi na namin guguluhin ang anak ng Diyosa ng Kalikasan at Kagandahan.”

   Napangiti si Hermia.

   ‘Kilala rin naman pala nila ang Diyosa ng Kalikasan? Pero sino ang kagandahan?’

   “Hmm?”

   Nagulat si Hermia ng lumuhod ang mga tao sa kaniya at sabay-sabay na sinabing,

   “Oh~ Diyosa ng Kalikasan at Kagandahan, patawarin mo kami sa kasalanang ginawa namin sa anak niyo!”

   “Magtutulong-tulong kami para gumawa ng inyong rebulto!”

   Tumulala si Hermia sa kawalan.

   ‘Huwag niyong sabihin napagkamalan ako?! Rebulto?! Gago ba sila?! Hindi ako Diyosa o Diyos!’

   Dahil doon, nagsimulang magtulungan ang mga tao sa Teritoryo ng Belmonte na gumawa ng rebulto ni Hermia sa pinakamataas at magandang bundok ng Teritoryo ng Belmonte.

HermiaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon