Kabanata 61: Ang Pagtitipon (1)

182 15 0
                                    

   Lumuhod ang mga Pangkat ng Ahas at Pusa sa lalaki.

   Ngumisi ang lalaki.

   “Ang Prinsipe ng Alenua at ang malakas na salamangkero. Hindi ko na sila kailangan. Wala silang pakinabang. Kaya... pakiusap, huwag niyo akong padidismayain.”

   “Magiging paki-pakinabang kami sa iyo! Ikaw ang Diyos namin!”

   Natawa ang lalaki sa tugon ng lahat.

   ‘Diyos, huh... ang tagal na simula noong marinig ko iyon. Pero nang marinig ko ulit iyon, nandiri ako. Napakakadiring pakinggan.’

   “Diyos? Hindi ako Diyos... isa lamang akong ordinaryong tao, huwag kayong lumuhod sa akin.”

   Tinulungan niyang tumayo ang isang batang lalaki.

   Dahil din sa sinabi niya ay nagsitayuan ang lahat sa pagkakaluhod.

    “Tutulungan niyo ako, hindi ba?” malambing niyang tanong sa Pangkat ng mga Ahas at Pusa.

   “Oo naman! Ikaw ang tumulong sa amin sa mga bagay-bagay!”

   “Maraming salamat!”

   “Noong sinunod ka namin at ginawa namin ang mga payo mo, nagsimulang matakot ang ibang mga pangkat!”

   Mas lalo siyang napangiti ng matamis sa lahat.

   ‘Salamat sa inyo... maabot ko na ang hinihiling ko kahit maraming magsasakripisyo.’

   “Aalis ka na agad?” gulat na tanong ni Enriquez kay Hermia.

   Tumango si Hermia.

   “Kung maari, puwede ko bang iwanan sa iyo ang tatlo?” Nginuso pa ni Hermia sina Dayang na buhat-buhat sina Eli at Teresa.

   “I-iwanan mo ulit ako?!” gulat at nagtatampong tanong ni Dayang nang marinig iyon. Hindi kumibo sina Eli at Teresa.

   Lumapit si Hermia sa tatlo at bumulong.

   “Babalik ako, kaya habang naghihintay kayo. Magpalakas kayo. Para sa pagbalik ko, sobrang lakas niyo na at kaya niyo ng mapahina ang mga tuhod ng kalaban hanggang sa matumba sila sa kinatatayuan nila.”

   Nakaramdam ng pagkasabik ang tatlo dahil sa binulong ni Hermia.

   Napangiti si Hermia at bumalik kay Enriquez.

   “Huwag kang mag-alala, ako ang bahala sa kanila,” masigla namang pangako ni Enriquez kay Hermia.

   Nakaramdam ng kuntento si Hermia.

   Mabilis na umalis si Hermia patungo sa Bundok ng Kagandahan.

   Kailangan na niyang gumalaw at magplano dahil alam niyang hindi basta-basta tatahimik ang may-akda ng The Hero's Sacrifice.

   Ngunit sa paglalakbay niya ay may nakaka-awang tao siyang nakasalubong.

   “Kawawa ka naman, para kang asong inabandona ng amo,” natatawa niyang kutya kay Mago.

   Sumimangot si Mago at hindi nagsalita.

   “Bakit hindi mo kasama si Prinsipe Atlas?” dismayado pang tanong ni Hermia.

   ‘Nakakadismaya naman kung hindi niya kasama ang Prinsipe na iyon. Sayang, mas nakakatawa kung pareho ko silang makikitang nakaka-awang nasa daanan.’

   “Hindi ako puwedeng sumama sa kaniya dahil kilala ako sa iba't ibang kaharian na kriminal na salamangkero, dahil sa pag-epal ko sa digmaan ng Alenua at Thelanisus,” mahinang sagot nito.

   Tumawa nang malakas si Hermia.

   “Kawawa ka naman! Whahaha! Nawalan ka pa ng isang kamay! Hahaha!”

   ‘Baliw, sobrang sama at napaka-kontrabida,’ komento ni Mago habang pinapanood na tumawa si Hermia.

   Nang kumalma na si Hermia ay inabot niya ang kamay kay Mago.

   Nagtaka ang hitsura ni Mago.

   “Pupulutin ko ang inabandona ng may-akda. Hindi ako naawa sa iyo, natutuwa pa nga akong makita ka ng ganito, eh. Pero... nakikita kong may pakinabang ka,” wika ni Hermia habang hinihintay na abutin ni Mago ang kamay niya.

   “Sinasadya mo bang kamayan ako gamit ang kanang kamay mo? Gamitin mo ang kaliwang kamay mo dahil pinutol ni Alejandro ang kanang kamay ko,” reklamo ni Mago.

   Iniba ni Hermia ang kamay, ginawang kaliwa at nakipagkamayan kay Mago.

   “Sana magtulungan tayo sa hinaharap.”

  

HermiaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon