Mabagal lang na nakasunod ang misteryosong salamangkero kay Hermia.
“Huwag mo ng pahirapan ang sarili mo! Mahahabol din kitaaa!”
Napa-ngiwi si Hermia dahil sa masayang sigaw ng misteryosong salamangkero.
May nakasalubong si Hermia at masaya siyang lumapit dito.
“Lola! May—”
“Alam ko, nararamdaman ko,” seryosong tugon ni Amari.
‘Malakas siya dahil isa siyang purong Dragon! Mas malakas pa ang mahika niya kaysa sa salamangkero na iyon!’
Nakahinga na nang maluwag si Hermia.
“Ang kapal ng pagmumukha mong tao ka na umapak sa teritoryo ng Dragon, naghahanap ka ba ng kamatayan?”
Sa hindi maipaliwanag na dahilan, nakaramdam ng nakakatakot na pakiramdam sina Hermia at ang misteryosong salamangkero.
‘Ahhh! Gumagamit si lola ng nakakatakot na pakiramdam! Mas nakakatakot tuloy siya kaysa kay Alejandro.’
Napayakap na lang si Hermia dahil hindi niya maiwasang matakot kahit ayaw naman niyang matakot, hindi niya maintindihan, basta ang alam niya ay natatakot siya.
‘Ang Dragon talaga ang pinaka magandang nilalang na nabuhay at ginawa sa mundo.’
Habang ang misteryosong tao naman ay namumutla, nanginginig ang isa niyang kamay, kahit din ang kanang kamay na putol ay hindi maiwasang manginig dahil sa hindi maipaliwanag na nararamdamang takot.
‘Kung alam ko lang na may Dragon pala rito ay hindi na ako tutuloy! Tae?! Bakit ang daming mga malalakas na tao ang nakapalibot kay Hermia? Mahina lang naman si Hermia, kaya bakit? Mas malakas pa yata ang sanggol kaysa sa babaeng iyan! Kolektor ba siya ng mga malalakas na tao?’
Tumingin ang misteryosong salamangkero kay Hermia ng nagtatanong at usyosong tingin.
Nagkibit balikat si Hermia sa kaniya dahil hindi niya alam kung bakit ito ganoon makatingin.
“Paumanhin po, mahusay at makapangyarihan na nilalang,” magalang na paumanhin ng misteryosong salamangkero kay Amari.
“Mabuti naman at alam mo.” Kontento pang napatango si Amari sa misteryosong salamangkero.
“Lola, huwag mong patawarin ang salamangkero na iyan!” Tinuro pa ni Hermia ang misteryosong salamangkero.
“Bakit?” tanong ni Amari at tumingin kay Hermia ng nagtataka.
‘Bakit ko siya patatawarin??? Hindi ako nagpapatawad.’
“Ang salamangkero na iyan ang nakalaban namin sa digmaan!”
“Naka laban?! Iyong lalaking itim ang buhok at mata ang nakalaban ko! Saka rin pala iyong Reyna ng Hearth! Ang dalawang iyon lang ang nakalaban ko! Wala nga akong napatay sa digmaan, eh! Ang lalaking itim ang buhok at mata pa nga ang pumutol sa kanang kamay ko! Napaka!” reklamo ng misteryosong salamangkero.
Bumuntong hininga si Amari bago niya pinalibutan ng mga lubid ang misteryosong salamangkero sa katawan, gamit ang mahika.
Hindi maiwasang magulat at mamangha ang misteryosong salamangkero.
‘Napakamakapangyarihan talaga ng mga Dragon!’
Biglang may napagtanto ang misteryosong salamangkero.
‘Ah... tinali ako.’
—
“Kumusta ang kanang kamay mo?” inosenteng tanong ni Alejandro sa misteryosong salamangkero na nakatali na sa ilalim ng puno.
“Kumusta? Heto sumasakit pa rin dahil sa ginawa mo, hahaha!”
‘Sinong tangang masaya pang nahuli at natali? Hindi ba niya na-isip na nasa bingit na siya ng kamatayan? O wala talaga siyang isip?’ tanong ni Hermia sa isip.
Pinalilibutan nina Alejandro, Erik, Eli, at Teresa ang misteryosong salamangkero na nakatali sa ilalim ng puno.
Nagtatanong ng kung ano-ano ang dalawang bata, sina Eli at Teresa sa misteryosong salamangkero. Masaya naman nitong sinasagot ang mga tanong.
‘Kailangan talagang harapin ng mga bida ang mga baliw na tao,’ komento sa isip ni Hermia sa misteryosong salamangkero na masaya pang kinakausap ang dalawang bata.
At may napagtanto si Hermia. Naalala niya ang mga ginawa ng mga bida noong digmaan at ngayon naman na nakikipag-usap ang mga bida sa baliw na tao.
“Nakakapagod sigurong maging bida,” mahinang bulong ni Hermia.
“Mahal na prinsesa, ang hirap sigurong maging kontrabida,” komento ni Johan na nasa tabi na ni Hermia.
‘Tsk, sumusobra na itong matandang ito.’
“Johan, bakit mo pa ako tinatawag na 'mahal na prinsesa'? Alam mo namang hindi na ako prinsesa, Hermia na dapat ang itawag sa akin. Pangalan na mismo ang dapat itawag sa isang ordinaryong taong katulad ko. Saka puwede ka ng bumalik sa palasyo, hindi ka na kailangan dito.” Ngumiti ng matamis si Hermia kay Johan.
Malumay na umiling ang matanda.
“Bakit ko naman maiiwanan ang liwanag ng Thelanisus? Ang mga mamamayan ng Thelanisus ay mag-aalala sa dating prinsesa lalo na at hindi na ito prinsesa, magiging delikado na ang buhay ng dating prinsesa.”
Ngumiti ng matamis ang dalawa sa isa't isa.
‘Nakakayamot talaga ang matanda na ito. Liwanag mo mukha mo.’
BINABASA MO ANG
Hermia
FantasiSi Hermia ay naniniwalang walang pakielam sa kaniya ang reyna, ang mama niya. Kaya tinuon na lamang ni Hermia ang atensyon niya sa nanay-nanayan niyang si Grace Villin. Pero noong nahulog siya sa hagdan, nakita niya ang nanay-nanayan niyang...