“Ang anak ng Diyosa ng Kalikasan...”
Sandaling napatigil si Hermia.
“Hmm? Ah! Nagsasalita na naman siya!”
Humawak ang bata sa ulo niya.
Nagtaka si Hermia.
“Ang sabi niya ay isang magandang babae ang magiging ina ko rito!”
Tumingin mula ulo hanggang paa ang batang babae kay Hermia.
Umatras si Hermia at umiwas ng tingin.
“H-hindi ako ganoon kaganda.”
‘Kasalanan ko bang maganda ako?’
Lumapit ang bata kay Hermia at niyakap siya.
“Mama! Bigyan mo raw ako ng pangalan!”
Napapikit ng mariin si Hermia.
‘Oh... paano ako nagkaroon ng anak? Labing limang taong gulang pa lang ako...’
“Ang taong nagsabi sa iyo na ako ang Mama mo at bigyan kita ng pangalan ay ang Diyosa ng Kalikasan ba?” pagod na tanong ni Hermia.
“Oo. Ikaw na raw ang mama ko at bigyan mo ako ng pangalan dahil hanggang ngayon ay walang nagpapangalan sa akin.”
Dahan-dahan hinawakan ni Hermia ang ulo ng bata habang nakayakap pa rin ito sa kaniya.
“Ilang taon ka na ngayon?”
“Limang taong gulang.”
‘Limang taong gulang? Pero wala pa rin siyang pangalan? Nagsasalita sa kaniya ang Diyosa ng Kalikasan kaya bakit hindi pa rin siya nito binibigyan ng pangalan?’
“Mag-iisip pa lang ako kung anong pangalan mo.”
Bumitaw ng yakap ang bata.
“Gutom na ako. Pakainin mo ako, mama.”
Natawa si Hermia dahil inuutusan siya ng bata.
Binuhat na niya ang bata.
Hindi na siya nakatanggi, ang Diyosa ng Kalikasan na mismo ang nagsabi na siya ang magiging Mama ng bata, kaya anong magagawa niya?
Naglakad na sila. Maghahanap ngayon si Hermia kung saan may mas magandang pagpwestuhan ng bahay.
Tumigil si Hermia sa harapan ng malaki at magandang puno.
“Maninira tayo ngayon ng mga puno, ayos lamang ba iyon?” tanong niya sa bata dahil may koneksyon ang bata sa kalikasan.
“Sabi niya ayos lang, marami naman daw mga puno rito at saka kapag nilibing naman daw ang mga tao ay may maraming pataba.”
Tumayo ang balahibo at nanlamig ng ilang sandali si Hermia dahil sa sagot ng bata.
‘Nakakatakot talaga ang mga Diyos at Diyosa.’
“K-kung ganoon, sige. Gagawa tayo ngayon ng bahay. Matutulungan mo naman ako, hindi ba?”
“Tutulungan kita dahil mama na kita.”
Napangiti si Hermia sa kuntento na sagot ng bata.
—
Umabot nang isang linggo ni Hermia na inalagaan ang bata at gumawa ng bahay. Bahay sa puno lang ang alam niyang gawing bahay.
Dahil din doon ay may napagtanto si Hermia.
‘Kaya ako bumalik sa nakaraan na imbes na si Enriquez ay dahil para iligtas ang anak ng Diyosa ng Kalikasan?’
‘Ibig sabihin kaya namatay sa kuwento si Enriquez ay dahil hindi siya nagwagi sa pagligtas sa bata?’
Hinanap ni Hermia ang anak ng Diyosa ng Kalikasan.
“Dayang!” tawag niya rito.
Dayang. Dayang ang ipinangalan niya sa bata.
Lumingon sa kaniya ang batang nakikipaglaro sa mga halaman. Medyo tumaba at naging malinis na ito.
“Kakain na.”
Nakangusong lumapit si Dayang kay Hermia.
“Mauna ka na, may titignan lang ako sandali,” utos niya.
Naunang umuwi si Dayang sa ginawang bahay-puno ni Hermia.
Lumapit si Hermia sa napansing punong gumagalaw ang mga sanga na parang sinasabi nito na lumapit siya.
Nang makalapit siya ay hinawakan niya ang isang sanga ng puno.
“Kumusta?”
Bibitawan na sana ni Hermia ang puno dahil sa nagsalita.
“Kumalma ka.”
Pilit kumakalma si Hermia.
“Maraming salamat. Dayang ang ipinangalan mo sa kaniya, hindi ba? Napakagandang pangalan.”
‘Kausap ko ba ang Diyosa ng Kalikasan?!’
“Sabi ko kumalma ka.”
Kumalma na si Hermia sa takot na magalit niya ang Diyosa.
“Ako ang nagpunta sa iyo rito at tama ka, gusto kong iligtas mo ang aking anak sa mga walang utang na loob na tao.”
“Ang kakapal ng mukha nila!”
“Binigyan ko na nga sila ng magagandang bundok at kapaligiran kaya bakit nila papatayin ang anak ko?!”
“Gusto ba nilang matikman ang galit ng kalikasan?!”
‘Siya pala iyon... ang sumisigaw, galit at umiiyak na boses noong nakulong ako sa mga sanga ng puno bago ako mapunta rito. “Ang anak ko! Bakit nila pinatay ang anak ko?! Binigyan ko na nga sila mg magagandang bundok at kapaligiran kaya bakit nila pinatay ang anak ko?!” ’
‘Hindi kaya... kaya nagkaroon ng mga lindol, bagyo, at pagbaha kada isang araw sa isang linggo sa Teritoryo ng Belmonte ay dahil namatay si Dayang at pinatikim niya sa mga tao ang galit ng kalikasan!’
‘Kaya rin namatay si Enriquez sa kuwento dahil nga hindi siya nagwagi sa pagligtas kay Dayang. Nadamay siya sa galit ng Diyosa ng Kalikasan. Dapat si Enriquez ang nandito! Kapag hindi ako nagwagi na iligtas si Dayang sa kamatayan ay mamatay din ako!’
BINABASA MO ANG
Hermia
FantasySi Hermia ay naniniwalang walang pakielam sa kaniya ang reyna, ang mama niya. Kaya tinuon na lamang ni Hermia ang atensyon niya sa nanay-nanayan niyang si Grace Villin. Pero noong nahulog siya sa hagdan, nakita niya ang nanay-nanayan niyang...